Linggo, Disyembre 27, 2009

BANGIS!

Panimula

Alas singko ng hapon. Mabilis na binaybay ni Biel ang daan sa kakahuyan. Nais niyang bisitahin ang kaibigang si Elaine at kumustahin ang kalagayan nito. Hindi kasi ito pumasok ngayong araw sa eskwela. Nabalitaan nyang may sakit daw ito. Nang sa di kalayuan ay narinig niya ang sigaw ng isang babae, kasunod ang malakas na tawanan ng mga kalalakihan. Labis niyang ikinagulat iyon kaya’t dali-dali niyang tinungo ang kinaroroonan ng ingay. Marahan nyang nilapitan at nagtago siya sa likod ng isang malaking punongkahoy. Maya-maya pa’y tanaw na niya ang tatlong lalaki na pilit na sinasamantala ang isang babae.

“Bitiwan nyo ako, parang awa nyo na!” galit ngunit nagmamakaawang tinig ng babae habang pilit inaalis ang pagkakakapit ng dalawang lalaki sa magkabila niyang braso.
“Maglalaro lang naman tayo eh, wag kang madamot!” nakangiting sabi ng lalaki na nasa harapan ng babae. May hawak itong baril ngunit hindi nakatutok sa dalaga.

Hindi malaman ni Biel kung takot o galit ang dahilan ng panginginig ng buo niyang katawan. Maya-maya pa’y uminit ang kanyang pakiramdam. Nanlisik ang kanyang mga mata. Nananakit ang kanyang mga kasu-kasuan. Ang makinis niyang balat ay unti-unting tinutubuan ng balahibo. Humaba at tumulis ang kanyang mga kuko. Nagbago ang anyo ng kanyang mukha. Ramdam nya ang biglang paglaki ng kanyang mga ngipin. Napunit ang kanyang damit dahil sa pagbabago ng kanyang anyo. Ilang saglit pa, ang binatang si Biel ay isang ganap na lion. Isang mabangis na lion.

Ang lion ay mabilis na tumalon at sumunggab sa lalaking nasa harapan at nabitiwan nito ang hawak niyang baril. Bumaon ang matalas nitong ngipin sa leeg ng lalaki. Labis na ikinagulat ng mga nakasaksi ang pangyayaring iyon. Bumitiw sa pagkakahawak sa braso ng babae ang dalawang lalaki at sabay na binunot ang mga baril. Napaupo ang babae at hindi malaman ang gagawin sa labis na takot.

Nang masigurong wala nang buhay ang lalaki ay humarap ang lion sa dalawang lalaki na nanginginig sa takot at nakatutok ang baril dito. Nagpakawala ng nakabibinging ungol ang lion. Nang akmang papuputukin ang baril na iyon ay muling nagbago ang anyo nito. Sa isang iglap, ang lion ay naging lawin at mabilis na lumipad paitaas.

BANG! BANG! BANG!

Sunud-sunod na putok ang pinakawalan ng dalawang lalaki ngunit hindi nito nahagip ang mailap na lawin. Bumulusok itong paibaba sa dalawa ngunit ng makitang nakatutok ang baril ay biglang nagbago ng direksyon. Nagpaikot-ikot ito sa dalawa at nang makakuha ng tiyempo ay sinunggaban ang isa.

BANG!

Isang putok mula sa isa pang lalaki, ngunit nabigla ito ng malamang hindi ang lawin ang tinamaan niya kundi ang kasama niya. Duguang bumagsak ito dahilan sa tama ng baril sa kanyang dibdib. Nawalang parang bula ang lawin na labis niyang ipinagtaka. Lumingon-lingon siya sa paligid ngunit tanging ang babaeng umiiyak lamang ang kanyang nakita. Ilang sandali pa ay naramdaman niya ang biglang pananakit ng kanyang binti. Nagulat siya ng makita ang dahilan niyon. Isang makamandag na cobra. Nang akmang babarilin niya ito ay biglang tumuklaw ito sa kanyang braso dahilan ng pagkabitiw ng kanyang baril. At mula sa isang cobra ay muling nagbago ang anyo niyon at naging isang malaking sawa. Lumingkis iyon sa lalaki. Pahigpit ng pahigpit hanggang tuluyan nang bawian ito ng buhay.






























CHAPTER 1

Unti-unting minulat ni Biel ang kanyang mga mata. Dama nya ang matinding pananakit ng buo niyang katawan. Mula sa malabong paningin ay unti-unting nagliliwanag ang paligid. Tanaw nya ang bubong na pawid mula sa kanyang pagkakahiga. Wala sya sa kanyang tahanan. Naguluhan ang kanyang isip. Pilit nyang inaalala kung ano ang nangyari sa kanya bago sya nahimbing. Muli niyang ipinikit ang kanyang mga mata. Isa-isang nagbabalik ang pangyayari nung gabing iyon. Apat na kalalakihan ang kanyang nakasagupa matapos nyang tulungan ang isang matandang babae na pilit na inaagawan ng bitbit nitong bag. Tila ramdam pa nya ang bawat hagupit na tumatama sa kanyang katawan. Bawat suntok ay nanunuot sa kanyang balat. At ang matalim ng bagay na bumaon sa kanyang tagiliran bago tuluyang nagtakbuhan ang mga kalalakihan at unti-unti na ring lumabo ang kanyang paningin.

Muli niyang idinilat ang kanyang mata at mula sa pagkakahiga ay pinilit niyang bumangon ngunit biglang kumirot ang kanyang tagiliran.

“Sabi ng itay, wag muna raw kitang hayaang bumangon.” Tinig mula sa isang babae na nakaharap sa kanya. Nakaupo ito sa upuang kahoy at may hawak na tasa. “Inumin mo raw ito pagkagising mo” sabay abot sa lalaki. Nag-aalangan man ay kinuha rin ito ni Biel.

“Sino ka? Nasan ako?” Naguguluhang usisa ni Biel.

“Ako si Louisa, at nandito ka sa bahay namin. Sabi kasi ng lolo, nakita ka raw nyang nakahandusay dun sa may bukid at walang malay.” Nakangiting wika ng dalaga. “Ikaw, ano pangalan mo? At ano ang nangyari sayo”

“Ako si Biel. Hindi ko na masyadong mataandaan ang nangyari basta ang alam ko, tinulungan ko yung ale na binabastos ng mga kalalakihan. Tapos...” tumingin sya sa dalaga na tila nagtatanong. “ewan ko na.”

“Hay naku, sige magpahinga ka na ulit dyan at magluluto na ako ng pananghalian. Maya maya lang ay darating na ang itay.” At tuluyan nang umalis ang dalaga at naiwan siyang nag-iisip.

Katanghaliang tapat ng dumating si Mang Arnulfo. Pagod na umupo sa harap ng mesa habang si Louisa ay naghanda ng pagkain matapos magmano sa kanyang itay.

“Kamusta na ang bisita natin?” usisa niya.

“Nagising na po kanina, pero hindi ko hinayaang bumangon. Ipinainom ko na rin po ung gamot na ipinabibigay ninyo.” Tugon naman ng dalaga.

“Pagkatapos nyan ay dalhan mo na rin ng pagkain doon, huwag mo na munang pabangunin dahil malalim ang kanyang sugat, matagal pa bago yan babalik sa normal.”

Katahimikan.

“Matanong ko lang po itay,” binasag ni Louisa ang katahimikang iyon. “Bakit po ang gaan ng loob nyo sa lalaking iyon? Paano kung mamatay tao po pala sya?”

Tahimik na tumingin si Mang Arnulfo sa anak. Walang reaksyon ang mukha nito.

“Nakita ko ang lahat Isang, lahat ng pangyayari.” Tugon nito.

“Ano po ang ibig nyong sabihin?” nagtatakang tanong ni Louisa.

Huminga ng malalim si Mang Arnulfo. “Pauwi na ako kagabi ng makita ko sa di kalayuan ang isang babae.” Pansamantalang itinigil ang pagkain, seryoso ang mukhang tumingin sa anak.

“Nung makita kong papalapit ang grupo ng kalalakihan, alam ko na, may binabalak na masama ang mga iyon. Kaya nagtago sa likod ng poste dahil ayaw kong madamay. At isa pa, matanda na ako para tumulong sa kanya. Tatawag sana ako ng tulong ng makita ko ang lalaking iyan na papalapit sa kanila. Ayun, nagkagulo na sila hanggang sa nakita kong sinaksak sya ng isa sa mga kalalakihan. Natakot siguro,kaya nagtakbuhan sila.”

“Ano naman po ang nangyari sa babaeng tinulungan nya?” tanong ni Louisa.

“Nung lapitan ko si..”

“Biel…Biel po daw ang kanyang pangalan” patuloy ni Louisa.

“Biel…nung lapitan ko si Biel, wala na itong buhay. Sigurado ako, patay na sya. Hindi na sya humihinga. Wala na rin ang pulso nya” Saglit na ipinagpatuloy ni Mang Arnulfo ang pagkain. Sumubo ng isa. “Sabi ko sa babae, bantayan muna si Biel at hihingi ako ng tulong. Pero pinigilan nya ako. Wag na daw akong mag-alala.”

“Hindi man kang nag-alala yung babae matapos syang tulungan ni Biel?” takang tanong ni Louisa.

“Hindi…. Kalmado lang ang babae tapos, hinawakan nya yung sugat ni Biel. Tapos ibinigay niya yung dahon. Pakuluan ko daw at ipainom sa kanya kapag nagkamalay na.” saglit na natigilan. “Tapos biglang bumalik yung paghinga ni Biel. ”

“Naku, ang itay naman, ibig sabihin, may magic yung babae? Ang galing naman, parang komiks.” Nakangiting sagot ng anak.

“Basta. Kumain ka na rin at maya-maya lang ay pakainin mo na rin si Biel.” At itinuloy ni Mang Arnulfo ang pagkain habang si Louisa naman ay naghahanda na rin para samahan ang kanyang itay sa hapag kainan.
CHAPTER 2


“Nakita mo na si Biel?” tanong ni Alvin kay Elaine. Kanina pa niya hinihintay ang dalaga sa labas ng gate ng eskwelahan nila.

“Teka, ako nga dapat ang magtatanong sa iyo nyan. Di ba kayong dalawa ang laging magkasama? Dalawang araw na syang hindi pumapasok ah. Ano na kaya ang nangyari dun?” May pag-aalala sa tinig na iyon ni Elaine. Kilala niya si Biel. Hindi ito aalis ng hindi man lang magsasabi kung saan ito pupunta. Bilang matalik na kaibigan, nakagawian na nilang maging tapat sa isa’t isa. Walang iwanan.

“Hindi nga rin pumasok kahapon eh, galit na si Mang Jaime. Hindi kasi nalinisan yung kulungan sa may likuran. Kung sinabi nya lang sa akin, sana ako na lang ang gumawa nun.” Dismayadong sabi ni Alvin.

“Alam na ba ng nanay nya yun?”

“Aba natural! San ba sya umuwi? Sa akin nga rin hinahanap eh. Hello? Ako ba ang tanungan ng nawawalang kalabaw?”

“Ano ka ba? Sumeryoso ka naman.” Si Elaine, sabay kurot sa braso ng binata. “Imposible namang mawala yun ng hindi natin alam. Pinuntahan mo na ba si Erwin?”

“Bukas pa daw ang balik nun, galing probinsya.”

“Eh si Buboy?”

“Wala ring alam. Wala naman talagang alam ang batang iyon kundi ang maglaro.”

“Mabuti pa siguro i-report na natin sa pulis.”

“Sigurado ka? E kung nandyan lang pala yung kumag na yun?”

“A basta! Kung ayaw mong sumama, ako na lang. hmp! Dyan ka na nga!” anang dalaga sabay irap at lumakad na papalayo.

“Hoy, teka, nagbibiro lang naman ako.” Si Alvin habang lakad-takbong humabol kay Elaine.




“Bubooooyy!!!!” sigaw ni Aling Divina. May galit ang boses na iyon. Nakadungaw sa bintana at tila hinahanap sa labas ang anak. “Buboooyyy!!!!” mas malakas na sigaw nito.

“Nandito na po.” Anang batang lalaki habang papasok sa loob ng bahay. Madungis ang itsura nito na tila hindi naligo ng isang Linggo. Nakasabit sa leeg ang tirador na yari sa sanga ng bayabas.

“San ka na naman nanggaling bata ka? Buong maghapon ka na lang nasa layasan ah! Gusto mong doon ka na lang tumira sa labas?!!!” si Aling Divina habang hawak ang tenga ni Buboy. “Hala! Maligo ka doon pagkatapos ay magsaing ka para may pakinabang ka naman!”

“Aray!” impit na tinig ni Buboy.

Muling naupo si Aling Divina sa upuang kahoy sa may bandang ibaba ng bintana. Maliit lamang ang bahay na iyon. Sementado at kulang-kulang sa gamit, ngunit may kalinisan din iyon. Masipag rin kasing maglinis si Aling Divina. Wala naman kasi itong ginagawa maghapon. Tanging si Biel lamang ang inaasahan nila para matustusan ang araw-araw nilang pangangailangan. Nag-aaral ito sa umaga at nagtatrabaho sa gabi. Janitor ito sa Zoo na malapit sa kanila. Kasama niya ang matalik na kaibigang si Alvin. Si Biel na ang nagdesisyong tumigil ang ina sa pagtatrabaho dahil ilang beses na itong nawalan ng malay habang nagtitinda sa palengke. Ang bunsong anak na si Buboy lamang ang kasama nito sa kanilang tahanan. Pitong taon na rin ang nakalipas mula nang iwan sila ng kanyang asawa sa di pa malamang dahilan. Matapos isilang ang bunsong anak ay hindi na ito nagpakita sa kanila. Binuhay na lamang ni Aling Divina ang mga anak sa pamamagitan ng pagtitinda sa palengke ngunit ng maglaon ay nagkaroon ito na karamdaman bagay na nagtulak kay Biel na patigilin ang ina. Hindi naman niya maaring itigil ang pag-aaral dahil sa ng kanyang pangarap.

Habang nakaupo ay tumutulo ang kanyang luha. Nag-aalala siya sa kanyang anak. Kahapon pa niya ito hinanap kung saan saan kasama si Buboy. Paulit-ulit na bumabalik sa kanyang alaala ang plano ni Biel bago ito mawala. Ang pag-alala nito sa kapatid sa nalalapit nitong kaarawan. Pitong taon na kasi ito sa makalawa at nais surpresahin ni Biel at bilhin ang gustung-gusto nitong laruan na nakita nila sa kabilang bayan minsang ipasyal nito ang kapatid kasama ang kanyang ina. Tanging si Biel lang at ang kanyang ina ang nakakaalam nito. Kahit sa mga kaibigan ay hindi nito nabanggit ang sorpresa. Ngunit ngayon, hindi pa rin bumabalik ang kanyang anak.

Akmang tatayo si Aling Divina ng biglang nanikip ang kanyang dibdib. Nanghina ang kanyang katawan at hirap sa paghinga. Nanginginig ang kanyang tuhod at lumalabo ang kanyang paningin. Pinilit niyang magsalita ngunit walang tinig na lumabas sa kanyang bibig hanggang sa tuluyan nang dumilim ang kanyang paningin at bumagsak sa sahig.








CHAPTER 3

Biglang namulat ang mga mata ni Biel. Ang bubong na pawid pa rin ang bumulaga sa kanyang mga mata. Dahan-dahan syang bumangon at pinakiramdaman ang sarili. Hinihintay niya ang pagkirot ng kanyang tagiliran. Patuloy sa pagbangon ngunit wala pa rin ang sakit hanggang sa tuluyan na syang maupo sa higaan. Marahan niyang kinapa ang kinalalagyan ng sugat. Anumang sandali ay mananakit ito. Ngunit wala. Iniangat niya ang kanyang damit at naroon pa rin ang telang nakabenda sa sugat. Tinanggal niya iyon at nagimbal siya sa kanyang nakita. Wala ni bakas ng sugat doon. Dali-dali niyang kinapa ang kanyang noo. Tinanggal ang benda roon at hinaplos ang balat. Walang sakit, walang kirot. Tuluyan syang bumangon at bumaba sa higaan. Hinanap ang pares ng sapatos at dagling sinuot iyon ng makita. Nagmamadaling lumabas ng munting kwarto at binaybay ang may tatlong hakbang na hagdan pababa sa maliit na salas. Tanaw na mula roon ang kusina at nakita nya si Louisa na abala sa kung ano man ang ginagawa nito.

“Louisa!” mahinang sambit nito na tila ikinagulat ng dalaga at biglang napabaligkwas sa pagharap sa kanya.

“B-Biel? Ba’t bumangon ka na agad, baka kung mapaano ka, dapat tinawag mo na lang ako kung may kailangan ka.” Nag-aalalang tinig nito habang lumalakad papalapit sa binata.

“Wag kang ng mag-alala.” Ani Biel sabay taas ng kanyang damit. Ipinakita niya ang kinalalgyan ng sugat. Malinis iyon, wala ni katiting na pilat tanda ng natuyong sugat. Nagimbal si Louisa. Halos hindi malaman ang sasabihin.

“Paanong…” tila naghahanap ng maaring itanong ang dalaga sa lubos na pagkabigla. Nagtama ang kanilang paningin at tila kapwa nagtatanong.



“HANGGANG ngayon ay hindi ko pa rin maisip ang dahilan ng lahat, Biel.” Si Mang Arnulfo habang nakaupo sa mahabang upuan sa labas ng bahay. Katabi niya si Biel at sa kabila naman si Louisa. Katatapos lang nilang maghapunan. Malamig ang ihip ng hangin doon at kaya’t nakagawian na ng mag-ama ang magpahinga sa upuang iyon tuwing gabi.
“Hayaan na lang muna natin iyon Mang Arnulfo, basta ang ang mahalaga, ligtas na po ako. Salamat po talaga ng marami sa tulong na ginawa nyo. Kung wala kayo, siguro, pinaglalamayan na ako ngayon.” Ani Biel.
“Kahit sinong nasa katayuan ko ay ganoon din ang gagawin. Ang matandang iyon ang dapat mong pasalamatan. Tulad ng sinabi ko, kakaiba ang taong iyon. Nais ko siyang makitang muli dahil maraming tanong ang gumugulo sa aking isipan.” Malayo ang tingin ni Mang Arnulfo. Huminga ng malalim at tila malalim ang nasa isip. “Umabot ako sa edad na ganito pero ngayon lang ako nakakita ng tunay na misteryo. Ang hirap ipaliwanag.” Patuloy niya.

“Bukas na bukas po ay uuwi na ako. Tiyak na nag-aalala na ang inay ngayon. Baka kung ano pa ang nangyari sa kanya.” Binago ni Biel ang usapan.

“Ihahatid na kita Biel.” Ani Mang Arnulfo.

“Naku wag na po. Ituro nyo na lang po sa akin ang daan pauwi. Kaya ko na pong mag-isa. Salamat na lang po.”

“Kailangan Biel, kahit hanggang sa sakayan lang. Baka sakaling magkita kaming muli ng matandang iyon. Marami akong gustong itanong.”

Katahimikan.

“Sasama ako.” Binasag ni Louisa ang katahimikang iyon. “Gusto ko ring syang makita” patuloy niya.

“Sa tanghali na tayo umalis. Sabado bukas, maraming tao. Saka, bibisitahin ko muna ang palayan.” Ani Mang Arnulfo. “Maigi pa ay matulog na tayo’t maaga pang gigising bukas.” Dugtong niya. “Biel, baka naman pwede mo akong samahan sa palayan bukas.”

“Walang pong problema Mang Arnulfo.” Sagot ni Biel.


Maagang nagtungo sa bukid sina Mang Arnulfo at Biel kinabukasan. Iniwan na nilang natutulog si Louisa. Doon na sila sa may ilog dumaan para makita na rin ni Biel ang buong paligid. Mahaba ang ilog na iyon at nagtatapos sa isang talon (falls). May limang dipa ang layo mula sa kabilang pampang. At ang lumang tulay na kahoy lamang na halos sumayad na sa tubig ang gamit sa pagtawid.

“Dahan dahan lang Biel, masyadong malakas ang agos nyan, malalim pa naman.” Babala ni Mang Arnulfo sa binata habang naglalakad sa tulay. Nauna siya ng bahagya kay Biel. “Huwag kang matakot, ganyan lang talaga sa una” dugtong niya ng mapansing kinakabahan ang binata at tila ayaw tumawid.

“Hahaha, wag ka matakot, matibay to!” ani Mang Arnulfo at tumalon talon pa sa gitna ng tulay habang si Biel ay takot na nakatingin. Patuloy ang pagtalon ni Mang Arnulfo ng biglang dumulas ang isang paa nito at nabuwal. Napahawak siya sa gabay ng tulay ngunit nabali ito at nakabitaw siya at diretso sa tubig. Saglit na lumubog ngunit maya maya lang ay muling lumutang ngunit tinangay ito ng malakas na agos.

“Biel…tulungan mo ako! Tulong” sigaw ni Mang Arnulfo habang patuloy na inaanod ng agos. Nasa pampang si Biel. Tarantang sumusunod sa matanda at hindi malaman ang gagawin. Pilit umiisip ng paraan ngunit nababalot ng takot ang kanyang isipan. Patuloy sa pagbulusok ni Mang Arnulfo sa agos. Pabilis ng pabilis hanggang sa hindi na kayang habulin ni Biel. Simbiis ng rumaragasang agos ng ilog. Nais pang habulin ni Biel ang matanda ngunit hindi niya ito maabutan.

“Palayain mo si Caballus!” tinig mula sa kung saan na naririnig ni Biel. “Palayain mo sya!” hindi mawari ni ng binata ang gagawin, muli nyang tiningnan si Mang Arnulfo. Malayo na ito sa kinatatayuan niya.

“Kung mabilis lang sana akong tumakbo” bulong niya sa sarili habang tumatakbo papunta sa direksyon ni Mang Arnulfo.

Sukat noo’y biglang nanakit ang kanyang mga kalamnan. Napatigil siya ng bahagya. Lumaki ang buo niyang katawan na ikinapunit ng kanyang damit. Takot na takot si Biel sa pangyayari. Ramdam niya ang pagtubo ng buntot, ang paghaba ng kanyang mukha at pagtubo ng mga balahibo. Kakaibang pakiramdam. Masakit ngunit dama ang tunay na kalayaan. Ang binatang si Biel ay naging isang puting kabayo. Ngayon ay mas mabilis ang kanyang pagtakbo. Tuloy tuloy siya hanggang marating ang kinaroroonan ng matanda. Saglit na nag-isip. Sa di kalayuan ay malapit na ang talon. Ilang talampakan ang taas nito kaya tiyak na ikamamatay ng matanda kapag nahulog siya rito. Patuloy siyang tumakbo patungo sa dulo ng talon. Tumigil siya ng marating iyon. Nilibot niya ng tingin ang paligid at naghanap ng kung ano ang pwede nyang gawin para matulungan ang matnada. Napatigil siya ng makita ang isang di kalakihang punongkahoy na malapit sa ilog. Tumakbo si Caballus (ang kabayo) sa direksyong iyon at nagtungo sa likod ng puno. Idinikit nito ang katawan at pilit na itinutumba iyon, ngunit walang sapat na lakas. Muli niyang tiningnan ang matanda. Malapit na ito sa talon. Ilang dipa na lamang ang layo nito. Muling niyang itinulak ang puno at halos bumaon na ang kanyang mga paa sa lupa ngunit hindi ito natinag.

“Kailangan mo si Loxodonta” muli, isang tinig na mula sa kawalan ang bumulong kay Biel. Nais niyang sundin ang tinig ngunit hindi niya alam ang gagawin.

“Sinong Loxodonta?” tanong niya sa sarili. Muli niyang tiningnan si Mang Arnulfo, mabilis ang pagdaloy nito. Halos malapit na sa talon.

“Loxodonta!!! Kung sino ka man!!!! Tulungan mo ako!!!” sa isip ni Biel na ngayo’y isang kabayo.

Biglang nagbago ang kanyang pakiramdam. Mas lalong lumaki ang kanyang katawan. Lumubog ang mga balahibo nya at nanlaking bigla ang mga tenga. Patuloy ang pagtulak niya sa puno. Si Mang Arnulfo ay malapit na sa talon. Hindi nawalan ng pag-asa ang binata tuloy tuloy ang pagtulak hanggang sa unti-unting nabubunot ang ugat ng puno kasabay ng paglaki ni Caballus. Bumigat ang kanyang katawan. Ilang dipa na lamang si Mang Arnulfo sa talon, pabilis ng pabilis. Marahang umatras ang dambuhalang hayop at biglang inundayan ng malakas na pagbangga sa puno.

KRKKK!!!

Tuluyan nang tumumba ang puno at humarang sa daan ni Mang Arnulfo. Maliksing hinawakan iyon ng matanda at hinila ang sarili papunta sa tabing ilog. Isang malakas na ungol ang nagpagulat sa matanda. Nakabibinging ungol ng isang elepante. Muntik mapatalon ang matanda nang mapansin niyang nagbabago ang anyo nito. Unti-unting lumuliit ang katawan. Ang kulay abong balat nito ay nagiging kayumanggi. Ang elepante ay nag-aanyong tao. dahan-dahan. Unti-unti. Isang binata ang kinalabasan ng pagbabagong anyong iyon at kilala niya ang taong iyon. Si Biel.






CHAPTER 4


“Itay, bakit? Anong nangyari? Asan si Biel?” usisa ni Louisa ng makitang humahangos si Mang Arnulfo papunta sa kwarto. Walang reaksyon sa mukha nito at tila lumilipad ang isip. Basang-basa ang suot nitong damit. “Itay?” tila walang naririnig ang ama. Patuloy sa paghalungkat ng mga damit. At pagkatapos ay nagmamadaling lumabas bitbit ang isang damit at pantalon. Sinundan ito ni Louisa.

“Itay, anong…Ayyyyy!!!” gulat na sambit ng dalaga ng mapansin si Biel na walang saplot at nakatago sa likod ng halamanan. Nakaupo ito at hiyang hiya habang papalapit si Mang Arnulfo. “Ano bang nangyari?” si Louisa habang nakatakip ang mata ng dalawang kamay. Ngunit walang sumasagot ni isa sa kanila. “May kausap ba ako? Bakit ayaw nyong magsalita?” mataas na ang tinig ng dalaga.

“Mahabang kwento. ” tanging nasambit ni Biel habang nagsusuot ng damit. Si Mang Arnulfo naman ay nagtuloy sa loob ng bahay na tila wala pa rin sa sarili.


“Sino ka bang talaga? Bakit inilihim mo sa akin ang tunay na katauhan mo?” mataas ang tinig na iyon ni Mang Arnulfo. Nakaharap siya sa may bintana at nakatalikod kay Biel. Malayo ang tingin nito sa labas sa kabila ng nakasisilaw na sikat ng araw. Ilang sandali na lamang ay ihahatid na niya ang binata upang tuluyan na itong makauwi.

“Nagsasabi naman po ako ng totoo. Hindi ako naglilihim sa inyo. Kung anoman ang nakita nyo kanina, hindi ko alam yun. Iyon ang kauna-unahang beses na nangyari sa akin at kahit sa sarili ko ay di ko kayang ipaliwanag.” Si Biel habang nakaupo sa upuang kahoy sa loob ng bahay.

“Itay, baka naman totoo ang sinasabi ni Biel.” Si Louisa. Nakatayo sa may tabi ng pinto at nakasandal sa dingding niyon. “Kung noon pa niya taglay ang ganoong klaseng katauhan, bakit hinayaan nyang mabugbog pa nung mga taong nambastos dun sa matandang babae? Edi sana nag-anyong elepante na lang sya o kaya kung anong hayop man yun.” Paliwanag nito. Ikinuwento kasi ni Biel sa dalaga ang lahat ng pangyayari. Tila sumang-ayon si Mang Arnulfo sa katuwirang iyon ng anak.

Katahimikan.

“Teka,” si Louisa. “Hindi kaya may kinalaman ang matandang iyon sa pagbabagong anyo mo?” patuloy niya at nakatingin ngayon kay Biel. Humarap si Mang Arnulfo kay Biel. Nagtama ang kanilang paningin. Kapwa nagtatanong.

“Kailangan talaga nating makita ang matandang iyon.” Ani Mang Arnulfo.

“Pero paano?” si Biel.

“Biel…gusto kong makita yung pagbabagong anyo mo. Isang subok naman dyan.” Tila panunuksong sabi ni Louisa. “Pwede kang maging ibon?” nakangiting dugtong niya.

“Isang, hindi ngayon ang oras ng pagbibiro.” Ani Mang Arnulfo.

“Itay, hindi po ako nagbibiro. Gusto ko talagang makita ang pagbabagong anyo nya.” Bugnot na sagot ng dalaga.

“Pero hindi ko alam kung paano. Kusa na lang akong naging ganoon.” Paliwanag ni Biel.

“Ano? E paano kung maging elepante ka habang nasa jeep? Baka makasakit ka pa ng ibang tao.” tila pabirong tugon ni Louisa.

“May katwiran si Isang, Biel. ” ani Mang Arnulfo habang lumalakad palapit sa binata. Umupo ito sa kanyang tabi. “Magpalipas ka na muna ng ilang araw pa at tuklasin mo kung paano mo kokontrolin ang sarili mo. Hindi pwedeng bigla ka na lang magbabagong anyo.” Paliwanag nito. Napaisip si Biel.

“Gusto ko po sana Mang Arnulfo. Pero hindi po maaari. Kailangan ako ng inay at ng aking kapatid.” Biglang nabago ang reaksyon ni Biel. Tila nagulat. “Ngayon nga pala ang kaarawan ni Buboy” mabilis na tumayo si Biel at tila nataranta sa naalala. “Kailangan po ako ng aking kapatid ngayon. Sya po ang dahilan kung bakit ako napadpad sa lugar na iyon. Gusto ko pong surpresahin sya at bilhin yung laruang gustung-gusto nya. Pasensya po Mang Arnulfo pero kailangan ko na pong umalis.” Paliwanag niya. Saglit na nag-isip ang matanda.

“Bueno, kung talagang hindi ka na papipigil pa, sige, ihahatid ka na namin. Halika na Isang.” Malungkot ang tinig na iyon ni Mang Arnulfo. Ganun din ang mukha ni Isang. Biglang natahimik ang lahat.

“Babalik na lang po ako ulit dito. Pangako po iyon. Dadalaw-dalawin ko kayo.” Binasag ni Biel ang katahimikang iyon habang isa-isa silang lumalabas ng pinto.

“Biel, kung sakali mang makita mo ang misteryosong babae, anong gagawin mo?” usisa ni Mang Arnulfo. Nasa labas na sila ng bahayy. Nauna ito ng bahagya kay Biel. Si Louisa naman ay naroon pa sa may pinto at isinasara iyon.

“Hindi ko na po matandaan ang itsura nya. Kailangan po talaga kayo para makilala ko sya.” Sagot naman ni Biel na ngayon ay kasabay nang naglalakad si Louisa. Nagpatuloy sa paglalakad si Mang Arnulfo at tila malalim ang iniisip.

“Basta, wag ka makakalimot ha? Baka naman hindi mo na kami kilala kapag nakauwi ka na.” tila may paglalambing ngunit malungkot na tinig ni Louisa. Saglit na tiningnan ni Biel si Louisa. Mas malapit ang mukha nito ngayon. Maganda si Louisa. Mapungay ang kanyang mga mata. Matangos ang ilong na bumabagay sa hugis ng kanyang mukha. Ang mga labi ay tila nanunukso sa bawat galaw niyon. Makinis ang morenang balat nito at may tamang taas para sa isang babae. Saglit na nagtama ang kanilang mga mata. Kapwa sila natigilan. Isang matamis na ngiti ang pinakawalan ni Louisa at gumanti naman si Biel. Magkalapit ang kanilang mga mukha. Napapikit si Louisa. Bahagyang yumuko si Biel upang mas mapalapit ang mukha nito sa dalaga.

“Hindi tayo makakarating agad kung hindi na kayo maglalakad.” Tinig ni Mang Arnulfo. Kapwa nagulat ang dalawa at saglit na natigilan. Nagpalitan na lamang sila ng ngiti at tuluyan nagpatuloy sa paglalakad.

Tanghaling tapat ngunit malamig ang sariwang simoy ng hangin. Walang imik na naglalakad ang tatlo. Binaybay nila ang pinakamalapit na daan palabas ng bukid na iyon. Kahit hindi sementado, maayos naman at patag ang lupa doon. Sa magkabila ng daan ay nakapila ang mga taniman. Hindi masyadong mainit ang sikat ng araw. Maya-maya pa’y umihip ang napakalakas na hangin na labis na ipinagtaka ng naglalakad, ngunit patuloy pa rin sila. Unti-unting dumilim ang paligid. Natakpan ng ulap ang araw. Mas lalo pang lumakas ang hangin. Noon lamang nagkaganoon sa bukid. Nag-iba ang kutob ni Mang Arnulfo. Saglit siyang tumigil. Lumapit siya kina Biel. Maya-maya lang ay isang nakasisilaw na liwanag ang humarang sa kanilang daanan. Tila napako sila sa kanilang kinatatayuan.

“Kamusta ka Biel?” tinig ng isang babae na nagmumula sa Liwanag. Unti-unting nawawala ang liwanag at bumulaga ang aura ng isang magandang dilag. Nakasuot ng isang makintab at itim na damit na hapit na hapit sa katawan. Bakas na bakas ang hubog na balingkinitang katawan nito. Halos lumuwa ang kanyang dibdib sa kanyang suot. Tuwid na tuwid ang maiksing buhok nito at napakakinis ng balat. Isang nakatutuksong ngiti ang pinakawalan nito.

“Bakit hindi ka sumasagot? Umurong na ba ang dila mo?” anang babae. Habang nakatayo sa kanilang harapan. Kaakit-akit ang itsura nito. Binalot na takot sina Mang Arnulfo at Louisa habang tahimik na nakikiramdam si Biel.

“S-Sino ka? Bakit mo ako kilala?” utal sa sambit ni Biel.

“Ako si Mallika. Nalimutan mo na ba?” Matipid na sagot ng babae na sinundan ng isang ngiti. Pilit iniisip ni Biel kung nakita na ba niya ang babaeng ito ngunit wala siyang maalala. “Oo nga pala, hindi mo talaga ako maalala. Masyado ka pang musmos noon.” Dugtong nito at muling ngumiti.

“Anong ibig mong sabihin? Ano ang kailangan mo sa akin?” muling usisa ni Biel.

“Simple lang…papatayin lang naman kita.” Sagot ng babae at biglang umangat ang sarili sa kinatatayuan. Lumutang ito sa hangin. “Mali pala. Sya pala ang papatay sayo.” At mula sa kung saan ay lumabas ang isang kakaibang hayop. Animo’y isang higanteng aso. Mas malaki pa ito kay Biel. Matutulis ang naglalakihan nitong ngipin. Mahaba ang mga kuko at matikas ang katawan. Makapal ang balahibo at mahaba ang buntot. “Katapusan mo na Biel! Hahahaha!!” mas mataas na ang paglutang sa hangin ng babaeng iyon at biglang naglahong parang bula. Humanda na rin sa pagsalakay ang halimaw. Nanlilisik ang mga mata nito at dahan dahang lumalapit sa binata.

Bumalik sa alaala ni Biel ang pangyayari kaninang umaga. Ang pagbabagong anyo niya. Napatingin siya kina Mang Arnulfo at anak nito. Kapwa takot na takot. Maging siya ay binalot na rin na takot. Tumutulo ang kanyang pawis. Hindi malaman ang gagawin. Hinihintay ni Biel ang tinig na bumulong sa kanya, ngunit hindi ito dumating. Palapit na ng palapit ang halimaw. Cabllus! naisip niya ang pangalang iyon. Kailangan lang niyang tawagin ang pangalang iyon.

“Caballus! Tulungan mo ako! Caballus!” sigaw ni Biel at mabilis na nagbago ang kanyang anyo. Ang binatang si Biel ay naging isang ganap na kabayo. Putting-puti. Papalapit na ang halimaw sa kanya. Itiniklop nito ang kanyang mga tuhod at tumingin sa mag-ama. Nagtama ang kanilang mata at naintindihan ni Mang Arnulfo ang nais ng binata. Mabilis niyang hinila ang anak patungo kay Caballus at sumakay sila roon. Mahigpit ang yakap ni Louisa sa ama habang nakayakap naman ito sa leeg ng kabayo. Mabilis na tumayo si Caballus at biglang tumakbo patungo sa palayan. Mabilis namang sumunod ang halimaw sa kanila. Binaybay nila ang daan patungo sa kakahuyan.

Ilang dipa na lamang ang layo ng halimaw sa kanila. Lalong binilisan ni Caballus ang pagtakbo. Hindi alintana ang baku-bakong palayan. Nahihirapan na sa pagkapit si Mang Arnulfo. Tila hindi na niya kaya. Bumibigay na ang kanyang katawan. Nararamdaman iyon ni Caballus. Binagalan niya ang pagtakbo hanggang sa tuluyan na siyang tumigil. Muling itiniklop ang mga tuhod, hudyat na nais niyang pababain ang mag-ama na dali-dali ring tumugon. Tumakbo sila at nagtago sa likod ng punongkahoy habang pinanonood si Caballus. Umiiyak na si Louisa. Hindi niya mawari kung sa takot o sa pag-aalala kay Biel. Malapit na ang halimaw sa binata. Nakaabang lamang ito. Tatlong dipa. Dalawa. Isa. At biglang sumunggab ang halimaw sa kabayo. Umilag si Caballus sa mga ngipin nito na patungo sa kanyang leeg ngunit hindi niya naiwasan ang matutulis nitong kuko. Dumaan iyon sa kanyang katawan na nagdulot ng sugat sa kanya. Duguang bumagsak si Caballus at ang halimaw naman ay gumulong palayo sanhi ng pagkakailag ng kabayo. Muli itong tumayo at naghanda sa paglusob. Tumayo rin si Caballus at naghanda ng depensa sa kalaban. Magkaharap ang dalawa. Mata sa mata. Kapwa nakikiramdam. Halos kasinlaki ni Caballus ang halimaw. Nanlilisik ang mga mata nito.

Muling umatake ang halimaw. Sumunggab ito kay Caballus at huli na para makaiwas pa ang kabayo. Bumagsak ang katawan nito sa lupa at nasa ibabaw nito ang halimaw. Bumaon sa leeg ang mga ngipin. Pilit na nagpupumiglas ngunit malakas ang halimaw. Hindi ito bumibitiw sa pagkakakagat. Hindi malaman ni Mang Arnulfo ang gagawin. Nais niyang tumulong ngunit wala siyang sapat na lakas. Umiiyak si Louisa. Awang-awa ito kay Biel. Kitang-kita niya ang malalaking pangil ng halimaw na nakatusok sa leeg ng kabayo.
Kumuha ng malaking bato si Mang Arnulfo at buong lakas na ibinato iyon sa halimaw. Tinamaan ito sa katawan. Bigla itong napatigil. Saglit na bumitaw sa pagkakakagat. Lumingon sa likod at nakitang nakatayo ang matanda. Bakas sa mukha nito ang matinding takot. Nakakuha naman ng pagkakataon si Caballus upang makatayo. Umungol ito upang kunin ang atensyon ng halimaw. At nagtagumpay naman ito. Muling hinarap ng halimaw ang duguang si Caballus. Muling humanda sa pag-atake. Nang magsimulang sumugod ay biglang tumakbo palayo ang kabayo. Sumunod naman agad ang halimaw. Hindi pa man nakakalayo ay biglang tumigil si Caballus, habang patuloy sa pagtakbo ang halimaw papalapit sa kanya. Nakatalikod ang kabayo at tila nag-iisip. Pinakikiramdaman niya ang paglapit ng kaaway. Nang makasigurong malapit na ito ay biglang itinaas ang paa at inundayan ng malakas na pagsipa. Sapul sa mukha ang halimaw. Gumulong ito sa lupa at tila nabigla sa atakeng iyon. Mabilis na nilapitan ni Caballus ang halimaw at muling inundayan ng malakas na pagsipa bago pa man ito makabangon. Gumulong muli ito palayo sa kanya. Muli niyang sinundan at akmang sisipain ngunit mabilis ang halimaw. Nakagat nito ang isang binti ng kabayo. Nabuwal ito sa lupa. Nagpupumiglas at pilit inaalis ang matutulis na ngipin na bumaon sa kanyang binti, ngunit habang gumagalaw siya ay lalong dinidiinan ng halimaw ang pagkagat.





CHAPTER 5


Ala-una ng hapon, nakaupo si Buboy sa may pinto, pinaglalaruan ng dalawang kamay ang tirador na gawa ni Biel para sa kanya ngunit tila wala naman sa isip ang ginagawa. Tumutulo ang luha nito. Ngayon dapat ang pinakamasayang araw niya dahil ngayon ang ika-pitong kaarawan niya. Nung nakaraang linggo ay sabik na sabik siyang dumating ang araw na ito. Bumalik sa kanyang alaala ang kanyang kapatid.

“Talaga Kuya? Pati yung nagmamadyik na clown, pupunta sa bahay?” tuwang tuwang sambit ni Buboy habang magkahawak kamay na naglalakad sila ng kanyang Kuya Biel pauwi ng bahay. Galing sila sa bayan. Nagtanong si Biel doon kung magkano ang arkila ng clown para sa kaarawan ni Buboy. Para sa kanya, isa sa pinakamahalagang kaarawan ang ika-pitong taong gulang. Nais niyang pasayahing mabuti ang kapatid. Tatlong buwan niya itong pinag-ipunan. Medyo malaki-laki na rin ang pera nya dahil sa lubos na pagtitipid.

“Oo. At pupunuin ko ng lobo ang buong bahay! At lahat ng mga kalaro mo, papakainin natin ng ispageti at keyk.” Nakangiting tugon ni Biel.

“Pati si Charlene?”

“Yung anak ni Aling Mercy? Aba magaling ka pala pumili ah? hahaha” at hinawakan ni Biel sa ulo ang kapatid at ginusot gusot ang buhok. “Oo. At kung gusto mo, tatlong lobo pa ang ibibigay natin sa kanya.”

“Talaga Kuya? Naku, maiinggit sa akin sila Jepoy. Sana Sabado na ngayon.”

“Wag ka nang malungkot dyan Buboy, hinahanap na ng mga pulis ang Kuya mo” naputol ang pag-aalaala ni Buboy sa tinig na iyon ni Alvin habang marahang umuupo sa tabi niya. “Bertdey mo ngayon, dapat magsaya ka. Maya-maya lang ay darating na si Ate Elaine mo, may dalang pagkain yun.” Patuloy niya. Tila walang naririnig ang bata at patuloy na nilalaro ng kamay ang tirador.

“Buhay pa kaya si Kuya?” hihikbi-hikbing sabi ni Buboy. Ang mga mata ay nakatuon sa hawak nya.

“Ano ka ba naman, ‘boy, syempre naman noh? Meron lang iyong hinahandang sorpresa para sa iyo. Hindi naman talaga sya nawawala e.” si Alvin.

“E bat pinapahanap nyo sa pulis?” tanong ni Buboy. Waring nasupalpal si Alvin at hirap na hanapin ang isasagot.

“Ha? Ah, eh, kasama sa sorpresa yun!” katuwiran nito. “Mabuti pa ay maligo ka na. o gusto mo, ako na lang ang magpaligo sa’yo.” Tumayo si Alvin at iniabot ang kamay kay buboy.

“Huwag na. kaya ko nang mag-isa.” Tugon nito at tumayo na rin at nagtuloy sa banyo. naiwan si Alvin na humahabol lamang ng tingin sa bata. Awang awa ito kay Buboy. Kahapon lamang ay si Aling Divina ang pinoproblema ng bata. Bigla kasi itong nawalan ng malay mula sa kinauupuan. Mabuti na lamang at narinig ni Buboy ang kalabog nung bumagsak ito kaya nakahingi siya ng tulong sa mga kapitbahay at nadala agad ito sa ospital. At nang marinig nila Alvin ang balita ay sila na ni Elaine ang tumulong sa mag-ina habang nasa ospital hanggang sa makalabas ito. Mabuti na lamang at may naitatago pang pera si Alvin para pambayad sa ospital. Ngayon ay nakakabawi na ng lakas si Aling Divina. Ngunit ang kaarawan naman ni buboy ang problema. Alam ni Alvin na hindi magiging masaya ang araw na iyon para kay Buboy dahil nag-aalala ito sa kanyang Kuya. Ngunit ginawa niya ang lahat sa tulong ni Elaine, para maging masaya ang kanyang kaarawan.

CHAPTER 6


Kahit anong pagpupumiglas ay hindi inaalis ng halimaw ang pagkakakagat nito sa binti ni Caballus. Lalo lamang itong bumabaon. Namimilipit na sya sa sakit. Tila mawawalan na siya ng ulirat. Hindi rin siya makatayo. Nais rin niyang sipain gamit ang kabilang paa ngunit hindi naman nito magawa. Kailangang makaisip ng paraan upang makawala. Naisip niyang magpalit muli ng anyo at gamitin ang elepante ngunit nalimutan niya ang pangalan nito.

“Elepante! Tulungan mo ako!” nasa isip niya. Naghintay pa siya ng ilang sandali ngunit hindi nagbago ang kanyang anyo. Namimilipit na siya sa sakit. “Elepante!” iyon lamang ang kanyang naisip. Hinang-hina na ang kanyang katawan. “Eleh….pan…” Hindi na nakayanan ni Biel ang sakit. Ipinikit niya ang kanyang mata. ‘tapos na’. sa isip niya. Ngunit biglang nagbago ang kanyang anyo. Mula sa isang kabayo ay unti-unti itong naging elepante. Habang lumalaki si Caballus ay nababanat ang bibig ng halimaw na naging dahilan upang bumitiw ito sa pagkakakagat. At ngayong ganap na elepante na si Biel, dagli itong bumangon. Nang makatayo ay iniangat ang dalawang paa at umungol ng nakabibinging tunog. Duguan pa rin ang leeg at binti nito. Nagulat ang halimaw ngunit hindi ito binalot ng takot. Muling humanda sa pagsugod. Muling nanlisik ang mga mata nito. Tila pinag-aaralan ang kaaway. Bumaba ang dalawang paa ng elepante at humanda sa depensa. Alam niyang isa sa mga sandaling iyon ay lulusob ang kaaway.

Katulad ng inaasahan, mabilis na tumakbong papalapit ang halimaw at bigla itong tumalon sa direksyon ng elepante. Ngunit nakita siya niyon at sinalo siya gamit ang ilong nito. Pumulupot sa isang binti ng halimaw ang ilong nito at sa isang iglap ay humagis ito papalayo. Sadsad sa palayan ang halimaw. Muli itong bumangon at muling nilundag ang elepante, ngunit sa ikalawang pagkakataon ay nasalo siyang muli. Muli siyang humagis at tumama sa katawan ng isang malaking punong kahoy. Lambot ang katawan ngunit bumangon pa rin ang halimaw. Muling humanda sa paglusob. Ang elepante ay nakatayo lamang at naghihintay ng muling pagsalakay.

Muling tumakbong papalapit ang halimaw sa direksyon ng elepante, ngunit sa pagkakataong ito ay malayo lamang siya. Tumakbong paikot at lumibot sa elepante. Mabilis. Pabilis ng pabilis. Nilibot nito ang kinatayuan ng elepante. Alam na ng halimaw ang kahinaan niyon. Malaki at malakas ang elepante ngunit mabagal ang pagkilos niyon. Patuloy ang pagtakbo ng halimaw at ng makakita ng pagkakataon ay biglang tumalon ito mula sa likuran papunta sa ibabaw ng elepante. Bumaon ang mga kuko ito sa likod niyon at ang ngipin ay nasa may leeg nakabaon. Iniaangat ng elepante ang dalawang paa sa harapan at tumayo upang malaglag ang halimaw ngunit lalo lamang bumaon ang kuko niyon. Hindi na makakilos ang dambuhalang hayop. Pilit na inaabot ng ilong nito ang halimaw ngunit hindi nito kaya. Itiniklop nito ang dalawang paa sa bandang kanan at biglang ibinagsak ang sarili upang madaganan ang halimaw. Ngunit mabilis ito, at biglang lumundag palayo. Naiwang nakahiga ang elepante. Halos wala na itong lakas. Hindi na nakaya pang bumangong muli. Muling sumugod ang halimaw. Bumaon ang ngipin nito sa leeg ng elepante. Pumikit iyon. Ang kaunting lakas na natitira rito ay hindi na sapat upang lumaban pa. kitang-kita iyon nila Mang Arnulfo at Louisa na walang tigil sa pag-iyak. Halos wala nang buhay si Biel. Ang elepante.

“Palayain mo si Murinus!” isang tinig ang kanyang narinig mula sa kung saan. Kilala niya ang tinig na iyon. Ang tinig na bumulong kaninang umaga bago siya nagbagong anyo. Wala nang inaksaya pang panahon si Biel. Kahit hindi niya kilala kung sino ang tinutukoy ng mahiwagang tinig ay tinawag niya ito.

“Murinus! Tulungan mo ako!” sa isiip ni Biel habang ang ngipin ng halimaw ay nakabon pa rin sa kanyang leeg.

Biglang nagbago ang anyo ng elepante. Namangha ang halimaw. Ngunit hindi nito binitiwan ang leeg na ngayo’y lumiliit at pumapayat. Nagiging madulas man ito ay hindi hadlang upang bitiwan niya iyon. Ang elepante ay naging isang dambuhalang ahas. Si Murinus. Ang Anaconda. Duguan pa rin iyon ngunit may natitira pang lakas. Biglang pumulupot iyon sa katawan ng halimaw. Pahigpit ng pahigpit ngunit hindi niyon alintana. Lalong lumalalim ang pagbaon ng ngipin nito.

KRRK! KRRKK!!!

Malakas ang tunog na iyon mula sa pagkakabali ng mga buto ng halimaw. Ibinuhos ni Murinus ang natitira pa nitong lakas. Unti-unting lumuluwag ang pagkakakagat ng halimaw. Hindi na ito gumagalaw hanggang sa tuluyan na itong pumikit at bawian ng buhay. Bigla ring lumuwag ang pagkakapulupot ni Murinus. Tanda ng kawalan ng lakas. Kapwa nakahandusay ang dalawang dambuhala.

Biglang naglahong parang bula ang halimaw. Si Murinus naman ay unti-unting nagbabagong anyo. Umiksi ang mahaba at matabang katawan nito. Lumabas ang mga kamay, ang tinubuan ng buhok. Ang ahas ay naging si Biel. Naliligo sa sariling dugo at tila walang buhay ang binata.

“Biel!” malakas na sigaw ni Louisa tumakbo ito patungo sa kinaroroonan ng binata kasunod na rin ang kanyang ama. “Biel!” umiiyak pa rin itong lumuhod sa harapan ni Biel. Iniangat ang ulo nito at niyakap. “Biel. Huhuhu..” Kasunod si Mang Arnulfo. Hinubad nito ang damit at itinakip iyon sa ibabang bahagi ng katawan ni Biel. Malungkot ang mukha ng matanda. Ilang araw lang niya ito nakakasama ngunit naging malapit agad ang loob nito sa binata. Bakas kasi ang kabutihang loob nito. Kaya naman masakit din para sa kanya ang sinapit ng binata.












CHAPTER 7


Mula sa kung saan ay biglang sumulpot si Mallika. Nakalutang ito sa hangin at papalapit sa kinaroroonan ni Biel. Nakangiti ito. Dahan-dahang lumapag ang mga paa nito sa lupa. Nagulat ang mag-ama ng makita iyon.

“Hayup ka! Sino ka bang talaga?” ani Louisa. Galit ang tinig niya. Si Mang Arnulfo ay tahimik lamang at naghahanda sakaling gaumawa ng hindi maganda ang dalagang nasa harapan nila ngayon. Ngunit ngumiti lamang ito kay Biel.

“Magaling Biel!” lumuhod ito sa harapan ng binata. Mula sa kamay nito ay biglang lumabas ang isang uri ng dahon. Itinapat niya ito sa bibig ni Biel at piniga ng mariin. Ang katas ay marahang dumaloy sa kamay at tumulo sa bibig ng binata. Nakatingin lamang ang mag-ama. Nagtataka sa ginawa ni Mallika. Nang wala nang pumapatak ay tumayo ang babae at naghintay. Ilang saglit pa ay gumalaw si Biel. Namangha ang dalawa at halos sabay na napatayo. Bumagsak ang ulo ng binata sa lupa. Lumapit si Louisa sa ama at yumakap habang patuloy na pinagmamasdan si Biel.

Patuloy ang pagbalik ng malay ni Biel. Ang mga dugong dumaloy mula sa sugat ay unti-unting nagbabalik sa loob ng kanyang katawan. Tila hinihigop ito ng sugat. At nang matapos iyon ay unti-unting naghilom ito. ngayon ay malinis na ang katawan ng binata. Minulat ang mga mata at tila nasilaw pa ng bahagya.

“S-Sino ka bang talaga?” tanong nito habang dahan-dahang bumabangon hanggang sa makaupo ito sa lupa.

“Ang pangalan ko ay Mallika. Hanggang doon lang muna ang impormasyong ibibigay ko sa iyo dahil may mas mahalagang pakay ako.” Sagot ng babae at dahan-dahan itong umangat sa kinatatayuan. Lumutang muli ito sa hangin ngunit ilang dangkal lamang ang taas nito sa lupa. Nakikinig lamang ang mag-ama.

“Ang nakasagupa mo ay isa lamang huwad na alagad ng makapangyarihang si Ameesha. Ito’y likha lamang sa pamamagitan ng aking imahinasyon. ” paliwanag nito.

“Huwad? Imahinasyon? Hindi mo ba nakita kung paanong halos mamatay si Biel?” mataas ang tinig ni Louisa. Ngumiti lamang ang babae.

“Pasensya na kung pati kayo ay nadamay sa pagsubok na ginawa ko kay Biel. Kailangan lang talaga sa lalong madaling panahon. Kailangan na niyang maging bihasa sa paggamit ng kanyang kapangyarihan.”

“Pagsubok?” tanong ni Mang Arnulfo.

“Mang Arnulfo, ikaw ay bahagi ng planong ito. salamat at nagawa mo ang iyong tungkulin.” Si Mallika habang nakatingin kay Mang Arnulfo. Saglit na tumigil ito. “Ang matandang babaeng tinulungan ni Biel, at ako ay iisa.” Nagulat si Mang Arnulfo sa sinabing iyon ng babae. “ At biglang nagbago ang anyo ng babae. Naging isang matanda. “At ang mga kalalakihan ay tulad ng ginawa ko sa iyo ngayon. Likha ng aking imahinasyon.” Dugtong pa niya at muling bumalik sa dating anyo.

“Hindi ko pa rin naiintindihan. Bakit mo ginagawa sa akin ‘to?” usisa ni Biel.

“Darating din ang araw at malalaman mo. Pero ikinalulungkot ko, hindi ito ang oras para ipaliwanag ang lahat. Sa ngayon ay ipapaliliwanag ko muna ang tungkol sa iyong kapangyarihan.” Sagot ng babae at biglang tumaas ng bahagya ang kanyang paglutang. Itinaas nito ang mga kamay at biglang lumakas ang hangin.

“Biel, taglay mo ang isa sa kapangyarihan ni Freya. Ikaw ang “tagapagbantay” kaya tungkulin mong pangalagaan ang kaligtasan ng Jumeda. ” ani Mallika at bahagyang lumapit ito kay Biel ngunit hindi pa rin sumasayad ang paa nito sa lupa.

“Tagapagbantay? Jumeda? Saan yun?” naguguluhang tanong ni Biel.

“Saka ko na ibibigay ang buong detalye. Ipapakilala ko muna sa iyo ang magbibigay sa iyo ng lakas!” sagot nito. “Una ay si Caballus!” at sa isang kumpas ng kamay ay lumabas ang isang putting kabayo. Matikas ang pangangatawan nito at bruskong brusko. “Siya ang magbibigay sa iyo ng bilis.” At itinaas pa ni Caballus ang kanyang dalawang paa sa unahan at umungol ito. “Kasunod naman ay si Murinus.” At sa isang kumpas ay lumabas ang isang higanteng ahas. Nasa tabi ito ni Caballus. “Lakas ng katawan ang isa sa maibibigay nito sa iyo. Kaya nitong durugin ang kahit dalawampung tao sa isang kisapmata lamang.” At biglang tumayo iyon gamit ang buntot. Halos isang gusali na may sampung palapag ang taas niyon. “Kasunod naman ay si Loxodonta” muli, ikinumpas niya ang kanyang kamay. Ngunit walang lumabas. Kilala na ni Biel iyon. Ang elepante. “Inuulit ko…Loxodonta!” anang babae ngunit wala pa rin ang elepante. Bahagyang nangiti si Biel. “Maximus!” ani Mallika at biglang lumabas ang dambuhalang hayop. “Siya si Loxodonta. Ngunit mas gusto niyang tawaging Maximus. Sya ang magbibigay sa iyo na kakaibang lakas!” at biglang tumayo ito gamit ang dalawang paa at nagpakawala ng isang malakas na ungol.

“Ang susunod naman ay si Falcon!” at lumabas ang isang Lawin. Lumipad ito paikot-ikot sa lahat at humuhuni ng isang malakas na tunog. “Siya ang magbibigay sa iyo ng kakayahang lumipad at talas ng paningin. Sa pamamagitan rin niya, hindi ka mahihirapang tuntunin ang lugar na nais mong marating.” Ang ngiti ni Biel ay mas masaya na ngayon. Tila nagugustuhan niya ang kanyang nakikita. Sadyang mahilig ang binata sa mga hayop kaya naman aliw na aliw siya sa kanyang trabaho sa zoo. Lumapit si Falcon sa kanya at iniangat ni Biel ang kanyang kamay upang doon padapuin ang lawin. Halos matabunan siya niyan dahil sa kakaibang laki at muli itong lumipad matapos dumapo sa kamay ng binata.

“Ang susunod naman ay ang magbibigay sa iyo ng kamandag upang tapusin ang mga kaaway. Sina Naja at Arachnid” biglang lumitaw ang isang makamandag na cobra at isang makamandag na gagamba. Nasa ibabaw ito ni Maximus. “Si Naja, ang cobra, ang makatutulong sa iyo upang makasuot sa maliliit na lugar at si Arachnid, ang gagamba ang magbibigay ng kakayahang lumakad sa mga pader at magbibigay din sa iyo ng matalas na pakiramdam sa mga darating na kaaway. Ang kanilang kamandag ay kayang nakamamatay sa isang iglap lamang.”

“Ang kasunod naman ay si Leo!” at lumabas ang isang mabangis na leon. Umungol ito na napakalakas. “Siya ang magbibigay sa iyo ng katapangan. Walang takot at tibay ng loob.” Muling umangat sa hangin si Mallika. “At ang huli ay si Isurus!” nakalutang sa hangin ang ang isang imahe. Anyong usok ito. isang mabangis na pating. “Kailangan mo siya upang makatagal ng kahit habambuhay sa ilalaim ng dagat.” Nagpaikot-ikot ito sa hangin. “Isa lamang itong imahe mula sa aking isip. Kusa na lamang siyang darating kung kailangan mo sya.” Dugtong pa ni Mallika. “Inuulit ko, Biel, si Caballus, ang kabayo. Si Murinus, ang anconda. Si Maximus, ang elepante. Si Falcon, ang lawin. Si Naja, ang cobra. Si Arachnid, ang gagamba. Si Leo, ang lion. At si Isurus, ang Pating. Silang walo ang makakatulong mo sa pagsagupa kay Ameesha. Isang araw ay makakarinig ka ng pagtawag mula kay Iko at siya ang maghahatid sayo sa Jumeda upang makilala mo ang lahat ng taong nararapat mong pagkatiwalaan.” Dugtong nito.

Isang kumpas muli ng kamay ni Mallika ay isa-isang nagtalunan ang mga hayop sa kanilang harapan. Tumungo ito sa direksyon ni Biel. Isa-isang pumasok sa kanyang dibdib na ikinamangha nina Louisa at Mang Arnulfo.

“Biel, sana sa lalong madaling panahon ay kontrolado mo na ang lahat ng iyong alaga. Ang inyong isip at katawan ay magsasanib at ikaw ang magigigng pinuno ng iyong sariling katauhan, hindi mo na kailangan pang tawaging muli ang kanilang mga pangalan. Sa pamamagitan ng sariling isipan ay lalabas sila sa iyong katauhan. Ikaw at ang iyong mga alagad ay magiging isa. At darating ang araw, hindi mo na kailangan pang magpalit ng anyo. Tanging lakas lamang nila ang iyong makukuha.” Ani Mallika.

“At isa pang bagay bago ako umalis, ibibigay ko sa iyo ito.” at sa isang kumpas ng kamay ay biglang nagkaroon ng damit si Biel. Animo’y balahibo ng isang tupa ngunit kayumanggi ang kulay nito. Walang manggas at may tali sa bewang ang pang itaas. Itim na tela naman ang pang ibaba na bumabalot mula bewang hanggang sakong. Tumayo si Biel at namangha sa nakita.

“Normal ang pagkawasak ng iyong kasuotan sa pagbabagong anyo mo Biel, at bilang alay ko sa iyo, suot mo ang mahiwagang damit na iyan upang sa tuwing magbabalik ka sa tunay mong katauhan, ito ay kusang babalot sa iyong katawan. Kusa itong mawawala sa pamamagitan ng iyong isipan.” Inihagis rin niya sa harapan ni Biel ang isang bag. Kilala ito ng binata, ang kanyang bag na naglalaman ng perang gagamitin niya sa kaarawan ng kapatid. Sukat noon ay biglang nawalang parang bula ang dalaga.

“Teka, Mallika!” habol ni Biel ngunit wala na iyon sa kanilang harapan.

Lumapit at yumakap sa binata si Louisa. “Biel, akala ko, mamamatay ka na talaga.” Tila malungkot ngunit malambing na pagkasabi ng dalaga.

“Ako man Biel, akala ko ay katapusan mo na. pero ngayon, kahit marami pang tanong sa aking isipan, maedyo nauunawaan ko na.” ani Mang Arnulfo.

“Salamat po sa tulong ninyo Mang Arnulfo. Ngayon, ang layunin ko ay tuklasin ang misteryong nababalot sa katauhan ko. siguro naman po’y kaya ko na ngayong umuwi mag-isa. Ihahatid ko na po muna kayo.” Tugon ni Biel. “Caballus!” sigaw ng binata at biglang nagbago ang kanyang anyo. Si Biel ay isang kabayo. Lumuhod ito at pinasakay ang mag-ama bago tuluyang tumalilis pabalik sa kanilang tahanan. Ilang sandali lang ay narating nila ito.

“Uuwi na po ako Mang Arnulfo, Louisa. Babalik na lang akong muli.” Paalam ng binata.

“Mag-iingat ka hijo, hihintayin namin ang iyong pagbabalik!” si Mang Arnulfo.

“Babalik ka ha?” malungkot na tinig ni Louisa. At isang matamis na ngiti at tumango ito sa mag-ama. “Falcon!” sigaw niya at biglang nagbago ang kanyang anyo. Isang lawin at tuluyan itong lumipad paitaas habang kumakaway dito ang mag-ama.






CHAPTER 8


Halos madilim na ang paligid. Nakapalibot sina Alvin, Elaine, Buboy at si Aling Divina sa hapag-kainan. Kapwa sila tahimik. Nakahain ang pansit na ipinaluto ni Elaine at ang tinapay at palaman na binili ni Alvin. Meron ding isang buong manok na ipina-litson rin niya. Kagagaling lang nila sa simbahan. Kahit medyo nanghihina pa ang katawan ni Aling Divina ay sumama ito sa kanyang anak at mga kaibigan ng kanyang kapatid.

“Kumain na kayo at lalamig na iyan.” Si Aling Divina na bagamat nanghihina pa ang katawan ay nakuha pang ngumiti. Iniabot niya ang malaking plato ng pansit kay Elaine at akmang lalagyan ang pinggan ng dalaga.

“Salamat po.” Kinuha naman iyon ng dalaga at matapos na maglagay sa kanyang plato ay iniabot iyon kay Alvin na tahimik din nitong tinanggap.

“Buboy anak, wag ka na sumimangot dyan. Kaarawan mo ngayon, dapat masaya ka.” Ani Aling Divina ng mapansing nakatitig sa kawalan ang anak. Ang kamay ay nasa baba nito at ang siko ay nakatuntong sa mesa.

“Gusto ko ngang maging masaya inay, kaso, naiisip ko pa rin si Kuya. Dapat kasama sya dito sa atin. Kahit na walang handang pagkain basta nandito lang sya.” At unti-unting dumaloy ang luha sa pisngi. Halata kay Aling Divina ang pagpipigil nito sa kanyang luha. Bakas sa kanyang mukha ang bigat ng nararamdaman. Ang mga kaibigan ni Biel ay nakatungo lamang at halos hindi maisubo ang pagkain.



SA himpapawid, isang lawin ang matamang nagmamasid sa bubong ng tindahan ng mga laruan. Palubog na ang araw ngunit tanaw pa nito ang kinatatayuan ng lugar na iyon. Mabilis itong bumulusok paibaba at nang malapit na sa bubungan ay marahan itong dumapo. Pagkatapos ay bumaba iyon sa may likuran. Luminga-linga sa paligid at nang masigurong walang taong nakakakita sa kanya ay bigla itong nagpalit ng anyo. Si Biel. Naglakad ito patungo sa harapan ng tindahan at bumili ng isang laruang robot na nilalagyan ng baterya. Bumili rin siya ng isang pares ng tsinelas para sa kanyang ina. Inilagay niya iyon sa kanyang bag at muling bumalik sa likod bahay. Ilang segundo lang ay muli na naman itong naglakbay sa himpapawid sa anyo ng isang lawin. Ang sarap ng kanyang pakiramdam. Noon pa niya pinapangarap na makalipad at ngayon ang araw ng katuparan niyon. Mabilis niyang tinungo ang kabilang bayan. Kay ganda ng tanawin, ngayon nya lang natuklasan ang kagandahan ng kanilang bayan. Sa di kalayua’y tanaw na niya ang kanilang bahay. Mabilis niyang nilipad iyon at dumiretso sa itaas ng puno sa tabi ng kanilang bahay. Muli’y pinagmasdan ang paligid. Nang masigurong walang ibang tao ay lumipad ito pababa at habang nasa ere ay nagpalit ng anyo. Isang binata ang lumapag sa lupa. Suot ang mahiwagang damit at ang bag na nilagyan ng laruan sa likod.


“Imbitado ba ako dito?” bungad ni Biel pagbukas niya ng pinto. Nakangiti ito sa lahat at tila maluluha sa kasiyahan.

“Kuya!” Ani Buboy at patakbong niyakap ang kapatid. Biglang humagulgol ng iyak ng makalapit ito.

“Biel!” halos sabay-sabay na sambit ng nasa hapag-kainan. Tuwang-tuwa ang lahat sa kanyang pagdating.

“Anak, ano ba ang nangyari sayo? San ka ba galing? Halos mamatay kami sa pag-aalala sayo.” Ani Aling Divina at yumapos ito sa anak. Nasa harapan na rin niya ang dalawang kaibigan. Kapwa nakangiti ito at tila hindi malaman ang ibubungad na salita.

“Bakit ngayon ka lang? tapos na ang bertdey ko” pagtatampo ni Buboy sabay nagpakawala ng mahinang suntok sa tyan ng kapatid.

“Sino may sabi sayo?” sagot ni Biel at umupo sa harap ng kapatid. “Kung ang pasko ay may noche buena, ganun din ang kaarawan mo. Ngayon ang noche Buena at bukas ang engrandeng selebrasyon. Kaya bukas na bukas din, imbitahin mo ang lahat ng tao sa barangay.” Nakangiting sabi ni Biel.

“Talaga kuya? Darating yung mga nagma-madyik?” manghang tanong ni Buboy.

“Oo. At pupunuin ko ng lobo ang buong bahay. hahaha”

“San ka ba nanggaling? Ang daya mo ah! Nagsosolo ka na” si Alvin tila nagtatampo ang tinig nito.

“Hay naku, mahabang kwento. Mabuti pa ay kumain muna tayo at gutom na gutom na ako.” Sagot ni Biel. ”Ay teka muna,” anito at tinanggal ang bitbit na bag. Dinukot ang laman niyon. “Eto para sa may kaarawan” at iniabot ang laruan sa kapatid.

“Wow! Si Voltes 5! Ang lupit! Salamat kuya! ” halos mapalundag sa tuwa si Buboy.

“At para sa inay..” dinukot ang isa pang laman ng bag at iniabot iyon kay Aling Divina.

“Ay naku, salamat! Bakit meron din ako? Hindi ko naman kaarawan ah!” malambing na tinig ni Aling Divina ngunit ngiti lang ang isinagot ng binata

“Yung sa akin Biel? Asan na?” usisa ni Alvin.

“Eto oh!” at iniabot ni Biel ang bag sa kaibigan.

“Talaga, meron nga?”

“Oo. Ayan, labhan mo yung bag tapos, ibalik mo sa akin, pag natuyo na”

Nagtawanan ang lahat at kunwa’y inihagis pa ni Alvin ang bag sa lupa na padabog. “Kumain na nga lang tayo!” sabi pa niya.

“Bakit ang tahimik mo yata?” si Biel, patukoy kay Elaine ng mapansing hindi man lang ito nagsasalita habang lumalakad sila patungo sa hapag-kainan. “Malungkot ka ba sa o pagbabalik ko?” dugtong pa ng binata.

“Biel, naman..” sagot ng dalaga. “Kakainis ka kasi eh. Akala ko iiwan mo na talaga kami.” At kumurot pa ito sa tagiliran ng binata.

“Alam mo Biel, sa aming lahat, sya yung pinaka nag-aalala sa iyo. Bakit kaya? Hmmm…” nakangiting panunundyo ni Alvin.

“Tumigil ka dyan Binong ha? Syempre kaibigan. kahit naman ikaw ang mawala, mag-aalala rin ako.” Depensa naman ng dalaga.

“Nakuu! Aminin mo na kasi” dugtong pa ni Alvin.

“Isa pa Binong at lilipad itong plato sa mukha mo!” tila asar na sabi ni Elaine. Nakangiti lang si Biel dahil sanay na ito sa kakulitan ng kaibigan.


MASAYANG NAGSALU-SALO ang lahat. Maraming tanong ang sinagot ni Biel ngunit inilihim niya ng tungkol pagbabago ng kanyang anyo. Ikinuwento niya ang pagtulong niya sa matandang babae ngunit sinabi lang niya na nawalan siya ng malay dahil sa lakas ng pagpalo sa kanyang ulo. Baka kasi hanapan siya ng sugat kung sakaling nasasaksak sya. Lubos ang pag-aalala ni Aling Divina sa dinanas ng anak ngunit nawala naman ito dahil narito na sa kanyang harapan ang binata. Ikinuwento rin ni Biel ang tungkol kay Mang Arnulfo at ang anak nito na naging mabait at matulungin sa kanya. Sinabi pa ni Aling Divina na minsan ay papuntahin sa kanilang bahay o kaya’y sila ang bibisita sa mag-ama. Maging si Alvin ay nagkwento rin sa mga nangyari sa kanila at sa kanyang ina. Natapos ang salu-salo at umuwi na rin ang sina Alvin at Elaine. Inabutan pa ni Biel si Alvin ng pera bilang kabayaran sa nagastos nito sa ospital ngunit tinanggihan iyon ng kaibigan. ang ginawa raw niya ay tulong at hindi utang. Nagbiro pa ito na kung sakaling siya ang maospital sa susunod ay hindi na ito mag-aalala dahil may magbabayad na para sa kanya.


Naging abala ang lahat kinabukasan para sa kaarawan ni Buboy. Maging sina Alvin at Elaine ay tumulong sa pag-aasikaso sa handaan. Araw ng Linggo iyon kaya’t lahat sila ay walang pasok. Si Buboy naman ay tuwang-tuwang nag-imbita sa kanyang mga kalaro. Maagang nagpunta si Biel sa bayan upang ayusin ang tungkol sa inarkilang payaso. Kasama na daw dito ang 30 pirasong lobo at isang malaking cake. Isang maliit na baboy naman ang nililitson nila Alvin sa likod bahay habang sina Aling Divina naman ay nagpatulong sa ibang kapitbahay na magluto sa kusina.

Alas tres ng hapon nagsimula ang kainan. Masayang masaya ang mga bata sa panonood ng palabas ng isang payaso. Aliw na aliw sila sa mga madyik na ipinakita nito. Higit na masaya si Biel at ang kanyang ina. Kahit papano’y naidaos nila ang ika-pitong kaarawan ni Buboy. Kahit wala ang kanilang ama. Bakas na bakas rin ang lubhang kasiyahan ni Buboy na ngayon ay nagmamalaki sa kanyang mga kalaro na naiinggit naman sa bago nitong laruan. Si Elaine naman ang nagsisilbi sa mga may edad na bisita. Katulong nito si Aling Divina. Kahit pambatang kasiyahan ay hindi nawawalan ng inuman para sa mga bisitang kalalakihan. At si Alvin ang nakatoka doon. Pinaalalahanan ito ni Biel na huwag sabayan sa inuman ang mga iyon dahil ayaw ni Biel na malasing ng husto ang kaibigan. Si Biel naman ang nag-aasikaso sa mga bata. bago lumubog ang araw ay natapos na ang lasiyahan ng mga kabataan ngunit naroon pa rin ang mga kalalakihan na nag-iinom. Medyo malalim na ang gabi ng matapos ang handaang iyon. Pagod napagod ang mag-iina ngunit naiayos naman nila ito bago matulog. Hanggang sa pagtulog ay katabi ni Buboy ang laruang regalo sa kanya ng kanyang Kuya.


“Biel! Biel!!” biglang nagmulat ang mata ni Biel sa tila pabulong na tawag na iyon. Tiningnan niya ang kanyang ina at kapatid at pawang tulog na tulog ang mga ito. “Biel!” tinig ng isang lalaki. Bumangon ng tuluyan si Biel at sinundan ang kinaroroonan ng tinig na iyon. Pakiwari niya’y sa likod bahay ito kaya’t isinuot niya ang kanyang tsinelas at dahan-dahang lumabas ng bahay. Palinga-linga ito at hinahanap ang pinagmumulan ng tinig na iyon.

“Biel, dito sa may puno!” sabi ng tinig. At sinundan naman niya ng tingin iyon habang humahakbang papalapit doon ngunit wala siyang nakikita. Nasa tapat na siya ng puno ng biglang may kumalabit sa kanyang likod na ikinagulat ng husto ni Biel. Isang taong nakasuot ng berdeng damit na mahaba ang manggas. Kakaibang tela iyon at ang pang-ibaba ay kulay itim na katulad ng ibinigay sa kanya ni Mallika. Nakasabit ito sa puno gamit ang kanyang paa at nakabaligtad itong nakaharap sa kanya. Halos magkatapat ang kanilang mukha.

“Ikaw si Iko?” bungad ni Biel sa lalaki.

“Magaling! At kilala mo na pala ako Biel.” Nakangiti ito pagkuwa’y sumirkong pababa mula sa puno. Ngayo’y nakaharap na ito sa kanya. “Hindi ka pala mahirap gisingin” nakangiti pa ito.

“Maraming tanong ang gumugulo sa aking isip. At…”

“Sssshhh…wag mo nang ituloy. ” Inilagay ni Iko ang isang daliri sa tapat ng labi bilang hudyat ng pananahimik. “Alam ko Biel, kaya nga ako nandito.” Dugtong pa niya.

“Ano bang kailangan nyo sa akin? Ano yung Jumeda? Anong ginawa nyo sa akin? Sino ba talaga kayo? ” sunod-sunod na tanong ni Biel.

“Teka naman. Isa-isa lang. masyado ka namang atat!” pigil ng lalaki kay Biel. “Mabuti pa, isasama na lang kita sa Jumeda. Handa ka na ba?”

“May magagawa pa ba ako?”

“Magaling kung ganon. Pero kailangan mong mag-anyong lawin. Malayong lugar iyon. Sundan mo lang ako. Tara na!” at sa isang iglap ay naging isang paniki si Iko. Nakalutang ito sa hangin. Nais pang magtanong ni Biel ngunit lumipad na ito paitaas sa himpapawid.

“Falcon!” at ang binatang si Biel ay naging isang dambuhalang lawin. Lumipad ito patungo sa direksyon ni Iko.






CHAPTER 9


Lubhang mataas ang lipad nila Biel at ng paniking si Iko. Sa buong buhay niya ay hindi niya nakita ang ganitong klaseng tanawin kaya’t ganun na lamang ang kanyang paghanga sa kanyang nakikita. Bagamat madilim, kitang kita niya ang iba’t ibang mga gusali at mga ilaw nito. Patuloy ang pagtaas ng kanilang paglipad hanggang sa pasukin nila ang isang napakalaking tumpok ng ulap. Nawala sa kanyang paningin ang paniki. Tanging ulap lamang ang kanyang nakikita. Patuloy ang pagaspas ng kanyang mga pakpak hanggang sa lumiwanag ang kanyang paningin. Namangha siya sa kanyang nasaksihan. Ang kaninang madilim na paligid, ngayo’y nakasisilaw na liwanag. Pinaghalong pula at dilaw ang liwanag na iyon. Kakaiba. Tila dapit hapon.

“’yan ang Jumeda.” Tinig mula sa kanyang likuran. Si Iko. “Isang maliit na isla na pinamumunuan ni Freya at nang kapatid nitong si Ameesha. Sila ang tanging tagpagmana ng lugar na ito mula nang sumakabilang buhay ang kanilang amang Si Haring Nhator.” Simula ni Iko habang pababa sila sa tila isang gubat na bahagi ng pulong iyon. Kaygandang pagmasadan. Iba’t ibang punungkahoy na hitik na hitik sa bunga ngunit hindi mawari ni Biel kung anong klaseng prutas iyon. Paglapag nila ay bumalik sila sa dati nilang anyo. “Dati ay masaya ang lugar na ito, lahat ay nagkakaisa. Kung meron mang gulo ay hindi nagtatagal sa tulong ng mga bantay.” Sabi nito at sinimulan nilang maglakad. “Hindi na hinati pa ang mga ari-arian ng Hari dahil alam naman niyang magkasundo ang kanyang mga anak. Ipinaubaya niya ito ng walang pag-aalala. Kunsabagay ay may katuwiran nga sya. Maging ang kapangyarihan nito ay ibinigay ng patas sa magkapatid. Ang kapangyarihan ng kalikasan. Ang mga puno at halaman pati ang mga hayop ay kaya nilang kontrolin sa pamamagitan ng kanilang kapangyarihan.” Patuloy sila sa paglalakad. “Ngunit hindi nagtagal iyon. Ipinagbabawal sa amin ang paglabas ng lugar na ito at ang pagpunta sa mundo ninyo. Ito’y sa kadahilanang ikamamatay namin kapag nagtagal kami sa inyong lupa.”

“Anong ibig mong sabihin?” usisa ni Biel.

“Iba ang sikat ng araw sa inyong lugar.” Sagot ni Iko. “Kapag tumagal kami ng mahabang sandali, ay malulusaw ang aming katawan hanggang maging abo. At iyon ang dahilan kung bakit lagi kaming nagmamadaling bumalik kapag nasa inyong lugar.”

“Edi pumunta kayo pag gabi. Wala nang araw nun. Buwan lang.”

“Hindi pa rin maaari. Ang araw din ang nagbibigay ng liwanag sa buwan. Ngunit hindi ganoon kalakas ang pagsinag kaya’t mas makatatagal kami ng kaunti.”

“Gaano naman katagal kayo pwedeng mamalagi sa aming lugar?”

“Isang paghawi.”

“Paghawi? Ano yun?”

“Ang inyong lugar ay nahahati sa liwanag at sa dilim na tinatawag ninyong umaga at gabi” sagot ni Iko habang tumatawid sila sa munting ilog. “Dito naman sa Jumeda ay walang dilim. Ang nagbibigay ng liwanag sa amin ay ang Jituvi. Isang malaking malaking bolang nilikha ng aming Bathala upang bigyang liwanag ang Jumeda. Hindi ito tumutigil sa pagsikat at ang mga ulap lamang ang bumabawas sa liwanag nito.” Anito habang patuloy sila sa paglalakad.

“Dumudilim lang kapag natakpan ng ulap?”

“Oo. Sa tuwing dumaadaan ang ulap, dumudilim ng bahagya ang buong paligid. At muling lumiliwanag kapag nahawi na ito. iyon ang tinatawag ng paghawi.” Nakangiting paliwanag ni Iko. “At katumbas ng pinaghalong umaga at gabi, mayroon kaming labindalawang paghawi.” Biglang napaisip si Biel sa paliwanag na iyon ni Iko.

“Ibig sabihin, ang isang paghawi ay kada dalawang oras?” tanong ni Biel.

“Tumpak! At ganun lang kaming katagal maaring tumuntong sa inyong lugar.” sagot ni Iko habang nakayukong lumusot sa isang maliit na sanga ng puno na sinundan naman ni Biel.

“Katulad ng sinasabi ko kanina, ipinagbabawal ang pagpunta namin sa lugar ninyo at ang mahuling nagpunta roon ay pinaparusahan. Ikinukulong ito sa loob ng kaharian.” Patuloy ni Iko. “Ngunit minsan, nahuli ng mga taga Jumeda si Ameesha na nagtungo roon. At hindi lang isang beses. Maraming beses pa. At nang makarating iyon sa kapatid ni Ameesha na si Freya, nahirapan siyang magdesisyon kung ipakukulong ba ang kapatid o patatawarin. Kahit ilang beses na itong lumuhod sa kanyang harapan at humingi ng tawad. Sumangguni siya sa mga taga payo at napagdesisyunang ipakulong si Ameesha kaysa magkagulo ang mga taga-Jumeda at alisin ang paggalang sa pamunuan.” Tumigil ng bahagya si Iko. Tumingin sa paligid at nakiramdam. At muling naglakad nang makasigurong silang dalawa lamang ang nasa gubat na iyon.

“Lubhang ikinagalit ni Ameesha ang desisyong iyon kaya’t nagtayo siya ng isang grupo habang nasa loob ng bilangguan. Ang kapwa niya bilanggo ang kanyang naging tauhan. Ipinaglaban nila ang paniniwalang mayroon silang sariling karapatan na magdesisyon kung nais nilang magpunta sa lugar ninyo. At gamit ang kapangyarihang ibinigay ng Amang Hari, pinalakas niya iyon at pinabangis. Sinira niya ang kulungan at nakipaglaban sa kanyang kapatid ngunit hindi naman ito nilabanan ni Freya kaya’t tuluyang umalis si Ameesha. Simula noon ay nahati ang kaharian sa dalawa. Ang kaharian ni Freya at ang kaharian ni Ameesha.” Saglit na tumigil si iko at tumabi kay Biel. “Nakikita mo ba iyon?” at itinuro nito sa binata ang isang mataas na bundok. “Doon ang kaharian ni Freya.”

“Malayo pa pala! Bakit hindi na lang tayo lumipad papunta roon?” tanong ni Biel.

“Hindi maaari! Iisa lamang ang daanan patungo sa lugar ninyo at iyon ay malapit sa kaharian ni Ameesha. Kaya’t hindi tayo maaring makita ninoman na nagpunta tayo sa inyong lugar kundi’y masisira ang buong kaharian ni Freya dahil tiyak na mananalo si Ameesha kapag nag-aklas ang lahat.” Paliwanag nito.

“Ibig mong sabihin, nandito tayo ngayon sa kaharian ni Ameesha?”

“Oo. Kaya’t talasan mo ang iyong pakiramdam at baka nariyan ang mga Fulva. Mga alagad ni…” natigil ang pagsasalita ni Iko ng makita ang dalawang dambuhalang hayop sa kanilang harapan. Nanlilisik ang mga mata nito at galit na nakatingin sa dalawa. “Biel, ayan yung ano…yung…” nanginginig na wika ni Iko at nagtago pa ito sa likod ni Biel na tila kalmado lamang sa kabila ng takot na kanyang nararamdaman. Naaalala niya ang hayop na ito. ang tila higanteng aso na may malalaki at matatalas ng ngipin at mahahabang kuko. Fulva pala ang tawag dito. Ang dambuhalang hayop na ginamit ni Mallika sa kanyang pagsubok. Sa isang iglap ay naging paniki si Iko at lumipad ito at dumapo sa may puno at naiwan si Biel.

“Leo!” sigaw ni Biel at biglang nagbago ang kanyang anyo. Isang mabangis at dambuhalang leon. Nakaharap ito sa dalawang Fulva. Nagpapakiramdaman sa unang paglusob. Si Iko ay takot at nanonood lamang mula sa itaas ng puno.

Sabay na sumugod ang dalawang Fulva. Lumundag ito papalapit kay Leo. Naiwasan ng leon ang isa at ang isa ay dinambahan niya sa leeg. Gumulong sila sa madamong lupa. Ang isa fulva ay nakatingin sa dalawa at kumukuha ng tyempo para makasugod. Patuloy na bumaon ang ngipin ni Leo sa leeg ng Fulva. Nagpupumiglas ito ngunit lalong bumabaon ang ngipin ng leon. Nang makakuha ng tamang tyempo ang isa pang fulva ay lumundag iyon papunta kay Leo. Nakaumang ang mahahaba at matutulis nitong kuko kay Leo. Siguradong ikamamatay ni Leo ang pagsugod na iyon. Ngunit naramdaman ng leon ang pagsugod na iyon kayat bigla siyang tumalon papalayo at binitiwan ang isang pang halimaw. Naiwasan niya ang paglusob na iyon. At ang matulis na kuko na para kay leo ay tumusok sa kapwa nya fulva. Bumaon iyon sa bandang tiyan at unti unti itong nangisay at nawalan ng buhay.


Muling humarap sa leon ang nabubuhay na fulva. Nagtama ang kanilang paningin. Bigla itong tumalon papunta kay leo at nakaumang ang kuko nito. Gumulong patagilid ang leon at naiwasan ang mga kukong iyon. Mabilis na lumusob si Leo at tumalon ito sa ibabaw ng ng fulva. Pagbagsak ay biglang nagbago ang kanyang anyo. Naging isang anaconda. Mabilis itong pumulupot sa halimaw at dinurog ang mga buto niyon. Patay na bumulagta ang fulva. Nang matiyak ni Iko ang pangyayari ay bigla itong lumipad papalapit kay Biel. At bago pa makababa ay nagbalik ito sa dating anyo.

“Ang galing mo Biel. Walang wala yung dalawang dambuhala sa’yo.” Anito habang si Biel ay nagbabalik sa dati nitong anyo.

“Nakita mo yun? Nakita mo? Hindi ko na tinawag ang pangalan ni Murinus. Inisip ko lang sya at biglang nagbago ang aking anyo.” Masayang kwento ni Biel.

“Yan ang gustong mangyari ni Mallika. Ang mapag-isa ang inyong mga katawan at ikaw mismo ang magkokontrol sa lahat.” Sagot naman ni Iko. “O pano, Tara na ulit!” dugtong pa nito. Ngunit ng akmang lalakad na’y nagulat sila sa nakita nila sa kanilang harapan. Mahigit sa dalawampung fulva ang nakaharang sa kanilang daraanan. Lahat ay matalim na nakatingin sa kanilang dalawa.




CHAPTER 10

Tila binuhusan ng malamig na tubig si Iko. Nanginginig ang kanyang mga tuhod sa labis na takot. Wala na sa isip niya ng pag-asang mabubuhay pa sila. Si Biel naman ay kalmado lamang. Waring nag-iisip ng paraan kung paano matatalo ang mga fulva. Sa isang iglap ay nag-anyong lawin ito.

“Sandali lang Biel! Hindi ka maaaring lumipad ng mataas!” pigil ni Iko sa binata. “Hindi maaaring malaman ni Ameesha na narito tayo.” At biglang nagbalik ang dating anyo ni Biel.

“Pero alam na ni Ameesha. Narito na ang mga alagad niya.”

“Ang mga alagad lang ang nakakaalam. Hindi ang amo.” Paliwanag nito. Biglang nag-isip ng malalim si Biel.

“Akong bahala!” tila nagkaroon ng pag-asa si Iko sa sinabing iyon ni Biel. Muling nag-anyong lawin ang binata at si Iko naman ay naging paniki at lumipad pabalik sa mataas na puno.

Pumagaspas ang mga pakpak ng lawin. Lumipad ito paikot sa lahat ng mga fulva. Mabilis. Pabilis ng pabilis habang tila hilong pinapanood siya ng mga halimaw. Sa isang iglap ay nagbago ang anyo nito. Naging isang elepante. Bumagsak ito sa isa sa mga fulva sa may kalagitnaan.

BLAG!

Isang malakas na hiyaw ang kasunod ng lagabog na iyon. Iyak ng isang fulva hanggang sa mamatay iyon. Durog ang bungo nito at wala ng buhay. Muling naging lawin ang elepante. Muli itong umikot sa mga halimaw. Ngunit sa pagkakataong ito ay pilit na syang inaabot ng mga fulva. Nakaumang ang mga kuko nito sa ere at tila hinahablot ang lawin sa tuwing matatapat ito sa kanila. Muling naging elepante ang lawin at ngayo’y dalawang ulo na ang nadaganan nito. patay agad ang mga iyon. At mula sa isang elepante ay nag-anyong kabayo ito at buong lakas na sinipa ang nasa likuran. Humagis iyon at gumulong sa madamong lupa. Muling nag-anyong lawin ang kabayo at muling umikot sa kanila. Sa pagkakataong ito’y nag hiwa-hiwalay ang kaninang umpok-umpok na halimaw. Nagkaroon ng malalayong agwat ang bawat isa. At lahat ng madaanan ng lawin ay tumatalon upang abutin ang lawin ngunit mailap ito at hindi tinatamaan ng matutulis na kuko ng mga halimaw. Ang kaninang paikot na direksyon ng lawin, ngayo’y paiba iba na. Minsa’y diretso at minsa’y gagawi sa kanan o sa kaliwa upang malito ang mga fulva. Pagkuwa’y magiging dambuhalang elepante ito at dadaganan paisa-isa sa mga fulva. Isang halimaw na nakahiwalay ang kanyang dinaganan ng biglang tumalon papunta sa kanya ang isa pang fulva. Nakaumang ang mga kuko nito sa likuran ng elepante. Mabilis ang paglundag nito at ilang sandali lamang ay narating niya ang elepante. Nakatalikod namann ang elepante at ang atensyon ay nasa fulva sa ilalim ng kanyang paa. Halos isang dangkal na lamang ay tatama na ang kukong iyon sa elepante. Ngunit tila naramdaman niya iyon. Bigla itong naging isang anaconda at sinalo sa leeg ang fulva. Umikot ang katawan ng ahas sa buong katawan ng halimaw. Lumingkis iyon hanggang sa ikamatay iyon ng halimaw. Muli’y nagbalik ito sa pagiging lawin at muling lumipad.

Marami-rami na rin ang kanyang napatay at muli siyang nagpa-ikot ikot sa mga fulva sa anyo ng isang lawin. Isang fulva ang tumalon ng mataas at hindi niya napansin. Bumangga siya sa katawan noon at sabay silang bumagsak sa lupa. Biglang tumalon ang isang fulva patungo sa kanyang direksyon. Nakita iyon ng lahat at isa-isa nilang kinuyog ang lawin. Galit na galit ang mga ito at nakakabinging ungol ang pinakawalan. Nagtumpok-tumpok ang mga fulva sa kinalalagyan ng lawin. Halos mawalan ng malay si Iko sa nasaksihan. Anim na fulva ang nagkumpol-kumpol sa iisang lawin.

Ilang sandali pa’y nanahimik ang mga fulva. Pawang nakatingin sa lupa. At maya-maya pa’y bumulagta ang isang halimaw. Tiningnan iyon ng mga kasama nito. tahimik ang lahat. Si Iko nama’y nagtataka sa naganap. At ilang sandali pa’y muli na namang bumagsak ang isa pang fulva. Nangingisay ito ay bumubula ang bibig hanggang sa tuluyan nang mamatay. Naglayu-layo ang natitirang apat na halimaw. Nakikiramdam. Lahat ay nagtataka ay nakatingin lupa ng tila may hinahanap. Mamaya maya’y bumagsak ang isa pang fulva kaya’t binantayan ito ng natitira pang tatlo. Pawang nakatingin doon.

Katahimikan.

Maya-maya’y lumabas ang isang gagamba mula sa ilalim ng patay ng fulva. Si Arachnid. Namangha ang mga fulva at muntik nang mahulog si Iko sa kinatatayuan dahil sa labis na kasiyahan. Buhay si Biel. Biglang humanda sa pag-atake ang tatlong halimaw ngunit hindi malaman ang gagawin. Nakapalibot sila sa gagamba ngunit wala ni isa man sa kanila ang naglakas ng loob na patayin ito. Unti-unting nagbago ang anyo ni arachnid. Mula sa isang gagamba ay naging elepante. Nasa gitna ito ng mga halimaw. Mabilis na kumilos ang mga ito at sabay sabay na tumalon sa elepante. Nakaamba ang mga kuko sa katawan nito. Ngunit sa isang iglap ay biglang naging lawin at lumipad pailalim sa naglundagang fulva. Halos sumayad ang mga paa nito sa lupa dahil sa sobrang baba ng paglipad. Ang mga halimaw ay duguang bumagsak sa lupa. Sila sila rin ang nagkatamaan ng kanilang matutulis na kuko. Pinagmasdan ng lawin ang nagbagsakang mga fulva. Mabilis niyang tinungo ito at muling nag-anyong elepante. Dinurog nito ang isang fulva at ganun din ang isa pa. nang akmang tatapakan nito ang huling halimaw ay mabilis itong umatras at naiwasan ang elepante. Malakas pa ito at maliksi. Humanda ito sa gagawing paglusob. Nanlilisik ang matang nakatingin sa elepante. Muli ay nagpalit ng anyo si maximus. Ang elepante ay naging leon. Magkaharap sila ngayon ng halimaw. Mata sa mata. Ilang sandali pa’y sabay silang patalon na lumusob sa isa’t isa at nagpang-abot sa ere. Bumagsak sila at nagpagulong-gulong sa lupa. Ang mga ngipin ay kapwa naghahanap ng pagkakataong bumaon sa mga leeg ngunit kapwa maliksi sa pag-iwas. Ilang atake ang naiwasan ng fulva hanggang sa mahagip ng leon ang leeg nito. Bumaon iyon at wala nang magawa ang fulva upang maialis pa iyon. Kahit anong pagpupumiglas ay hindi ito natanggal hanggang sa tuluyan na itong mawalan ng ulirat. Bumitiw sa pagkakagat ang leon at humarap sa kinalalagyan ni Iko ngunit wala na ito roon. Kanina lamang ay nasa likuran niya ito lumakad siya papalapit sa puno habang nagpapalit ng anyo. Bumalik sa pagiging si Biel.

“Iko?” sabi nito habang nakatingala sa puno. Marahan itong lumakad na tila nagtataka.

Samantala, sa likuran ni Biel ay tahimik na bumangon ang huling fulva. Mayroon pa itong natitirang lakas kaya’t sa kabila ng duguang katawan ay pilit itong bumangon. Marahan itong lumapit sa kinaroroonan ni Biel.

“Asan ka na Iko?” muling tawag ni Biel na walang kamalay-malay sa panganib na nasa kanyang likuran.






CHAPTER 11


“Ikooo!!!!” sigaw ni Biel. Ngunit walang sumasagot sa kanyang pagtawag. Muling lumakad papalapit sa puno si Biel at bigla’y nagimbal siya sa nakita. Ang paniking si Iko ay napupuluputan ng sanga ng punong kahoy. Nakalambitin ito. ilang saglit pa’y nagbalik ito sa tunay na anyo. Nakita nito ang fulva sa likuran ni Biel ngunit hindi niya masabi ito sa binata dahil ang bibig nito ay tinatakpan ng sangang nakapulupot sa kanya. Pilit niyang isinesenyas sa pamamagitan ng mata ngunit hindi ito maintindihan ni Biel. Papalapit na ang halimaw kay Biel. Nagpupumiglas si Iko at pilit tinatanggal ang nakapulupot sa bibig. at nagtagumpay nga siya.

“Biel, sa likod mo!!!” sigaw ni Iko nang matanggal niyan ng sapilitan ang bara sa bibig ngunit huli na ito. Nakalundag na ang fulva sa direksyon ng binata. Pagharap ni Biel ay nakaumang na ang mga kuko ng halimaw sa kanya. Huli na para makapagpalit pa siya ng anyo. Tila naparalisa ang kanyang buong katawan.

“Bieeellll!!!”

TSUG!

Tunog ng isang bagay ng tumusok sa katawan.

Katahimikan.


Ilang saglit pa’y lumuwag ang nakapulupot na sanga at lumaglag mula sa puno si Iko. Tulala ito at nakatingin kay Biel. Nakatayo si Biel at nakaharap sa duguang fulva. Hindi bumagsak sa lupa ang halimaw. Isang kahoy ang nakatusok sa tiyan nito. Patay na ito. Sinundan niya ng tingin ang kinaroroonan ng mahabang kahoy at nakita niyang nagmula iyon sa puno. Tila isang inihaw na fulva. Maya-maya pa’y biglang humugot ang kahoy at bumalik sa kinaroroonan. Bumagsak ang halimaw sa harapan ng nagtatakang si Biel.

“Siya ba ang tagapagbantay na ipinagmamalaki ni Freya?” tinig na nagmumula sa gawing kaliwa ni Biel. Matapang ang boses na iyon. Sabay na napatingin sina Biel at Iko sa direksyong iyon. Isang babae ang bumungad sa kanilang paningin. Kaakit akit ang mukha nito. bagsak ang tuwid nitong buhok at may nakapalibot na tila mga dahon sa bandang noo nito paikot sa likuran. Ang damit ay tila yari rin sa mga dahon at nakalantad ang kanyang makinis na tiyan. Tila nakabahag din ito ng binuong dahon at sa pang-ibaba ay parang boots na yari rin sa dahon.

“Raima!” gulat na sambit ni Iko. Si Biel ay nagtataka pa rin.

“Kilala mo sya?” tanong nito kay Iko.

“Sya si Raima. Ang tagapangalaga. Isa sa mga tauhan ni Freya. Ibinigay ng reyna sa kanya ang kapangyarihan na nagkokontrol ng mga puno at halaman.” Paliwanag ni Iko.

“Ikaw pala si Biel.” Sabi ng ni Raima habang papalapit sa binata. “Ang ipinagmamalaki pala ng reyna ay isang lampa.” Pairap pang dugtong nito. Napatingin si Biel kay Iko at nabasa nito sa bakas ng mukha na sinasabing ‘hayaan mo na’ at naintindihan naman iyon ng binata.

“Anong ginagawa mo rito?” tanong ni Iko sa dalaga.

“Ipinadala ako rito ni Freya upang hintayin ang pagdating ng tagapagbantay. Natatakot sigurong lapain ng mga fulva ang lampang tagapagbantay.” At nagbigay ito ng nakaiinsultong ngiti sa dalawa. “Tama nga ang hinala nya. Kung hindi ako dumating ay tiyak na ikaw na ang magsisilbing hapunan ng fulva.”


“Salamat. Utang ko sa iyo ang buhay ko.” ani Biel.

“Hindi ka dapat magpasalamat. Ginawa ko lang ang tungkulin ko.” at tuloy tuloy itong lumakad at dumaan sa harap ng dalawa ng walang lingon lingon. Saglit na tumigil. “Mabuti pa’y umpisahan nyo nang lumipad para madali kayong makarating sa palasyo.” Anito ngunit di pa rin lumilingon sa dalawa at tumuloy sa paglalakad.

“Oo nga noh? Bakit hindi natin naisip yun, Biel? Pwede pala tayong lumipad ng mababa lang.” tila nag-iisip na sinabi ni Iko kay Biel. Nagkibit balikat lamang ang binata bilang sagot sa tanong nito.

“E paano ka?” tanong ni Biel. Tumigil muli ang dalaga. Tumalikod at humarap kay Biel. “Minamaliit mo ba ako? Kaya kong pangalagaan ang sarili ko. hindi ako lampa na katulad ng iba dyan!” matigas na sambit nito. tumingin sa dalawa at pumalakpak. Mula sa kung saan ay lumabas ang isang malaking dahon. Nakalutang ito sa hangin at dahan dahang bumaba sa harapan ng dalaga. humakbang ang dalaga at tumuntong doon. Pagkatapos ay umupo bago lumutang sa hangin ang mahiwagang dahon. Namangha si Biel.

“Pwedeng makisakay na lang kami?” nakangiting biro ni Iko.

“Maaari. Pero papatayin ko kayo pagkatapos.” Seryosong sagot ng dalaga at bigla’y lumayo na ito.

“Sungit naman nun. Binibiro lang eh.” Ani Iko at biglang nagbago ang anyo ng dalawa. Lumipad ito kasunod ni Raima. Mabilis ang paglayo nito kaya’t minadali rin ng dalawa ang paglipad. Sari-saring punong kahoy ang iniwasan at halos pabali-baliktad ang pagsulong ng dalawa.



MALAYO rin ang kanilang nilakbay bago tuluyang pumasok sa isang kakaibang lugar. Kayganda ng paligid. Napapaligiran ito ng sari-saring bulaklak. Napakabango ng ihip ng hangin. Ang bawat lupa ay natatabunan ng bermuda. Iba’t ibang kulay ng tila paru-paro ang lumilipad lipad doon. Dinig rin ang tila nag-aawitang huni ng ibon. Kahanga-hanga. Patuloy ang kanilang paglipad hanggang matanaw na nila ang kaharian. Kaylaking gusali niyon. Napapaligiran ng mataas na pader. Mula sa itaas, sa kinaroroonan nila Biel ay tanaw na ang mga tauhan na nakapaligid doon. Tila hindi ito gumagalaw. Tantiya ni Biel ay may sampung palapag ang gusaling iyon at mukhang lumang luma na ito. Lumapag sila sa bandang tuktok niyon at malugod na binati ng mga kawal na nakatalaga roon. Tila kilalang kilala na si Biel sa lugar na iyon. Ang iba’y nagbubulungan pa at nakangiti sa pagdaan nila. Bagamat nagtataka pa sa pangyayari ay ginagantihan ni Biel ng ngiti rin ang mga iyon. Ilang pinto ang kanilang nalampasan bago marating ang pinakamalaking pinto doon sa may bandang ibaba ng palasyo. Kusa iyong bumukas nang humarap sila doon. Pagdaka’y bumungad sa kanilang harapan ang mga taong may kakaibang pananamit. Pawang nakatingin sa kanila at tila matagal na silang hinihintay. At sa bandang dulo ay may upuan at nakaupo roon ang isang magandang babae. Tantiya ni Biel ay kasing edad ito ng kanyang ina ngunit bakas pa rin ang kagandahan nito. tumayo ito nang nakatingin sa kanya. Kulay pula ang suot nito at hapit na hapit sa katawan. Bakas ang magandang hubog ng dibdib at balakang. Tila kumikinang ang tela niyon.

“Maligayang pagdating, Biel, ang tagapagbantay! Ako si Freya. Ang reyna ng Jumeda.” bati niyon habang lumalakad papalapit ang tatlo. “Mabuti naman at nakarating ka ng matiwasay.” May ngiti ang labi niyon. Tumungin ng pairap si Raima sa binata at ginantihan ito ng ngiti ni Biel ngunit umismid lang ito.

“Ngayon ay kumpleto na ang lakas ng kaharian!!!” anang reyna sa lahat. “Ipinakikilala ko sa inyo ang apat na bumubuo sa ating pwersa!!!”. Itinaas nito ang isang kamay at itinuro si Iko.

“Una ay ang tagapagmasid!” pumalakpak ang lahat. At yumuko naman sa harapan si Iko tanda ng paggalang. “Taglay niya ang kapangyarihang mula sa Netra. Ang kanyang lakas ay talas ng pakiramdam at paningin. Nagbabago rin ang kanyang anyo bilang isang paniki upang hindi maging madali sa kaaway ang makita siya. Tungkulin niyang pakiramdaman ang paglusob ng mga kaaway at makita mula sa malayo ang bilang nito. ” muli’y nagpalakpakan ang lahat.

“Kasunod naman ay si Raima. Ang tagapangalaga” At yumuko ang dalaga sa lahat. “Taglay niya ang kapangyarihang mula sa Rupa. Ang kanyang lakas ay ang bigyan ng buhay at utusan kung ano man ang nais niyang ipagawa sa mga puno at halaman. Siya rin ang makapagbibigay ng lunas sa iba’t ibang karamdaman. Tungkulin niyang ipagtanggol ang kaligatasan at pangalagaan ang kalusugan ng lahat.” Muli’y isang masigabong palakpakan.

“Ang kasunod ay ang tagapagbantay, si Biel.” At tumingin si Biel sa lahat. Nakangiti ito. biglang naramdaman niya ang pagsiko ni Iko sa kanyang tagiliran. Nakuha naman niya ang ibig sabihin nito kaya’t yumuko siya at nagbigay galang. Nagpalakpakan ang lahat “Mula sa kabilang daigdig, ang mundo ng mga tao, ibinigay ko ang kapangyarihang mula sa Indriya.” patuloy ng reyna. “Ang kapangyarihang ito ay ang paghawak sa walong pinakamabangis na hayop sa Jumeda na tulad din ng mga hayop sa kanyang mundo. Sa pamamagitan niya ay mapapag-isa niya sa kanyang kantauhan ang mga hayop na ito. tungkulin niyang bantayan ang katahimikan ng lahat.” Isang masigabong palakpakan ang tinanggap ni Biel.

“At ang huli, ipinakikilala kong lahat sa inyo, ang tagapaglikha. Si Mallika!” nagbulungan ang mga tao dahil wala si Mallika. “Mallika?” muling tawag ng reyna. Ilang sandali pa ang lumipas ng biglang sumulpot ang nakasisilaw na liwanag. At mula sa liwanag na iyon ay lumabas ang isang napakagandang babae. Unti-unti humupa ang liwanag at namangha ang mga nakakakita. “Siya si Mallika. Ang may hawak ng kapangyarihang mula sa Kalpana. Nakabubuo siya ng imahe mula sa larawan sa kanyang imahinasyon. Tungkulin niyang tulungan ang lahat ng kanyang mga kasama sa lahat ng labanang gagawin. Lubhang malakas ang kanyang kapangyarihan kaya’t minarapat kong lakihan ang tungkuling kanyang gagampanan.” At muli’y isang masigabong palakpakan mula sa mga manonood.

“Silang apat ang ipadadala ko sa kaharian ng aking kapatid na si Ameesha upang pakiusapan na magkaroon ng kapayapaan sa buong Jumeda. Ngunit kung hindi siya papayag ay mapipilitan akong gumamit ng dahas at muling ipakulong ang aking kapatid upang matahimik na ang lahat.” Matigas na tinig ng reyna.

“Mawalang galang na po mahal na reyna.” Ani Biel

“Freya na lang ang itawag mo sa akin” tugon nito.

“Freya, marami pa akong kailangang malaman. Marami pa akong gustong itanong sa iyo.” Ani Biel sa reyna.

“Alam ko Biel, ngunit hindi ko sasagutin ang mga ito. Dahil matutuklasan mo ang kasagutan ng lahat sa iyong paglalakbay. Sa ngayon ay bumalik ka muna sa inyong mundo. Ipahahatid kita sa tagapagmasid.” At tumango si Iko. “Muli kang ipatatawag upang ipaalam sa iyo lahat ng mga plano. Siguradong hinahanap ka na ng lahat ng nagmamahal sa iyo. Ihanda mo na ang sarili mo para sa susunod mong pagbalik.” Tahimik lamang si Biel at sumang-ayon din ito sa utos na iyon. “Hintayin nyo ang susunod na paghawi upang makapagatago kayo sa likod ng mga ulap.”

“Masusunod po.” Tugon ni Iko. At yumuko ito sa reyna.


ILANG SAGLIT pa’y binabagtas na nila Biel at Iko ang daan pauwi. Isang paniki at isang lawin ang malayang lumilipad at nakatago sa mga ulap. Mabilis ang kanilang paglalakbay. Maya-maya lang ay nasa mundo na sila ng mga tao. at ayon sa napagkasunduan kanina, hindi na sumama si Iko hanggang sa mismong bahay nila Biel. Tama na ang makarating ito sa kanilang mundo. Ang kapangyarihan ng lawin ang magiging gabay niya pauwi. at nagtagumpay naman si Biel. Malayo pa man siya ay tanaw na niya ang kanilang tahanan. Dapit hapon na iyon. Nag-iisip siya kung paano ipaliliwanag ang bigla niyang pagkawala. Nang makarating ay dumapo muna sa puno sa tabi ng kanilang bahay. Saglit na nag-isip.

“Sssshhh…wag kayong maingay. Dahan-dahan lang.” si Buboy. Kausap ang dalawa pa nitong kalaro. Nakita nilang dumapo ang malaking lawin sa may puno. nakatago sila ngayon sa likod ng isa pang puno. nakatutok ang tirador sa dambuhalang ibon.

Hindi malaman ni Biel kung anong kakaiba ang kanyang nararamdaman ngayon. Ito ang unang pagkakataong naging kakaiba ang kanyang pakiramdam. Inisip na niyang magbalik sa dating anyo mula sa pagiging lawin. Mula sa itaas ng puno ay luminga-linga siya upang makasigurong walang makakakita sa kanya bago siya bumalik sa pagiging si Biel.

Mula sa kung saan ay isang malaking bato ang tumama sa pakpak ng lawin. Namilipit siya sa sakit at pinilit lumipad. Ngunit napakasakit niyon kaya’t hindi ito gaganong nakapagkontrol. Bumagsak ito sa may likod bahay.

“Ayun! Bumagsak sa likuran!” anang isang batang lalaki.

“Ang galing mo talaga Buboy! Asintado ka talaga.” Anang isa pa.

“Tara puntahan natin. Siguradong patay na iyon. Tinamaan ko ata sa ulo. Hindi na kayang lumipad eh.” Nagmamalaking sabi naman ni Buboy.

CHAPTER 12


Namimilipit na humandusay sa lupa ang lawin. Bumagsak ito sa likod bahay. Malakas ang pagkakatama ng batong iyon sa kanyang pakpak. Bagamat walang sugat ay labis naman ang sakit ang idinulot niyon.

Patakbong tinungo nila Buboy ang pinagbagsakan ng lawin. Hindi naging hadlang ang puno upang makarating sa likod bahay. Ilang hakbang na lamang ay tanaw na nila ang likod bahay. Makikita na nila ang lawin.

“Kuya? Anong ginagawa mo jan? may nakita ka bang ibon dito?” ani Buboy sa binatang nakahiga sa lupa. Hawak nito ang kaliwang braso at namimilipit sa sakit.

“H-Ha?” nagulat na tanong ni Biel. Mabuti na lamang at nakapagpalit agad ito ng anyo bago pa dumating ang kanyang kapatid. “A-e…nakita ko nga yung malaking ibon, mukhang may tama sya kaya sinunggaban ko na agad. Kaso, malakas pa pala. Ayun, lumipad ulit” paliwanag ng binata.

“Ganun ba? E bat nakahiga ka dyan? Saka napaano yang braso mo? Patingin nga.” Lumapit si Buboy sa kapatid at tiningnan ang braso nito. nagulat pa ng bahagya ng makitang namamaga ito.

“Pagsunggab ko sa ibon, nadapa ako, tumama sa bato ang braso ko. ang sakit!”

“Kasi naman kuya, hindi nag-iingat eh, teka tawagin ko si inay.”

“Hindi wag na. kaya ko na.” at akmang tatayo si Biel.

“Teka nga pala kuya, san ka nga pala galing?”

“H-Ha? Ako? Dun lang.” sagot nito habang patuloy ang paglakad papunta sa harapan ng bahay. Hindi maisip ni Biel ang ipapaliwanag sa kapatid.

“Bakit bigla ka lang nawala?” tanong muli ni Buboy na nakasunod sa kanya.

“Buboy, dun muna ulit kami sa labasan ha?” paalam ng dalawang kalaro ni Buboy at biglang tumakbo palayo.

“Sige sunod na lang ako sa inyo.” Sagot niya dito.

“Oi, ikaw Buboy, tama na yang pagtititrador mo ng kung anu-anong hayop ha?” paalala ni Biel sa kapatid habang papasok sila sa bahay.

“Bakit naman kuya? Ikaw nga ang naggawa nito para sa akin diba? Sabi mo, wag ko gagamitin sa kahit sinong tao. e, san ko naman gagamitin ‘to?”

“May sinabi ba akong sa hayop? Edi kumuha ka ng lata tapos, itayo mo doon sa malayo. Yung wala kang tatamaan na kahit na sino.”

“Bakit naman kuya?”

“Nakakaawa yung tatamaan mo. Isipin mo, kung ikaw yung ibon, tapos tinirador ka ng tao, anong pakiramdam mo?”

Saglit na nag-isip ang bata.

“E hindi naman ako ibon kuya eh.”

“Biel, nandyan ka na pala? San ka ba galing bata ka? Naka-dalawang balik na si Binong dito. Hinahanap ka na daw ni Mang Jaime at napapabayaan mo na yung paglilinis sa Zoo.” Pag-aalala ni Aling Divina sa anak.

“Nagpunta po kasi ako kila Mang Arnulfo. Yung tumulong sa akin nung naaksidente ako. Nagpasalamat lang po ako.”

“Aba! Sa susunod, magpaalam ka naman, hindi yung bigla ka na lang mawawala, marami kaming nag-aalala sa’yo.”

“Oo nga kuya, naka-ilang balik na rin dito si Ate Elaine. Mukhang alalang-alala sya sa’yo.” Singit ni Buboy.

“Pati ang pag-aaral mo, napabayaan mo na.” si Aling Divina.

“Pasensya na po inay. Hindi na po mauulit.” Pag-alo ni Biel.

“Biel, ang sa akin ay paalala lang, baka kasi nakakalimutan mo lang.” ani Aling Divina.

“Opo inay.”

“Kuya, gelpren mo ba si ate Elaine?” usisa ni Buboy. Napangiti si Aling Divina sa tanong na iyon ng anak.

“Ikaw talaga buboy kebata-bata mo pa, yan na agad ang iniisip mo. Dapat maghanda ka na dahil sa susunod na pasukan ay mag-aaral ka na.”

“Talaga po? Yehey!” napalundag sa tuwa si Buboy at di sinasadyang nataman ang braso ni Biel.

“Aray!” sigaw nito.

“Ay sori kuya” si Buboy.

“Bakit, napaano yang braso mo?” tanong ni Aling Divina at nagkatinginan lamang ang magkapatid.

PALUBOG NA ANG ARAW ng bisitahin ni Biel ang Zoo. Hindi naman nagalit si Mang Jaime dahil nabalitaan nga nito ang nangyari sa binata. Isa-isa niyang nilinis ang paligid niyon. Hindi naman ito gaanong karumi dahil hindi naman masyadong dinadayo ng mga tao iyon. Isa pa ay nariyan naman si Alvin na regular na tagapaglinis doon.

“Nandyan ka na pala. Kanina pa ako pabalik-balik sa inyo. Tinatanong ka sa akin ni Mang Jaime. San ka ba nagpunta?” si Alvin ng makita si Biel na naglilinis.

“Pasensya ka na Binong, may mahalaga lang talaga akong pinuntahan” malumanay na sagot nito.

“Mahalaga? Biel, matagal na tayong magkakilala. Dapat bang nililihim mo pa sa akin kung ano man yung pinaggagawa mo?” ani Alvin. “Sabihin mo na…may dinidiskartehan ka sa kabilang bayan noh? Mag-aasawa ka na noh? Aminin!” panunudyo nito.

“Ano ka ba? Seryoso ako. Naguguluhan nga rin ako sa sarili ko eh.”

“Ano bang mahalaga iyon at parang ayaw mo pang sabihin ng diretso sa akin?”

“Basta. Malalaman mo rin yun.”

“Tingnan mo ‘to. Ang labo mo naman!”

“Mabuti pa, tulungan mo na lang ako dito para mas mabilis at maaga tayong makauwi.”

“Grabe ka naman, ako na nga ang naglinis dito ng ilang araw.”

“Goto!”

“Talaga? Sige, tutulong na nga. Gusto ko yung may kasama pang tokwa’t baboy. Pati sopdrink na rin ha?”

“Ikaw talaga, pagdating sa librehan, mabilis ka. Goto lang pala ang katapat mo.”

“Biel! Dumating ka na pala ulit!” tinig mula sa gate ng zoo. Si Elaine. Nabigla ang dalawa.

“Elaine, kanina ka pa?” si Biel.

“Saan ka ba galing? Nagpunta ako dito para magpasama sana kay Binong.” Anang dalaga.

“Talaga? Magdedeyt tayo?” nakangiting tanong ni Alvin.

“Sira! Hahanapin sana natin si Biel!”

“Bakit ba alalang alala ka kapag nawawala si Biel? Parang may ibig sabihin ah!”
“Nag-uumpisa ka na naman? Gusto mo ba talaga nito?” at iniumang pa ng dalaga kay Alvin ang kamao nito.

“Biro lang. eto naman.”

“Hay naku, buti pa, itigil nyo na yan at magsimula na tayo dito Binong, para matapos na agad.” Putol ni Biel. “At ikaw naman Elaine, maupo ka dyan at maghintay, sumama ka na lang sa amin sa gotohan mamaya. Dun ko na lang sasagutin ang mga gusto nyong itanong.” Dugtong pa nito.

“Talaga? Sige, kung libre ba naman eh. Tulungan ko na lang kayo.” Nakangiti ang dalaga.



MABILIS NA NATAPOS sa paglilinis ang magkakaibigan. At bilang pangako ni Biel, dumiretso sila sa lugawan ni Aling Amy. Maliit lang ang tila kubong karinderyang iyon ngunit malinis. May anim na mesa sa loob at sariwa ang hanging malalanghap doon. Dinaanan na rin nila si Buboy. Pinilit nilang isama si Aling Divina ngunit hindi ito pumayag. Nagbilin na lamang ito ng pansit bilang pasalubong.

“San ka ba talaga nagpunta Biel?” tanong ni Elaine habang pinipiga ang kalamansi sa kanyang plato. Pansit din kasi ang inorder niya. Magkaharap sila ni Biel sa kwadradong mesa. At si Buboy naman at Alvin ang magkatapat. Halos puno na ang loob niyon at dalawang mesa na lang ang bakante. Doon sila pumwesto sa bandang dulo. Medyo malayo sa pinto

“Nagpunta ako kila Mang Arnulfo. Madaling araw ako umalis para makabalik agad ako. Kaso, minalas, wala akong masakyan kaya bumalik na lang ako sa kanila at nagpalipas hanggang hapon.” Paliwanag ng binata.

“Akala ko ba, maghapon sa bukid si Mang Arnulfo? Sino ang kasama mo sa bahay nila?” muling tanong ng dalaga.

“Sabi ko na nga ba Biel, mag-aasawa ka na. Ano ng ulit ang pangalan nung anak ni Mang Arnulfo?” patuksong sabi ni Iko. Biglang nag-iba ang reaksyon ng mukha ni Elaine. Tila may galit at pagtatampong itinatago. Natahimik si Biel. Hindi alam ang isasagot.

“Ano ba kayo? Iniisip nyo bang nililigawan ko si Louisa? Kaibigan lang ang turing ko sa kanya. Pagbalik ko sa bahay nila, tumuloy agad ako sa bukid. Naaliw ako sa mga nagtatanim doon.” Walang reaksyon ang mukha ng dalaga. Hindi palagay ang pakiramdam ni Biel. Hindi siya sanay na magsinungaling. Lalo na’t sa mga malalapit niyang kaibigan.

“Mabuti pa siguro ay ipakilala mo na lang ako kay Louisa. Baka magustuhan ko sya.” Bawi ni Alvin. “Pero hindi nya ako makukuha ng basta-basta. Pag-iisipan ko munang maigi.” Pabirong dugtong nito.
“Kuya, bakit hindi mo na lang ligawan ni Ate Elaine? Mabait naman sya ah” biglang tanong ni Buboy. Tila binuhusan ng malamig na tubig si Biel. Natarantang bigla at namula ang mukha. Napatingin ito kay Elaine. Namumula rin ang mukha nito.

“Ano ba yang pinagtatanong mo ‘boy? Magkaibigan lang kami ng kuya mo. Hanggang doon lang yun.” Halos utal na paliwanag ng dalaga. “Di ba Biel?”

“O-oo…ikaw talagang bata ka kung anu-ano talaga ang pumapasok sa isip mo.” At mahinang kurot sa tagiliran ang ibinigay ni Biel sa kapatid.

“Kahit naman magkaibigan pwedeng maging magboypren diba? Hindi mo ba gusto si Ate Elaine?” muling tanong ni Buboy. Lalong natigilan ang dalawa.

“Buboy, napakabata mo pa para dyan” ani Alvin. Tila natulala sina Biel at Elaine. Nagtama ang kanilang mga mata. Pawang may ngiti ang mga tingin na iyon. Nagsalit ang tingin ni Alvin sa dalawa at lihim na napangiti.

BLAG!

Naputol ang tagpong iyon sa pagbagsak ng pinto ng karinderya. Humagis ng bahagya iyon sa mga kalalakihan na malapit sa pinto. Lahat sila ay napatayo. Nagulat ang lahat sa pangyayari. At lalo pa silang natakot sa kanilang nasaksihan. Mula sa pinto ay lumantad ang isang uri ng hayop. Nanlilisik ang mga mata nito. nakalabas ang dalawang matutulis na ngipin makapal ang balahibo at mahahaba ang kuko. Tila isang dambuhalang asong gubat. Isa itong fulva. Naghiyawan ang ilang kababaihan at nagsiksikan sa iisang sulok. Maging sila Alvin ay tumakbo sa kabilang sulok ng kubo. Nakaharang ang halimaw sa pinto na halos sakop ng buong katawan sa sobrang laki ng fulva, walang ibang daan palabas. Lahat ay nilukuban ng takot. Nagpakawala ng napakalakas ng alulong ang halimaw. Nakbibingi iyon at humanda sa pagsalakay. Hindi malaman ni Biel kung ano ang gagawin. Hindi niya maaring ipaalam sa lahat ang tungkol sa kanyang katauhan. Unti-unting lumapit iyon sa direksyon nila Biel. Ang mga tao ay dahan-dahang lumabas ng pinto.







CHAPTER 13

Sinamantala ng mga tao sa loob ang paglapit ng halimaw kay Biel. Dahan-dahan silang lumabas at tumakbo palayo pagkatapos. Tulala naman at halos di makakilos sa takot sina Alvin at Elaine habang si Buboy ay umiiyak na nakayakap sa kanyang kapatid. Palapit na ng palapit ang halimaw at susunggaban na ito si Biel.

BANG!

Isang malakas na putok ng baril mula sa labas ng kubo. Tinamaan ang hita ng halimaw ngunit tila wala itong naramdaman. Galit na nilingon ng fulva ang pinagmulan ng putok na iyon. Nakita nito ang tatlong kalalakihan na may hawak na mga baril. Mga pulis.

BANG! BANG! BANG!

Sunod-sunod na nagpaputok ang mga pulis ngunit tila hindi nararamdaman ng fulva ang sakit na dulot niyon. Tumakbo itong papalapit sa mga pulis na patuloy pa rin sa pagpapaputok.

“Halika na!” ani Biel. Sinamantala nila ang pagkakataong iyon upang tumakas. Doon sila dumaan sa may gilid upang maiwasan na rin ang mga balang ligaw mula sa mga pulis. Narating nila ang likuran ng kubo at mula doon ay tumakbo na sila papalayo.

Tinalon ng fulva ang isang pulis at kinagat iyon sa bandang dibdib. Ang ulo nito ay nakapasok sa loob ng bibig ng dambuhalang halimaw. Tumakbo ang dalawa pang natitirang pulis at mabilis na sumakay sa owner-type jeep nila. Narinig ng fulva ang pagbukas ng makina niyon at binitiwan ang isang pulis na nilapa niya. Patay na humandusay ang pulis habang humanda sa paglusob ang halimaw. Mabilis na umatras ang sasakyan ng pulis at hinabol ito ng fulva. Lumundag ito sa ibabaw ng sasakyan na halos kasinlaki ng rin ng dambuhalang halimaw. At sa isang iglap at nakaharang na ito sa daanan sa bandang likuran ng umaatras na owner. Mabilis na inilipat ng nagmamaneho ang kambyo at mabilis umarangkada pasulong. Muling tumakbo at tumalon ang fulva at sa pagkakataong ito’y bumagsak siya sa bandang unahan. Ang mga paa nito’y nakatapak sa gawing makina ng sasakyan. Nawasak iyon at sumubsob ang sasakyan. Umangat ang bandang hulihan nito sa biglang pagtigil. Ang isang pulis sa gawing kanan ay humagis papunta sa harapan ng sasakyan na ikinabasag ng windshield nito. duguang humandusay ito sa harapan. Umikot ang fulva at humarap sa sasakyan. Nanlilisik ang mga mata nito. nilukob ng takot ang natitirang pulis na nagmamaneho ng sasakyan. Duguan din ito dahil sa mga bubog na nagtalsikan at nanlalabo ang kanyang paningin ngunit hindi ito lumabas ng sasakyan. Galit na lumapit ang halimaw sa bandang gilid at tila pilit na pinalalabas ang pulis. Lumipat sa kabilang bahagi ang pulis. Iniangat ng fulva ang isang paa at inihampas sa sasakyan. Nayupi ang tagiliran niyon. Iniumang nito ang matutulis na kuko at ihinampas muli sa sasakyan. Tapyas ang ilang bahagi niyon. Lumabas mula sa kabilang daanan ang pulis at tumakbo papalayo. Tumalon ang halimaw at bumagsak sa bubungan ng sasakyan. Nayupi iyon. Nakita ng fulva ang tumatakbong pulis. Humanda ito sa muling paglusob. Lumingon ang pulis upang tingnan ang halimaw. Hindi pa siya nakakalayo ng biglang natisod siya at sumusbsob sa lupa. Muli niyang tiningnan ang fulva at nakita niyang nasa ere na ito at pasunggab sa kanya. Huli na para makailag siya kaya’t hinintay na lamang niya ang pagbagsak nito sa kanya. Kitang-kita niya ang matutulis na kuko na papalapit sa kanya. Ihinarang na lamang niya ang kanyang mga braso ngunit hindi na sya umaasang mabubuhay pa.

Biglang nagbago ang direksyon ng fulva. Humagis ito patagilid at nakita ng pulis ang dahilan niyon. Mula sa kung saan ay isang dambuhalang hayop ang sumugod doon at dumamba sa leeg nito. bumagsak ang dalawa ng pagulong sa lupa. Tiningnan iyon ng pulis at nakita nito ang isang dambuhalang leon. Halos kasinglaki ito ng fulva. Nakabaon ang ngipin nito sa leeg ng halimaw habang nagpupumiglas iyon. Ubod lakas ang pagpupumiglas nito at nagawa niyang tanggalin ang pagkakabaon ng ngipin ng leon. Naghiwalay ang kanilang mga katawan. Magkaharap sila at pawang nakikiramdam sa mga susunod ng gagawin. Biglang tumalon ang fulva patungo sa direksyon ng leon. Sinalubong naman ito ng leon ngunit bigla nitong napansin ang mahahabang kuko nito na nakatutok sa kanya. Bago pa man nagpang-abot ang kanilang mga katawa’y biglang nagbago ang anyo ng leon. Naging isang higanteng ahas. Biglang pumulupot ito sa halimaw bago sila bumagsak sa lupa. Pilit man nitong kumawala ay hindi na siya binitiwan ng ahas hanggang sa magkadurug-durog na ang kanyang mga buto.

UMABOT na sa kabilang bayan ang balita tungkol sa pangyayari kagabi. Ang paniniwala ng iba’y sinakop na ng mga maligno ang kanilang bayan dahil sa kawalanghiyaan sa mga hayop. Ang iba nama’y pinagbibintangan ang mga bagong salta mula sa malalayong lugar na mga aswang at sila ang dahilan ng pagsalakay. Ang iba nama’y naniniwala sa Diyos ng kagubatan at ang paglusob ng kaaway nito. Maging sa misa ni Padre Agustin ay ito pa rin ang nilalaman. Magsisi sa kasalanan upang hindi na maulit ang trahedyang iyon. Mas lalo pa kasing nagpagulo ng kanilang isip ang pangyayari kinabukasan dahil nang balikan ng mga imbestigador ang halimaw ay wala na ito at tanging abo na lamang ang kanilang nadatnan. Maging ang leon na kinikilala nilang bayani at hindi man kapani-paniwala ang kwento ng pulis na nagbago ang anyo nito ay naglaho ring parang bula. Nilukob ng takot ang buong bayan at ang iba pang karatig pook nito. Alas siyete pa lang ng gabi ay iilan-ilan na lamang ang makikita sa lansangan.

“Kuya! May bisita ka!” bungad ni Buboy kay Biel pagpasok nito sa bakuran. Kasama nito si Elaine galing sa eskwelahan. Nakagawian na kasi niyang sumabay kay Biel araw-araw. Dumadaan muna ito sa bahay at nagbibihis bago tumuloy sa Zoo para maglinis. Malapit lang naman ang bahay nila Elaine sa zoo kaya’t hinihintay na lang niya si Biel.

“Sino daw yun?” tanong ni Biel.

“Ewan ko. Pasalubong ko?” at ibinuka nito ang palad sa harap ni Biel. Inabutan naman ito ng binata ng isang balot ng espasol at tuluy-tuloy na sa loob ng bahay kasunod si Elaine. Si Buboy nama’y tumuloy sa tindahan.
“Magandang gabi iho!” nakangiting bati ni Mang Arnufo sa binata ng makita itong pumasok sa loob ng bahay. Nakaupo ito sa may sala katabi ang kanyang anak na si Louisa na tila sabik na makita ang binata. Tumayo ito at lumapit kay Biel.

“Biel, akala ko nakalimutan mo na kami.” At biglang yumakap ito sa binata. Sabay na pagpasok din ni Elaine sa pinto at nagulat ito sa nakita. Tila natulala ito.

“M-may bisita ka pala, m-mauna na lang ako.” Pautal na tinig ni Elaine na tila may itinatago sa kanyang dibdib. Tila gulat na napalayo si Louisa sa binata.

“Sandali lang! Louisa si Elaine. Elaine si Louisa at sya naman si Mang Arnulfo” at itinuro nito ang lalaking nakaupo sa may sala. Ngumiti ito sa dalaga. Ginantihan din ni Elaine ng ngiti sa kabila ng pagsabog ng kung ano man sa kanyang dibdib.

“Sila yung…”

“Oo, kilala ko na sila, naikwento mo na sa akin noon di ba?” Pinutol ni Elaine ang sasabihin ng binata “Pano, Biel, mauna na ako.” Dugtong pa nito.

“Sandali lang Elaine.” Pigil ng binata ngunit tuluy-tuloy na itong lumabas. At ipinagtaka iyon ni Biel.

“May kasintahan ka na pala?” tanong ni Louisa.

“Hindi. Kaibigan ko lang iyon.” Sagot naman ni Biel. At dinig na dinig iyon ni Elaine habang papalabas siya ng bakuran. Nagpupumiglas ang kanyang damdamin. Nais niyang sumigaw ngunit hindi niya malaman ang dahilan. Paulit-ulit na bumabalik sa isipan niya ang mahigpit na yakapan at matamis na ngiti nina Louisa at Biel.

“Nandyan ka na pala ” si Aling Divina. Bitbit ang isang tray na may mga tasa.

“Magkape muna kayo.” Alok nito sa mga bisita. Maya-maya lang ay dumating si Buboy, bitbit ang isang balot ng tinapay at palaman. Inilagay lamang iyon sa mesita sa harapan at muling lumabas Naupo na rin sina Biel at Louisa.

“Mabuti naman at hindi kayo nahirapang tuntunin ang lugar na ito.” ani Biel habang iniaabot ang tasa ng kape kay Louisa.

“Hindi naman. Sikat ka pala dito. Ang daming nakakakilala sayo.” Nakangiti ang dalaga.

“Hindi naman. Magkakakilala lang talaga kaming magkakapitbahay sa bayang ito.” tugon ni Biel. “Mabuti naman at naisipan nyong magpunta.” Dugtong pa nito.

“Akala kasi namin nalimutan mo na kami. Hindi ka na kasi nagpakita sa amin.” Sagot ni Mang Arnulfo. Tila nagulat si Biel.
“Akala ko ba nagpunta ka sa kanila nung nakaraang araw. Ang aga mo pang umalis ah!” takang sabi ni Aling Divina. Kinurot ni Biel ng palihim sa likuran si Louisa at nakuha naman nito ang ibig sabihin ng binata.

“O-oo nga po. Pero para sa amin ni itay, matagal na yun.” Ani Louisa at tumingin ng may kahulugan sa ama.

“Hahaha! Nakaka-miss kasi ang batang ito. kakaiba” tugon ni Mang Arnulfo.

“Kakaiba nga Mang Arnulfo. Kahit ako’y nagtataka dyan at parang laging may inililihim sa akin.” Nakangiti si Aling Divina. Tila nabunutan naman ng tinik si Biel. Ngunit napaisip siya sa binitawang salitang iyon ng ina.

“Ganyan talaga pag nagbibinata na. kung anu-ano na ang naiisipang gawin” nakangiti muli si Mang Arnulfo at humigop ng kape.

“Maigi pa’y dito na kayo maghapunan. Teka at ipagluluto ko kayo” ani Aling Divina.

“Naku wag na, hind rin naman kami magtatagal. Baka kung mapaano pa kami, uso pa naman ang kung anu-anong lumalabas dito kapag gabi.” Tanggi ni mang Arnulfo.

Halos isang oras din silang nagkwentuhan at sagutan ng mga tanong at pakikipagkilanlan. Bakas ang kasiyahan sa mukha ni Louisa. At maya-maya lang ay nagpaalam na ang mag-ama. Inalok ni Biel na ihatid sila at hindi naman ito tinanggihan ni Mang Arnulfo. Marami rin kasi silang gustong pag-usapan na hindi dapat marinig ng ina ng binata. Bagamat nag-aalala si Aling Divina ay pumayag na rin siya at pinilit na bumalik kaagad ito. Pinilit din ni Buboy na sumama sa kapatid ngunit tinanggihan ito ng binata. Ipinaliwanag nito na mahihirapan syang tumakbo kung may kasamang bata sakaling lumusob muli ang halimaw.
Habang daan ay ikinuwento ni Biel sa mag-ama ang lahat pangyayari sa kanya. Ang kanyang pakikipagsapalaran sa Jumeda at sa kanilang mundo. Nang makalayo na’y luminga-linga si Biel sa paligid. Nang makasigurong walang tao ay biglang nag-anyong kabayo ito. natuwa naman angmag-ama at iyon na ang kanilang sinakyan pauwi. hindi na rin nagtagal si Biel sa bahay nina Louisa. Nag-anyong lawin ito at lumipad pauwi.

NAGMAMADALI SIYANG nagbihis at nagpaalam sa kanyang ina. Muntik na niyang malimutan ang paglilinis sa zoo. Hindi siya pinayagan ni Aling Divina dahil gabi na ngunit nagpumilit siya kaya’t wala na itong nagawa. Dinatnan niyang naglilinis doon si Alvin.

“Pasensya ka na ha? May bisita kasi ako kaya nahuli ako ngayon.” Bungad niya sa kaibigan.

“Alam ko na. dumaan dito si Elaine, masama yata ang loob sa iyo.” Tugon naman nito. seryoso ang mukha nito na ipinagtaka ni Biel. Lubos na masayahin si Alvin at kung may problema man ay iyon na agad ang ibubungad sa kanya.

“Parang malungkot ka. May problema ka ba?”

“Wala. Baka ikaw meron.”

“Ako? Binong, tungkol saan ba ‘to? Bat ka nagkakaganyan? Ano ba ang sinabi sa iyo ni Elaine?”

“Walang kinalaman si Elaine dito.”

“E bakit ka ba nagkakaganyan?”

Hindi sumagot ang binata. Patuloy lang ito sa pagwawalis.

“Binong..” si Biel. Saglit na tumigil si Alvin. Umayos ng tayo at humarap sa kaibigan.

“Biel, kilala mo ako, lahat ng bagay tungkol sa akin, sinabi ko na sayo. Wala akong inilihim sa’yo.” Paliwanag nito.

“Ano bang ibig mong sabihin?” nagtataka si Biel.

“Wala ka bang gustong aminin sa akin?” hindi sumagot si Biel sa tanong na iyon ng kaibigan. “Naalala mo nung nakaraang gabi? Yung pagsalakay ng halimaw?” tanong nito at tumango lamang si Biel. “Biel, nakita kita. Nagbago ang anyo mo. Naging isa kang leon.” Nagulat si Biel sa tinuran ng kaibigan. “At hindi lang basta leon. Isang dambuhalang leon.”

“H-ha?!”




CHAPTER 14


Buo na ang plano ni Freya para sa gagawing malaking paglusob sa kaharian ng kapatid nitong si Ameesha. Ang tanging layunin nito’y upang matahimik na ang buong Jumeda. Naging magulo kasi ang mga alagad ni Ameesha sa paghahanap ng iba pang gagawing miyembro ng kanilang sandatahan. Marami-rami na rin ang nakuha nito kaya’t kailangan nang maibalik niya ang kapatid sa binalangguan upang matigil na ang paghihimagsik nito. gumawa na sila ng kakaibang kulungan. Isang kwarto na kung saan ay hindi makakayang gamitin ang kapangyarihan kapag nasa loob nito. ito ay gawa ng ermitanyong si Bipashu, isa sa makapangyarihang tagapayo ni Freya.

Nakahanda na ang sangkatutak na Vulpes, mga hayop na tulad ng fulva ngunit puti ang balahibo samantalang kayumanggi naman ang sa fulva. Nakagayak na rin ang mga tauhan ng reyna. Tanging ang apat na “Pwersa ng Jumeda” na lamang ang hinihintay na mabuo. Oras na para sunduin si Biel at ipaalam ang kanilang plano.

“Oo Biel! Kitang-kita ng dalawang mata ko!” ani Alvin. Bumilis ang tibok ng puso ni Biel sa inamin ng kaibigan. “Nagtaka kasi ako nung pilit mo kaming pinauwi tapos bigla ka na lang umalis. Sabi mo, hihingi ka pa ng tulong sa kapitan. Hindi mo naisip na pulis na yung tumulong sa atin.” Dugtong pa ng binata. “Sinundan kita kaso, pagdating mo dun sa may kakahuyan, bigla ka na lang nawala, hinanap kita. Umakyat ako sa isang puno para madali kitang makita…at nakita nga kita.”

Katahimikan.

“Binong, nung una pa lang, gusto ko nang sabihin sa iyo ‘to. Kaso natatakot naman akong isipin mong isa akong baliw.” Binasag ni Biel ang katahimikang iyon.

“Hindi ko iisipin ang ganun kung papatuyan mo naman.” Tama si Alvin, sa isip ni Biel.

“Pasensya ka na ha? Basta marami pang dahilan kung bakit ko nagawa iyon.” Si Biel. “Pero sana, ilihim na muna natin kahit kanino Binong.”

“Pati kay Elaine?”

“Oo sana. Hanggat hindi ko pa tiyak ang dahilan ng pagiging ganito ko. gusto kong ipaalam sa kanya kapag lahat ng tanong sa isipan ko ay nasagot ko na.”

“Pero pwede mo bang ipaliwanag sa akin yung mga alam mo na?”

“Oo naman. Sige, habang naglilinis tayo dito.”

“Huwag na! natapos ko na. dun na lang tayo sa bahay ngayon.”

“Talaga? Salamat ha? Sige dun na muna tayo. Pero hindi rin ako magtatagal dahil baka mag-alala ang inay.”

“Ganun ba? Edi dito na lang tayo. Sa paglalakad pa lang ay matatagalan na tayo.”

Ikinuwento ni Biel lahat ng pangyayari na kanyang naranasan. Mula sa matandang babaeng tinulungan niya hanggang sa huling pagsalakay ng fulva. Lubos ang paghanga ni Alvin sa Jumeda at ang maganda at seksing sina Mallika at Raima. Bagamat hindi pa niya ito nakikita ay parang nasa harapan nya lang ito dahil sa kwento ng kaibigan. Pinilit pa ni Alvin si Biel na magbagong anyo at pinagbigyan naman ito ng kaibigan. ipinakita niya ang dambuhalang leon at ang lawin. Medyo malalim na ang gabi nang matapos nila ang kwentuhan. Hindi na nakauwi si Alvin at doon na lang ito natulog kasama ang dalawang gwardiya ng zoo. Si Biel naman ay hindi na nagpapigil sa kaibigan kahit ano pa ang sabihin nito upang doon din sya matulog. Mag-aalala kasi si Aling Divina kapag pumayag siya sa gusto ni Alvin.

MAAGANG nagising si Biel. Bagamat medyo napuyat kagabi ay masigla pa rin itong nakapasok sa eskwela. Tulad ng dati, naupo muna siya sa lilim ng punongkahoy sa tabi ng daan papunta sa mga silid-aralan. Hinihintay niya ang pagdating ng kaibigan. Si Elaine. Halos mabali ang leeg nito sa paglinga-linga. Bagamat hindi sila magkaklase ay pawang alas otso ang kanilang unang klase. Subalit ngayon, dalawang minuto na lamang bago mag-alas otso ay hindi pa rin dumarating ang kaibigan. Nag-aalala si Biel, pumasok ito sa kanilang klase na tanging si Elaine lamang ang nasa isip. Bakit kaya hindi nakapasok ngayon? Paulit ulit na tanong ni Biel sa sarili.

Inip na inip si Biel sa kanyang huling klase. May kasunod pa sanang isa pa ngunit wala ang kanilang propesor. Nag-anak daw ito ng kasal. Ikinatuwa ni Biel iyon dahil mas maaga siyang makakauwi. Nais na niyang hilain ang oras. Nais niyang malaman ang kalagayan ng kaibigan si Elaine. Maya-maya lang ay nagtayuan na ang kanyang mga kaklase. Uwian na sa wakas! Halos patakbo siyang lumabas ng eskwela at dumiretso sa bahay nila Elaine. Ilang beses na tumawag roon ngunit walang sumasagot. Walang tao sa bahay. Baka nasa ospital. Sa isip niya. Dali-dali niyang pinuntahan si Alvin na malapit lamang mula sa kanyang kinaroroonan.

“Ang aga mo yata?!” takang tanong ni Alvin kay Biel habang papalapit ito sa kanya. “Bakit dala mo pa yang bag mo?”

“Binong, nakita mo ba si Elaine? Hindi kasi siya nakapasok kanina. Tinanong ko naman yung mga kaklase nya, hindi rin daw nila alam.” Bungad ng binata.

“Oo. Alam ko, hindi nga siya nakapasok. Dumaan sila dito kanina ng nanay niya. May sakit daw si Elaine, nandun, ihahatid siya sa lola nya para ipahilot.”

“Ganun ba?” Biglang nalungkot si Biel sa balitang iyon. “A-e, Binong…”

“Sssshh…wag mo nang ituloy. Alam ko na. sige na, puntahan mo na. Ako na muna ang bahala dito.” Putol ni Alvin sa sasabihin ng kaibigan.

“Talaga? Salamat ha? Di bale, sa susunod, makakabawi rin ako sayo. Sige, alis na muna ako. Dadaan lang muna ako sa bahay para magpaalam.”

“Sige, ingat ka na lang, mapanganib pa naman sa kakahuyan.”

Ilang sandali pa’y binaybay na ni Biel ang daan patungo sa kakahuyan matapos magpaalam sa kanyang ina. May kalayuan din ang lugar na iyon. Ilang beses na silang nagtungo roon nina Alvin at Elaine para dalawin ang lola ng dalaga. Doon kasi nakatira sila Elaine noon. Ngunit buhat ng pumasok na siya sa kolehiyo, naging malayo na ito para kay Elaine kaya’t lumipat sila sa mas malapit na tahanan. Tutal, malaki-laki na rin ang kinikita ng kanyang ama sa ibang bansa. Hindi naman nila pinapabayaan ang kanilang lola at madalas nila itong binibisita. Kasama naman nito ang mga pinsan ni Elaine at kapitbahay din ang ilan pang kamag-anak nila.

Malalim ang iniisiip ni Biel habang papalapit sa kakahuyan. Medyo mataas pa ang araw. Alas kwatro y medya pa lamang. Buti na lang at hindi natuloy ang huling klase niya. Luminga-linga siya sa paligid. Sinisigurong walang nakakakita sa kanya. Nais niyang magpalit ng anyo.

“Psst! Wag mo nang ituloy ang binabalak mo.” Tinig mula sa itaas ng puno. kilala ni Biel ang boses na iyon. Si Iko. Hindi ito naka-anyong paniki ngunit nakasabit ito ng pabaligtad sa puno.

“Anong ginagawa mo dyan?” tanong ng binata habang nakatingala sa puno. Sumirko si Iko at isang sandali lang ay nakaharap na ito kay Biel.

“Ipinapatawag ka na ni Freya. Handa na ang lahat maliban sayo. Handa ka na ba?” anito sa binata. Saglit itong natigilan at napaisip. Hindi pa siya handa. Kailangan niyang makausap si Elaine. Kailangan pa niyang makapagpaalam sa kanyang ina. Nais rin niyang ipaalam kay Alvin ang araw ng kanyang pag-alis upang kung sakaling may mangyaring masama sa kanya sa Jumeda ay mayroong isang tao na nakakaalam at maglalahad ng buong kwento. Kwento ng kanyang kamatayan! Bigla siyang kinilabutan. Bakit nga ba sasayangin niya ang buhay niya sa lugar na hindi naman para sa kanya? Bakit kailangang iwanan pa niya ang mahal sa buhay para sa iba? Bakit kailangan niyang isakripisyo ang sarili para sa kaligtasan ng iba samantalang ang kanyang mahal sa buhay ay nag-aalala.

“Hoy! Ano na? tara na?” putol ni Iko. Biglang nagbalik ang isip ni Biel sa kasalukuyan.

“Ayoko na! hindi na ako tutuloy.” Matigas na sabi ni Biel.

“A-Anong ibig mong sabihin?”

“Iko, hindi ko alam kung bakit ako ang napili ninyo. Hindi ko mundo yun. Wala akong kinalaman sa gulo nyo. May problema rin ako dito na kailangan kong solusyonan. Bakit hindi nyo na lang ibigay sa taga-Jumeda ang kapangyarihang hawak ko ngayon?”

“Ibig mong sabihin, hindi ka na sasama sa akin?”

“Hindi na. at pakisabi kay Freya, pasensya na. magkaiba ang mundong ginagalawan natin. At hindi ako para sa mundo ninyo.“

“Pero Biel..”

“Tama na Iko, bumalik ka na sa mundo ninyo at pakipaliwanag sa reyna ang lahat.”

Natigilan si Iko. Hindi niya inaasahan na ganoon ang itutugon ng binata.

“Kung ‘yan ang desisyon mo Biel, sige igagalang ko. makakarating ang mensahe mo sa reyna. Sige, hanggang sa muli.” Malungkot na wika ni Iko at biglang nagsa-paniki ito at lumipad ng mabilis.

Nagpatuloy sa paglalakad si Biel. Hindi na lang siya magpapalit ng anyo. Mataas pa ang araw at hindi siya sigurado kung may tao pa sa kakahuyan. Bagamat liblib na lugar iyon, may mangilan-ngilan pa rin ang nagdaran doon para mangahoy o di kaya’y manguha ng mga prutas.

Nang sa di kalayuan ay narinig niya ang sigaw ng isang babae, kasunod ang malakas na tawanan ng mga kalalakihan. Labis niyang ikinagulat iyon kaya’t dali-dali niyang tinungo ang kinaroroonan ng ingay. Marahan nyang nilapitan at nagtago siya sa likod ng isang malaking punongkahoy. Maya-maya pa’y tanaw na niya ang tatlong lalaki na pilit na sinasamantala ang isang babae.

“Anong nangyari sa’yo?” ani Biel nang lapitan nito ang babae matapos niyang tapusin ang mga lalaking nais magsamantala dito. Kakaiba ang kanyang pairamdam. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nakapatay siya ng kapwa niya tao. tila kinukurot ang kanyang puso. Tila hindi ito matanggap ng kanyang konsensya, nagtatalo ang kanyang isip. Tama ang kanyang ginawa, hindi nya dapat pagsisihan dahil hindi na dapat buhayin pa ang taong halang ang kaluluwa. Ngunit sa kabilang dako ng kanyang isip, mali pa rin ang kanyang ginawa, hindi nya dapat nilagay ang batas sa kanyang kamay. Hindi umiimik ang dalaga. “Huwag kang mag-alala. Hindi ako masamang tao. halika, ihahatid na kita sa inyo. Taga-saan ka ba?” pagkakalma niya ngunit di pa rin ito umiimik.
“Ha! Ha! Ha!” sambit ng babae habang tumatayo at nagpapalit ng anyo. Si Mallika. Nagulat si Biel. Tiningnan niya ang mga lalaking nais magsamantala. Naglaho itong parang bula. Isang imahinasyon na gawa ng dalaga. “Kamusta ka Biel? Mukhang sanay na sanay ka nang gumamit ng kapangyarihan mo.” Nakangiti ito sa binata at muling lumutang sa hangin. Ilang dangkal lamang ang taas nito sa lupa.

“Hindi na ako sasama sa iyo Mallika. Hindi ko na kailangan ang kapangyarihan ito.” seryosong sabi ni Biel. “Alisin mo na sa akin ito!” nagbago ang reaksyon ng babae, seryoso ito.

“Hindi ako ang nagbigay nyan sa iyo Biel, nasa buong pagkatao mo na iyan bago ka pa man isilang.” Naguluhan ang binata. “Tinuruan lang kita ng tamang paggamit nyan. Ang kapangyarihan mo ay mula sa Indriya. Ang mundo ng mga hayop!” Lalong nagkunot ang noo ng binata sa sinabing iyon ni Mallika.

“Anong ibig mong sabihin?” tanong ni Biel.

“Simple lang.” lumapit ito kay Biel at halos idikit ang mukha sa binata. Hindi pa rin tumutuntong ang mga paa sa lupa. “Itanong mo sa kinikilala mong ina kung sya nga ang nagluwal sa iyo.” At muli’y umangat ito palayo kay Biel. Naiwan itong nakatulala. “Hindi ka tunay na anak ni Divina. Ampon ka lang niya.” Dugtong pa nito. Palagay naman ang loob ni Biel at hindi ito naniwala sa sinabi ni Mallika. Gumagawa lang ito ng dahilan para sumama ito sa kanya.
“Kahit ano pang sabihin mo, hindi na ako babalik sa Jumeda. Hindi iyon ang mundo ko!” matigas na tinig ni Biel.
“Marami pa akong gustong sabihin sa iyo binata. Ngunit hindi ako maaaring magtagal sa kinikilala mong mundo!” at bigla itong naglaho sa harapan ng binata. Bagamat nagtataka at tila nabago ang pag-iisip. Wala nang plano si Biel na bumalik ng Jumeda.




CHAPTER 15

Madilim na ang paligid nang matanaw ni Biel ang kinaroroonan ni Elaine. Biglang kung anong pakiramdam ang kanyang nadama. Kumabog ng mabilis ang kanyang dibdib. Saglit siyang napatigil. Iniisip kung ano ang sasabihin niya sa dalaga. Paano niya sisimulan? Matagal na silang magkaibigan ngunit ngayon lamang siya nakaramdam ng tulad nito. parang nahihiya siya. Parang gusto na niyang umatras. ‘Bahala na!’ muli siyang lumakad papalapit sa bahay na iyon. Papalapit na siya ng papalapit. Ngunit biglang nagbago ang isip at tumalikod. ‘huwag na lang!’ sa isip niya. Tutal naman ay siguradong maayos na ang pakiramdam nito. Dahan-dahan siyang lumakad palayo sa bahay .

“Biel?” tinig mula sa kanyang likuran. Tumalikod ang binata at siniguro kung tama ang kanyang narinig. Boses iyon ni Elaine. Tama. Si Elaine nga. Nakadungaw sa may bintana. Nagtama ang kanilang mga mata. Isang pilit na ngiti ang pinakawalan ni Biel. Tila natulala siya sa tinig na iyon. Saglit na nawala ang babae sa bintana at maya-maya pa’y iniluwa na ito ng pinto. “A-anong ginagawa mo dito?” tanong muli ng dalaga ng makalabas ng bahay.

“Ha? A-e…ano…” Dinig niya ang tibok ng kanyang puso. Hindi malaman ang sasabihin. “w-wala. N-nagtataka kasi ako kung bakit hindi ka nakapasok.” Halos utal na sabi ni Biel.

“At kaya ka nandito, para bisitahin ako?” nakangiti ang dalaga.

“Ganun na nga. Kamusta ka na?”

“Eto, medyo nilagnat nga ako kanina. Pero ayos na ako ngayon.” Nakangiti pa rin ito. “Halika pasok ka!” anyaya nito sa binata. “Naayy!!! Nandito si Biel!!!” sigaw nito habang lumalapit patungo sa bahay kasunod si Biel. Muli na namang kumabog ang kanyang dibdib. Ang pakiramdam na iyon ay kanina pa bumabagabag sa kaniya. Kakaibang pakiramadam ngunit hindi niya maipaliwanag.

“Bakit bigla ka yatang napasugod iho? Gabi na ah!” tanong ni Aling Fe kay Biel. Nakaupo sila sa salas ng bahay. Sina Biel at Elaine ay nasa mahabang sopa na yari sa kahoy at ang nanay naman ni ng dalaga ay nasa upuan na pang-isahan. Ang kanilang lola ay nasa loob ng kwarto at nagpapahinga.

“Nag-aalala po kasi ako kay Elaine. Ayaw na ayaw nya pong lumiban sa klase pero ngayon, wala sya. Naisip ko, baka malala ang sakit niya.” Paliwanag ni Biel.

“Hay naku, nagsakit-sakitan lang yata yan. Kita mo nga at malakas pa sa kalabaw,” biro ni Aling Fe.

“Inay naman.” Tila nagtatampong wika ng dalaga. ngunit ngiti lang ang ang isinukli ng ina.

“Dito ka ba matutulog iho?” si Aling Fe.

“Naku hindi po! Saglit lang po ako rito. Dumaan lang po ako. Kinumusta ko lang po si Elaine.”

“Naku, gabi na. mapanganib nang umuwi ngayon. Alam mo na naman yung balitang kumakalat ngayon diba?”

“At isa ako sa mga saksi dun sa paglusob ng kakaibang hayop na iyon. Ikaw din diba?” Si Elaine sabay tingin kay Biel.

“Pero mag-aalala po si inay.” Si Biel.

“Sige na, Sabado naman bukas, walang pasok.” Ani Aling Fe.

“Salamat na lang po pero kailangan ko po talagang umuwi.” Tanggi ni Biel.

“Hindi na po ako magtatagal, aalis na rin po ako.”

“Ikaw ang bahala. Sige, Elaine, ipahatid mo nalang iyan sa Tiyo Obet mo.”

“Opo inay, ihahatid ko lang muna siya sa labas.”




“O paano Biel, kita na lang ulit tayo.” Si Elaine. Nasa labas na sila ng bahay.

“Kailan ka uuwi sa inyo?”

“Baka bukas, bakit mo naman naitanong.”

“Wala naman. Kailangan bang may dahilan ang pagtatanong?”

“Natural! Kaya ka nga nagtatanong dahil may gusto kang malaman.”
Muling nagtama ang kanilang mga mata. Seryoso ang mukha ng binata. Nakatitig ito kay Elaine. Maganda si Elaine. Maputi ang makinis nitong kutis. Mapungay ang mata at matangos ang ilong. Mahaba at tila umaalon ang buhok nito sa bawat ihip ng hangin.

Katahimikan.
“Elaine,” binasag ni Biel ang katahimikang iyon. Naghihintay si Elaine sa sasabihin ng kaibigan ngunit tila walang lumalabas sa labi nito.

“Ano yun Biel?”

“Am…kita na lang tayo bukas.” Anang binata. “Nakaka-miss ka eh.” At pabirong kinurot sa pisngi ang dalaga. hindi alam ni Biel kung bakit nya nagawa iyon. Namula naman bigla ang pisngi ng dalaga. “O pa’no, alis na ako.” Dugtong niya at muli na namang bumalik ang pagkabog ng kaniyang dibdib. Kakaibang pakiramdam.

“Teka, pahatid ka kay Tiyo.”

“Wag na. salamat na lang.”

“Sigurado ka?”

“Oo naman.”

“Sandali nga pala Biel.” Pigil ng dalaga. “Kamusta na nga pala kayo nung girlfriend mo?” tanong nito.

“Girlfriend? Meron na ba?”

“Yung sinabi mong nag-alaga sa iyo nung naaksidente ka.”

“Ah, si Louisa?” napangiti si Biel. “Kaibigan ko lang yun. Wala pa akong girlfriend.” Paliwanag ng binata. “Ikaw, bakit hindi ka pa magboyfriend? Marami namang nanliligaw sa’yo ah!”

“Naku! Wala naman akong nagustuhan kahit isa sa kanila.”

“Bakit, ano ba ang tipo mong lalaki?”

“Syempre mabait. Hindi na importante ang itsura basta gagawin nya akong reyna.”

“Hari pala ang hanap mo.”

“Gagawin ko syang hari. Ikaw, ano naman ang gusto mong babae?”

“Ako, gusto ko yung simple lang.”

“Ano yun? Mahilig sumimple?”

“Simple. Katulad nyan oh!” at itinuro nito si Elaine. Muling namula ang mukha ng dalaga.

“Ano ka ba? Hoy! Hindi tayo talo noh?! Kaibigan lang tayo.”
“Ha? K-kaya nga. Sabi ko nga, gusto ko ng katulad mo. Kasi nga hindi tayo pwede.” Ngingiti ngiti lang si Biel. “O pano, alis na ako. Kita na lang tayo bukas.”

“Sige, ingat ka na lang.” at kumaway ang dalaga sa papatalikod na si Biel. Minasdan niya ito hanggang sa makalayo. Ilang hakbang lang ay lumingon ito sa likuran at muling kumaway sa dalaga bago tuluyan ng nilamon ng dilim.

‘Kainis talaga! Bakit ko ba nasabi yun?’ nasa isip ni Elaine habang papasok ng bahay. ‘Ang tanga ko talaga!’

“O bakit nakasimangot ka? Nag-away ba kayo ni Biel?” tanong ni Aling Fe ng makitang tila nagdadabog ang anak.

“Hindi po ‘nay. Muntik na kasi akong maipit ng pinto pagpasok ko eh.” Pagsisinungaling nito. “Nay!,” tawag niya sa ina.

“O bakit?”

“Ano ang tingin nyo kay Biel?”

“Si Biel? Katulad ng pagkakakilala ko sa kanya noon. Mabait na bata. bakit mo naman..” naputol ang salita niya ng makitang nakangiti ang dalaga. “Teka, kayo na ni Biel?” tila may pagkasabik na tanong ng ina.

“Hindi po nay, kaibigan ko lang po sya.”

“Wala namang masama kung maging kayo. Alam ko naman na hindi sya makakasira ng pag-aaral mo. Saka mabait naman sya. Boto ako sa kanya” nakangiti si Aling Fe.

“Talaga po?” tuwang-tuwa ang dalaga sa narinig. “Kaso, hindi naman yata ako gusto nun. Hindi nanliligaw eh.”

“Gusto mo ba sya?” hindi na sumagot ang dalaga. ngumiti na lang ito sa ina at tuloy tuloy na sa kwarto. Naiwang iiling-iling si Aling Fe.


BINABAYBAY ni Biel ang daan pauwi sa anyo ng isang lawin. Humahanga siya sa tanawin na kanyang nakikita mula sa himpapawid. Hindi naging hadlang ang dilim upang hindi niya matanaw ang mga iyon. Lumipad pa siya ng mas mataas at dinama ang hanging humahalik sa kanyang mukha. Aaaahhhh!!! Kalayaan! Humiga, tumagilid at paikot ikot habang nasa himpapawid. Nang biglang kumabog ang kanyang dibdib. Kakaibang pakiramdam. Hindi niya naiintindihan iyon. Minsan na niyang naramdaman iyon bago siya tamaan ng tirador ni Buboy. Marahil ay may panganib! Saglit siyang napaisip. Tiningnan ang paligid ngunit wala siyang kasabay sa paglipad. Dahan-dahan siyang bumaba. Hindi pa rin naalis ang pakiramdama na iyon. ‘Uuwi na lamang ako’ sa isip niya at biglang binilisan ang paglipad. Mula sa kalayuan ay tanaw niya ang kanilang bahay. Maraming tao doon. Nagtumpok-tumpok ang mga kapitbahay. May natanaw rin siyang mga pulis. Lalong bumilis ang kabog ng kanyang dibdib. Dinig niya ang pagtibok niyon. Mula sa kalayuan ay dumapo siya sa isang puno. lumingon-lingon sa paligid bago lumipad paibaba sa lupa ngunit bago pa nakalapag ay anyong tao na muli ito. Patakbo niyang tinungo ang bahay.
Sumiksik siya sa nagkakagulong kapitbahay. Nagbubulungan sila. Ang iba’y nagtanong pa kay Biel ngunit hindi yata ito narinig ng binata. Nasa loob ng bahay ang atensyon niya hanggang sa makalapit siya doon. Una niyang nakita si Alvin sa may pinto. Malungkot ang mukha nito at nagulat ng makita ang papalapit na kaibigan.

“Bakit ngayon ka lang?” anito kay Biel. Maluha-luha ang mga mata ni Alvin at tila di mapakali.

“Bakit anong nangyari?” ganting tanong ng binata ngunit hindi na ito sinagot ni Alvin. Itinuro na lamang nito ang loob ng bahay. Agad namang tiningnan iyon ni Biel at tila binuhusan ng malamig na tubig sa nakita. Magulo ang mga gamit ng buong kabahayan. Tila dinaanan ng malakas na hangin. Sira-sira ang mga kagamitan. Nakahandusay ang kanyang ina sa may salas. Duguan ito. Agaw-buhay. Nasa tabi nito si Buboy. Umiiyak. Patakbong tinungo ni Biel ang kanyang ina. Lumuhod sa harap nito.

“Inaaay??!!!” walang nang ibang lumabas sa bibig ni Biel. Maya-maya lang ay pumasok na ang dalawang pulis bitbit ang stretcher. Nagmamadali ito. mabilis na isinakay si Aling Divina at dinala sa ambulansya. Hindi iniwan ni Biel ang ina. Katabi nito si Buboy sa gilid nito na patuloy pa rin ang pag-iyak.

“Inay, patawarin mo ako…hindi ko dapat kayo iniwan.” Umiiyak si Biel habang hawak ang kamay ng ina. Nasa loob sila ng ambulansya.

“B-Biel,…. anak,” kapos ang hiningang sabi ni Aling Divina. Pilit na ngumiti ito.

“W-wala k-kang k-k-kasalanan…” huminga ng malalim “B-Biel, s-sa ilalim ng tukador,…m-may kahon doon…at….” Iyon na ang huling salitang binitiwan ng ina ni Biel. Pumikit na ang mga mata nito at humigpit ang pagkakakapit sa kamay ng anak.

“Inaaayy!!!” halos sabay na sumigaw ang magkapatid.

“Ipaghihiganti ko ang inay…” hihikbi-hikbing sabi ni Buboy.

“Sinong may gawa nito Buboy? Sinoooo???”

“Isang higanteng aso!” anito. “Dapat hindi ka na lang umalis! Buhay pa sana ang inay.”

“Patawarin mo ako Buboy. Hindi ko…”

“Pinabayaan mo kami! Hinayaan mong mangyari sa amin ito!!!” pilit na sumisigaw si Buboy sa kabila ng malakas na pag-iyak. “Hirap na hirap ang inay. Matagal ang pag-atake ng halimaw na iyon.” Umiiyak pa rin si Buboy. “Hindi namin nakuhang tumakbo dahil nakaharang ito sa daanan namin. Hindi naman ito makalapit dahil may hawak ng itak si inay.” Tumigil sandali at tumingin sa ina. “Ako sana ang lalapain ng halimaw…..Humarang lang sya. Ilang ulit kong tinawag ang pangalan mo kuya!!!! Asan ka???!!!” may galit ang tinig na iyon. Nakayuko lang si Biel. Hindi malaman ang sasabihin. “Pati ang mga kapitbahay ay nagbingi-bingihan lang. walang tumulong sa amin…” medyo humina na ang tinig ni Buboy. “kitang kita ng dalawang mata ko kung paano sunggaban ng halimaw na iyon ang inay. Pinatakbo nya ako ngunit hindi ko magawa. Parang napako ang mga paa ko. wala akong nagawa poara ipagtanggol ang inay. Sinubukan kong tiradurin, akala ko masasaktan, pero lalo lang nagalit iyon, binitiwan ang inay at humarap sa akin. Humandusay na lamang si inay sa sahig. Hindi ko alam kung bakit nalusaw bigla ang halimaw at naging abo. Siguro, dahil sa tirador ko.” nanghihina si Buboy sa kaiiyak. Malalim ang iniisip ni Biel. Ngayon niya napag-isip isip ang pagkabog ng kanyang dibdib sa simula pa lang ay nagbabadya na ng panganib. Bago pa man niya makita si Elaine, naramdaman na niyang mayroong nangyayari. Naiisip niya ngayon ang Jumeda. Si Ameesha. At ang mga fulva.





CHAPTER 16

“Ang dahon ni Raima!!!” ani Biel sarili. “Tama! Ito ang magpapagaling sa inay!” biglang nabuhayan ng loob ang binata. May pag-asa pa. kailangan niya ang dahon na nakagagamot ng kahit na anong karamdaman. Kailangan niyang makuha iyon.

“Buboy, patawarin mo ako! Pero wag kang mag-alala” anito sa kapatid. “Ibabalik ko ang buhay ni Inay! Pangako yan!” ngunit hindi umimik ang kapatid.

”Pangako!”

UMAGANG UMAGA. Inihanda ni Biel ang sarili para sa kanyang paglalakbay. Inihabilin niya ang lahat kay Alvin. Mahigpit din niyang ibinilin na huwag gagalawin ang kanyang ina. kinausap niya rin ang kapatid ngunit hindi ito kumikibo sa kanya. Naiintindihan naman niya ito. Masakit para sa kanya ang nangyari. Masyado pa itong bata para intindihin ang lahat.

Dumaan siya sa bahay at hinanap ang kahon na sinasabi ng kanyang ina. bagamat may katagalan niyang hinanap ay nakita niya iyon. Isang maliit na kahon. Kulay itim. Dahan dahan niyang binuksan iyon. Namangha siya sa kanyang nakita. Mga larawan nung kanyang kabataan. Isa isa niyang tiningnan iyon. Tinawag ang kanyang pansin ng isang larawan. Ang kanyang ama. May katabi itong isang babae ngunit malabo ang kanyang imahe. May bitbit itong sanggol. At ang kutob niya’y siya ang sanggol na iyon. Pilit niyang iniisip at niliinaw sa kanyang paningin kung sino ang babaeng iyon ngunit hindi niya ito mamukhaan. Ngunit isa lang ang kanyang napansin. Ang suot na damit nito ay kakaiba. Kulay rosas at makintab. Tila kumikinang. Tila mula sa Jumeda! Sa ilalim ng mga larawan ay mayroong isang liham at dali-dali niya itong binasa.

Mahal kong Biel,

Alam kong darating ang araw na mangyayari ito at malalaman mo ang tunay mong pagkatao. Kalakip ng liham na ito ang mga larawan ng iyong pagkabata. At nariyan rin ang larawan ng tunay mong ina. Oo, Biel, hindi ako ang tunay mong ina. Ngunit ganun pa man, hindi kita itinuring na ibang tao. mahal kita bilang isang tunay na anak. Alam kong masakit para sa iyo na malaman ito sa ganitong paraan. Patawarin mo sana ako dahil hindi ko ito masabi sa iyo ng harapan. Natatakot akong hanapin mo ang tunay mong ina at iwanan kami ng iyong kapatid.
Wag kang mag-alala kay Buboy, iisa lamang ang inyong ama. Marahil ay may sama ka ng loob sa iyong itay dahil iniwan nya tayo,. Pero Biel, intindihin mo na lang sya. Ginawa nya iyon para sa kapakanan ninyong magkapatid. Wag ka sanang magalit sa amin sa nagawa namin sa iyo. Ngayong alam mo na ang lahat. Panahon na para ilayag ang iyong isip at hanapin ang tunay mong pagkatao.
Inuulit ko, patawad anak!

Lalong nalito ang isip ni Biel. Lalo siyang nagkaroon ng pagnanasang marating ang Jumeda. Ang kutob niya’y naroon lahat ng kasagutan. Ang kakaibang kasuotan ng babae sa larawan. Ang dahilan kung bakit sa dami ng tao’y siya pa ang napiling bigyan ng kapangyarihan. Ang dahilan kung bakit inilihim ng kanyang magulang ang tunay niyang pagkatao at ang pag-iwan sa kanila ng kanyang ama. Kailangan niyang malaman ang lahat. Kailangan niyang ihanda ang sarili sa pag-alis. Muli niyang tiningnan ang larawan at tila may kumurot sa kanyang puso sa isang larawan. Nakangiti ang kanyang ama habang kalong ang isang sanggol. Meron ding larawan na tila nilalaro siya ng kanyang ama.

MABILIS na binaybay ni Elaine ang daan patungo sa tahanan ni Biel. Kagabi pa niya nabalitaan ang sinapit ng ina ni Biel at gusto niyang puntahan ngunit hindi lang siya pinayagan ng kanyang ina at mga kamag-anak dahil mapanganib nga doon. Kaya kahit hindi pa gaanong sumisikat ang araw ay nagpahatid na sya sa kanyang tito kahit hanggang sa bayan lang. nag-aalala siya ng lubos kay Biel. Sinisisi pa niya ang sarili. Kung pumasok lang siya kahapon sana ay hindi na siya pinuntahan ni Biel. Magkakasama sana silang mag-iina.

ANG BALITA ay kumalat sa buong bayan. Nakarating ito kila Mang Arnulfo kaya’t maaga pa lang ay gumayak na sila para magtungo sa bahay ni Biel. Nais nitong makiramay sa sakit na nararamdaman ng binata. Kasama si Louisa, nagmamadali silang nagpunta kay Biel.

“Biel!” ani Louisa ng makita ang binata sa labas kanilang bahay. Agad itong yumakap sa binata at umiyak. “ikinalulungkot ko ang nangyari sa iyong inay.”

“Ano ang plano mo Biel? Ipaghihiganti mo ba ang iyong inay?” si Mang Arnulfo.

“Pupunta ako sa Jumeda. Pero hindi dahil sa nais kong maghiganti.” sagot ng binata. “Nais kong humingi ng mahiwagang dahon kay Raima upang mapagaling ang inay.” Dugtong nito. Nasa harap nito si Mang Arnulfo habang nakayakap naman si Louisa kay Biel. Ito ang bumulaga kay Elaine at ikinagulat niya ito.

“B-Biel?” si Elaine. Nagulat ang binata. Ngunit tila wala lang iyon kay Louisa. Hindi ito umalis sa pagkakayakap sa binata. Hindi malaman ni Elaine kung awa o pagkainis ang mabilis na pagtibok ng kanyang puso.

“E-Elaine?” ani Biel.

“Isang, hayaan mo muna silang makapag-usap” ani Mang Arnulfo na tila nakaramdam sa nangyayari. Lumayo naman si Louisa sa binata at lumapit sa ama.

“Elaine” pabulong na nasabi ni Biel habang lumalapit sa dalaga. lumapit din ito sa kanya at yumakap. Umiyak ang dalaga ngunit hindi niya alam kung bakit. Bigla na lamang tumulo ang kanyang luha.

“Kailangan kong umalis.” Anang binata

“Saan ka pupunta?”

“Mahirap ipaliwanag Elaine.”

“Panahon na siguro para malaman niya ang lahat Biel.” Ani Mang Arnulfo. Tumingin dito ang binata at waring sumang-ayon. Bumitiw ito sa pagkakayakap at umatras ng bahagya.

“Elaine. Patawarin mo ako dahil pinaglihiman kita.”

“Anong ibig mong sabihin?”

Lumayo ng bahagya si Biel. Tumingin sa buong paligid at huminto ang paningin kay Elaine. Unti unti itong nagpalit ng anyo. Isang dambuhalang leon. Halos hindi makapaniwala ang dalaga sa nasaksihan. Tulala ito at at tila napako sa kinatatayuan. Muling nag-anyong tao si Biel at lumapit kay Elaine.

“Kaya kailangan kong umalis. Nais kong isugal ang aking buhay upang maibalik ang buhay ng inay. Pupunta ako sa mundong hindi nararapat para sa akin.” Saglit na sumulyap kina Mang Arnulfo at muli’y kay Elaine. “Sila na ang magpapaliwanag ng lahat. At kung nahihiya kang makinig sa kanila’y, si Binong na lang ang tanungin mo.” Tumalikod ito at humakbang palayo. “Kailangan ko nang umalis.” Anito ng walang tingin sa kausap.

“Teka Biel,” pigil ng dalaga na naguguluhan sa nangyayari. May tonong pagtatampo ang tinig nito. “Ibig sabihin, alam nilang lahat at ako lang ang pinaglihiman mo?” napatigil ang binata. Humarap kay Elaine.

“Patawarin mo ako Elaine. Saka ko na ipapaliwanag ang lahat“ at muli itong tumalikod. Nakita niya ang reaksyon ng mukha ni Elaine. Nagtatampo iyon ngunit wala na syang panahon para magpaliwanag. Tumatakbo ang oras. Mag-papalit na sana siya ng anyo ngunit napigil iyon sa huling salita ni Louisa.

“Mag-iingat ka Biel…..mahal kita!”

Nagulat si Elaine sa tinuran ni Louisa. Nangingilid ang luha sa kanyang mata. Matabang na ngiti ang iginanti ni Biel at biglang nag-anyong lawin at mabilis na lumipad paitaas. Naiwang tulala si Elaine at si Mang Arnulfo. Samantalang tila napahiya si Louisa sa kanyang tinuran at tumakbong palayo.





CHAPTER 17


Mabilis na binaybay ni Biel ang daan patungo sa Jumeda. Bagamat hindi niya kabisado ang daan ay hinayaan niyang ang kapangyarihan ng lawin ang magturo sa kanya. At matapos nga ng ilang sandali’y napasok niya ang makapal na ulap. Patuloy ang kanyang paglipad hanggang matanaw niya ang munting isla. Ang Jumeda. At tulad ng dati, doon siya sa may gubat nagdaan. Mababa lamang ang kanyang paglipad at hindi siya lumalampas sa mga puno. Maliksi niyang iniiwasan ang mga sanga. Taas baba ang kanyang paglipad nang bigla siyang sumalpok sa isang bagay. Bumagsak siyang pasadsad sa lupa. Mahilo-hilo siyang bumangon.

“Ikaw marahil ang tagapagbantay.” Anang tinig sa kanyang likuran. Nag-anyong tao si Biel. Nagtataka ito. humarap sa pinagmumulan ng tinig at tumambad ang isang lalaki. Matipuno ang pangangatawan nito at kumikinang ang kasuotan.

“Sino ka? Bakit kilala mo ako?” tanong ni Biel. Lumapit ng bahagya ang lalaki.

“Ako si Roshnan. Alagad ni Ameesha.” Nagulat si Biel sa sagot na iyon ng binata.

“Ikaw ang tagapag-bantay diba?” tumango lamang si Biel. “At pupunta ka kay Freya?” muling tumango si Biel.

“Nagmamadali ako!” bigla’y nag-anyong lawin si Biel at lumipad. Ngunit isang malakas na hangin ang pumigil sa kanya. Hindi siya makasulong.

“Hindi ka makaaalis!” anang binata. Muling nag-anyong tao si Biel.

“Ano bang kailangan mo sa akin?”

“Simple lang.” lumapit muli ito sa kanya. “Ang umanib sa amin.” At ngumiti ito.

“Hindi maaari. Hindi mo alam ang ipinaglalaban mo!”

“Ipinaglalaban? Bakit? Alam mo na kung ano ang ipinaglalaban mo?” natahimik si Biel. “Bakit hindi ka na lang sumapi sa amin?”

“Hindi ko magagawa ang gusto mo!”

“kung ganun…tatapusin kita!!!” biglang umihip ang napakalakas na hangin. Lumutang ang lalaki. Itinapat ang hintuturo kay Biel at naglabas ng pwersa.

PSSK!

Tumagilid ng bahagya si Biel upang iwasan iyon ngunit huli na para maiwasan niya iyon. Dumaplis sa kanyang braso ang nakasusugat na hangin.

“Ha ha ha…tikim pa lang yan!” anang lalaki. “Tanggapin mo ito!!!“ sunod-sunod ang paglabas ng matatalas na hangin sa kanyang daliri. Nagpagulong-gulong si Biel sa lupa upang makaiwas sa pwersang iyon.

Biglang nawala sa paningin ng lalaki si Biel. Nagtaka ito. nilibot ng paningin ang paligid. Nang walang makita’y nagpakawala ng malakas ng hangin. Isang ipo-ipo. Paikot-ikot ito sa kinaroroonan kanina ni Biel. At sa isang sandali pa’y isang gagamba ang sumama sa hangin. Paikot-ikot iyon at biglang nagpalit ng anyo. Si Biel.

“Ha ha ha! ‘yan lang ba ang nagagawa ng tagapagbantay? Napakahinang nilalang!!!” ani Roshnan habang paikot-ikot si Biel.

Ang hangin ay nagpalit ng direksyon. Dumiretso ito at ipinalo si Biel sa malaking
punongkahoy. Pumalo ang likod ni Biel sa katawan nito bago bumagsak sa lupa.

“Ano, tagalupa, hindi ka pa rin aanib sa amin?” may pagmamalaki ang boses ni Roshnan. Hirap man ay pilit na tumayo si Biel. Masakit ang kanyang likod.

“Buksan mo ang isip mo. Hindi mo alam ang ginagawa mo!” ani Biel. Bigla itong naging lawin at mabilis na sinugod ang lalaki. Mabilis namang kumilos si Rishnan at pinaulanan niya ng matatalas na hangin si Biel. Sunud-sunod ngunit naiiwasan naman iyon ng lawin. Papalapit na siya ng biglang ibinukas ni Roshnan ang kanyang palad at nagpakawala ng napakalakas na hangin dahilan upang mawalan ng kontrol at tumilapon pabalik ang lawin. Muling sumadsad ito sa lupa. Tumayo ito at muling nagpalit ng anyo. Isang kabayo. Mabilis na tumakbo at sinugod ang kalaban. Nakangiti lang iyon, hindi gumawa ng anumang hakbang. Hinihintay ang paglusob ng kabayo. Madali lang para sa kanyang patalsikin ito. nang malapit na ang kabayo ay bigla itong naging elepante. Nagulat si Roshnan. Binuksan ang palad at nagpakawala ng isang malakas na hangin ngunit hindi natinag ang elepante. Tuloy-tuloy ito sa pagtakbo hanggang marating ang lalaki. Nang makalapit ay naging leon ito at dinambahan si Roshnan. nagulat ito at tila natulala. Napahiga ito sa lupa at napailalim sa leon. Ngunit muli itong nagpakawala ng matalas na hangin at tinamaan sa may bandang tiyan ang leon. Napaatras ito sa sakit. Duguan ang tiyan nito. bumangon si Roshnan.

“Tagalupa. Dapat siguro’y alamin mo ang dahilan ng aming panig. Huwag kang magpabulag sa kabaitan ni Freya. Maraming tuso dito sa Jumeda.” Namewang pa ito. “Palalagpasin ko ang pagkakataong ito. magkikita pa tayo tagalupa” at bigla itong umikot ng mabilis at naging ipo-ipo at tuluyan nang nawala sa paningin ni Biel. Naiwan siyang nanghihina. Muling naging lawin sa kabila ng pagdudugo ng kanyang tiyan at braso, at ipinagpatuloy ang paglalakbay.




CHAPTER 18

“Bakit, Binong? Bakiiit???” bungad ni Elaine kay Alvin nang madatnan niya ito sa ospital. Nangingilid ang kanyang luha.

“Huh? Anong problema mo?” gulat na tanong ng binata.

“Bakit kailangan nyo akong paglihiman, samantalang alam na palang lahat ng babaeng yun!!!” tuluyan nang tumulo ang luha ng dalaga.

“A-Anong ibig mong sabihin?”

“Inamin na sa akin ni Biel ang tungkol sa katauhan nya.” Tumigil pansamantala “At sa harapan pa ng babaeng iyon….nagmukha akong tanga Binong alam mo ba yun?”

“Ssshhh…baka may makarinig sayo” sagot ng binata at itinuro ng nguso si Buboy na natutulog katabi ng walang malay nyang ina. Si Aling Divina. Hanggang ngayon ay wala pa itong kibo. Inalalayan ni Alvin ang dalaga papunta sa labas at umupo sa may upuang nasa gilid ng sementadong dingding. “O, ngayon mo ipaliwanag ang lahat.”

“Kanina kasi, nagpunta ako sa bahay nila Biel. Pagdating ko dun, naabutan kong magkayakap sila nung babaeng yun”

“Si Louisa?”

“Oo.” Sagot ng dalaga. “At ayun, inamin nya ang lahat tungkol sa katauhan nya…kung hindi pa sinabi nung tatay nung Louisang iyon.”

“Alam mo na pala lahat?”

“Hindi pa. ipinakita nya lang sa akin ang pagbabagong anyo nya. Tapos sabi nya, kung may tanong daw ako, sina Louisa na lang daw ang magpapaliwanag…..Ano ako, tanga! Bakit ko naman kakausapin yun eh…“

“E ano?”

“E, hindi naman ako kinakausap nun?”

“Sino ba sa inyo ang hindi namamansin?”

“Kinakampihan mo ba sya?”

“Bakit, inaaway mo ba sya?”

Katahimikan.

“Sabi pa ni Biel,” si Elaine. “kung nahihiya daw akong magtanong sa kanila…sa iyo ko na lang daw itanong.” Tumingin kay Iko. “Bakit kailangan pang ilihim nyo sa akin? Hindi ba kaibigan ang turing nyo sa akin? Matagal na tayong magkakakilala di ba?”

“Ganito kasi yun Elaine….” Sagot ni Alvin. “Hindi naging maganda ang pagtanggap ni Biel sa kapangyarihang ibinigay sa kanya.” Umiwas ng tingin sa dalaga. “Hindi rin alam ni Biel kung paano sasabihin sa iyo. Baka kung ano ang maging reaksyon mo. Alam nyang marami kang itatanong at hindi pa handang sumagot ni Biel dahil kahit siya ay nahihiwagaan pa rin.” Muling tumingin sa dalaga. “Hindi pa niya kilala ang sarili nya. Hindi nya alam kung ano at saan nya uumpisahan ang pagtuklas….ngayon, kung sasabihin nya sa iyo, lalo lang syang maguguluhan dahil alam nyang mag-aalala ka sa kanya.”

“E bakit sinabi nya sa iyo? At dun sa babaeng iyon?”

“Hindi nya talaga gustong sabihin sa akin. Nabuking kasi siya. Nakita ko ang pagopapalit anyo nya kaya napilitan siyang aminin.”

“E sina Louisa?”

“Ganito kasi yun….” Lumapit ng bahagya si Alvin kay Elaine at hininaan ang boses. Sinimulan niya ang kwento tungkol kay Biel mula doon sa matandang babae na iniligtas niya.

“Ano, naliwanagan ka na?” ani Alvin matapos ang mahaba-habang pagsasalaysay niya.

“Naguguluhan pa ako pero…”

“Pero ano?”

“Binong, hindi kaya nakakahiya yung reaksyon ko kanina kay Biel? Naging makasarili kasi ako. Namomroblema na nga si Biel, dumagdag pa ako”

“Huwag kang mag-alala. Alam kong maiintindihan ka nya.”

“Sigurado ka?”

“Kilala ko si Biel…..matanong ko nga pala…”

“Ano yun Binong?”
“Mahal mo na si Biel?”

“Oo naman. Kayong dalawa. Kaibigan ko yata kayo.”

“Hinde…hindi yun ang ibig kong sabihin..” tumingin sa dalaga. “Mahal mo ba sya nang mahigit pa sa isang kaibigan? bilang kabiyak ng puso mo?” natigilang si Elaine. Namula ang kanyang mukha.

“H-ha? Ah eh….”

“Atin atin lang Elaine….pangako hindi ko sasabihin kahit kanino”

“Talaga?” tumango ang binata sa tanong ni Elaine.

“Ang totoo nyan Binong, nung una ko pa lang sya nakilala…iba na yung naramdaman ko sa kanya.” Tila nahihiyang sabi ni Elaine. “Mabait kasi sya, masayahin,”

“At gwapo?” dugtong ng binata sa sinasabi ni Elaine.

“M-medyo.”

“Ha ha ha…mas gwapo ba kesa sa akin?”

“Binong naman, puro ka biro. Syempre noh?”

“Aray!”

“Pero seryoso Binong, sa tingin mo kaya, magugustuhan kaya ako ni Biel? Ano ba yung tipo niyang babae? Ano pa bang dapat kong gawin para magustuhan niya ako?”

“E kung sya na lang kaya ang tanungin mo? Ewan ko ba sa lalaking yun. Tumanda na’t lahat, wala pa ring nagiging gelpren.”

“Kahit isa?”

“Kahit kalahati!” at ngumiti pa ito sa dalaga.

“Bakit ikaw, nagkaroon ka na ba?”

Biglang natahimik si Alvin. Nalungkot ang kanyang mukha. Napansin agad iyon ni Elaine.

“Bakit Binong, may nasabi ba akong masama? Sorry ha?”

“H-ha? Wala…wala yun…”

“Bakit nga pala hindi ka nagkukwento sa amin tungkol sa naging girlfriend mo?” may panunudyong tanong ni Elaine.
“Wag na! baka mapaiyak pa ako sa harap mo.”At nagpakawala ito ng matabang na ngiti.

“Bakit?”

Tahimik.

“Kamusta na nga pala si Aling Divina?”
“Naku, malubha ang kagayan nya. ‘Comatose’ daw, sabi ng doktor. Dahilan sa matigas na bagay na tumama sa bungo nito at naging sanhi ng pagkasugat sa kanyang utak. Hindi sigurado ang mga doktor kung makakaligtas pa ito. kung mabuhay man ay siguradong para itong isang lantang gulay. Akala nga namin, patay na sya. Buti na lang at nailigtas siya ng doktor at naibalik yung tibok ng puso nya.”

“Naku, siguradong alalang-alala si Biel ngayon. Sana ay magtagumpay siya sa pinaplano nya.”


“Kuya Binong! Kuya Binong!” tinig mula sa loob ng kwarto. Si Buboy. Nagulat ang dalawa. Mabilis na tumayo si Binong at pumasok sa loob. “Ang inay!”

Lumapit si Alvin kay Aling Divina at nagulat ito sa nakita. Hindi man nya alam kung anong kagamitan na parang maliit na telebisyon ang nasa ulunan ni Aling Divina ay nakatitiyak siya sa ibig sabihin noon. Ang kaninang guhit na tila tumatalon-talon, ngayon at isang tuwid na guhit na lamang. Alam nya. Wala nang buhay si Aling Divina.

“Tawagin mo ang doktor!” ani Elaine sa tila natulalang si Alvin. Nagulat naman ito at biglang lumabas at pasigaw na tumawag ng doktor.




CHAPTER 19


Ilang saglit pa’y narating ni Biel ang kaharian ni Freya. Duguan siyang lumapag sa tuktok ng palasyo. Mabilis naman siyang tinulungan ng mga alagad doon at dinala sa reyna. Binigyan kaagad siya ng mahiwagang dahon ni Raima at dagling gumaling ang kanyang mga sugat.

“Kamusta ka Biel?” tinig ng reyna pagbukas ng mga mata ng binata. Nakahiga siya sa sahig ng palasyo. Nakapaligid sa kanya ang ilang alagad at si Freya.

“Mabuti na po ang kalagayan ko.” at dahan-dahan syang tumayo. Inalalayan pa siya ng ilang alagad. Nakita niya sina Raima, Iko at Mallika sa kanyang pagtayo.

“Maligayang pagbabalik Biel.” Nakangiting bati ni Iko.

“Hanggang ngayon, lampa pa rin” nakairap na sabi ni Raima.

“Maghanda ka na para sa darating na paglusob Biel, mahaba-habang labanan to!” ani Mallika. “Ang nakalaban mo ay si Roshnan. ang may hawak ng kapangyarihan ng hangin!”

“Paano nyo nalaman?” nagtataka ang binata.

“Sa itsura ng sugat mo.” Sagot ni Freya. “tanging ang hangin lamang ang may kakayahang gumawa ng ganyang sugat.”

“Kaya mag-iingat ka sa susunod. Huwag kang lalampa-lampa” si Raima.

“Bukas, sa ikalimang paghawi ay sisimulan na natin ang paglusob!” si Freya.

“Pero may ipapakiusap lang sana ako” nakatingin si Biel kay Freya.

“Ano yun Biel?” sagot ng reyna.

“Sinalakay po kasi ng fulva ang aming bahay at nalagay sa panganib si Inay. Nais ko po sanang humingi ng mahiwagang dahon para mabuhay siyang muli.”
Katahimikan.

“Hindi basta-basta ang hinihiling mo Biel.” Ani Raima. “Tanging ang mga nasasakupan lamang ni Freya at ang mga alagad nito ang maaring bigyan ng pahintulot na gumamit ng varka.” Dugtong pa nito.

“Nakikiusap ako Raima.” Pagmamakaawa ni Biel.

“Hindi maaari!”

“Pagbigyan mo na Raima.” Tinig ni Freya. “Hindi na ibang tao sa atin si Biel.”

“Pero iyon ay paglabag sa kautusan Freya.! Ako ang may hawak ng varka kaya’t ako ang nakakaalam ng lahat at ako ang masusunod!” matigas na tinig ni Raima.

“Ako pa rin ang reyna.” Malumanay na sagot ni Freya. “Kung ang kapalit nito ay ang pag-aalay ng buhay ni Biel para sa kaharian……hindi nakapanghihinayang na tulungan siya.”

“Gagawin ko po lahat ng aking makakaya. Susundin ko po lahat ng inyong ipinag-uutos” ani Biel.

“Kung ganon….Raima…ibigay ang hinihiling ng tagapagbantay ngayon din!!!”matigas ang tinig na iyon. Walang nagawa si Raima kundi bigyan si Biel ng dahon. Nakasbit ito sa tali na tila isang kwintas at madali itong inilagay sa leeg ni Biel.

“Marami pong salamat! Maari po ba akong bumalik muna sa aming mundo upang maibigay ko ito sa aking inay?” paalam niya kay Freya.
“Paano naman namin matitiyak na babalik ka dito?” tanong reyna.
“Tumutupad po ako sa aking mga ipinapangako anuman ang mangyari.” Sagot ni Biel.

“Hindi sapat ang salita lamang, tagalupa!” si Raima.

“Sasamahan ko sya!” si Iko.

“Kung ganon, sige, humayo ka at isama mo ang tagamasid.” Anang reyna.

“Salamat pong muli.” Sagot ng binata at sinenyasan si Iko. nakuha naman ito ng binata at bigla itong nag-anyong paniki. Si Biel naman ay nag-anyong lawin at sabay silang lumipad palayo sa palasyo.

Muli silang dumaan sa gubat lumipad ng mababa. Tahimik ito ngayon. Parang walang fulvang nais gumambala sa kanila. Mas lalong binilisan ni Biel ang paglipad at humarap sa kinaroroonan ni Iko na nasa kanyang likuran. Pansamantalang dumapo sa isang sanga at nag-anyong tao habang paparating si Iko.

“Ang bagal mo naman!” anito. “Sige mauna ka ng kaunti at hahabulin kita.”
Biglang binilisan ng paniki ang paglipad. Dumaan ito sa mga gilid ng punongkahoy. Lumusot sa mga sang nito na tila nasa isang puzzle. Napangiti si Biel at tila nasabik sa nais iparating ni Iko. Muli itong naging lawin at binaybay ang daan na dinaanan ng paniki. Nilingon siya ni iko at ng makitang papalapit na ay nagbago ito ng direksyon. Mas mababa ito at halos sumayad na sa lupa. At nang makalayo ay muling tumaas at umiwas sa mga sanga ng puno. sinundan naman ito ni Biel. Para silang mga batang naglalaro ng habulan.

Biglang umiba ng direksyon si Biel. Lumiko ito sa kanan at muling sumulong. Nasa kabilang panig siya ng gubat ngunit kasabay niya sa paglipad si Iko. Nang maramdam ng paniki na walang sumusunod sa kanya ay saglit itong tumigil sa ere. Humarap sa likod ngunit wala si Biel sa kanyang paningin. Bigla’y nagulat siya ng banggain siya ng isang lawin. Munitk na itong bumagsak sa lupa. Mulng lumipad ang lawin at sumunod naman si ang paniki. Siya naman ngayon ang umiwas sa mga sanga. Taas-baba, kaliwa’t kanan. Nilingon niya ang paniki at nakita itong tila nahihirapang humabol sa kanya. Binagalan ng kaunti ng lawin ang paglipad at hinintay ang paniki. May katagalan ang paglapit nito. muli niyang itong nilingon ngunit wala siyang nakitang paniki sa likuran. Biglang bumilis ang tibok ng kanyang puso. Kakaibang pakiramdam. Kabisado na nya iyon. May panganib na paparating. Wala ang paniki sa kanyang paningin. Nag-alala ito at bumalik. Hinanap ang paniki. Umikot sa may malaking puno. binabaan ang paglipad ng biglang humarang sa kanyang daanan ang isang tao. Nagulat siya at bumangga sa bandang dibdib nito. bumagsak siya sa lupa at biglang nag-anyong tao.

“Ha ha ha” tinig ng lalaki. “Natakot ka ano? Ha ha ha”

“Hindi nakakatawa Iko!”
“Ha ha ha natatawa ako eh! Ha ha ha” patuloy nito. “Sabi ko na nga ba’t babalik ka. Ha ha ha!”

“Tara na! iba ang nararamdaman ko!”
“Ako rin. Masakit ang tyan ko sa katatawa! Ha ha ha” patuloy pa rin si Iko ng biglang umapoy sa bandang paanan niya. Nagkatinginan sila at nagtaka kung saan nanggaling iyon. Nilibot ng paningin ang paligid ngunit wala silang nakita. Mula kung saan at isang bolang apoy ang papalapit sa may likuran ni Biel. Nakita iyon ni Iko.
“Biel, Dapa!” biglang tumalikod si Biel at nagulat sa papalapit na bolang apoy. Maliksi niyang inilagan iyon at bumagsak sa may paanan ni Iko.
“Si Sharukh!” ani Iko.
“Ha?” nagtakataka si Biel.

“Hahaha!! Kilala mo pala ako Iko!” sinundan ng kanilang paningin ang tinig na iyon na nagmumula sa itaas ng puno. tumamabad sa kanila ang isang lalaki na makintab ang kasuotan at kulay ginto. Tumalon ito at bumagsak sa pagitan nila.

“Sino sya?” tanong ni Biel.

“Si Sharukh. Alagad ni Ameesha. Ang may hawak ng kapangyarihan ng apoy!” sagot ni Iko. walang imik ang lalaki sa pagitan nila.

“Muli tayong nagkita Iko. kamusta ka na?” humarap ito kay Iko at nakatalikod kay Biel. “Sunud-sunuran ka pa rin ba sa iyong makasariling reyna? Wala pa ring kalayaang gawin ang ninanais mo?” nagpakawala ito na nakaiinsultong ngiti.

“Nagkakamali ka Sharukh. Si Ameesha ang makasarili.” Sagot ni Iko.

“Hahaha! At binulag na rin pala ni Freya ang paniniwala mo! Kaawa-awang nilalang.”

“Bakit ba kailangan pang magkagulo ang lahat? Bakit hindi na lang kayo magkasundo? Tutal, magkapatid naman angmga reyna nyo.” Singit ni Biel. Humarap ang lalaki sa kanya.

“At ano naman ang alam mo tagalupa? Wala kang ibang gagawin kundi sundin ang utos ng walang kwentang reyna nyo hindi ba?” tanong ni Sharukh.

“Huwag mong insultuhin ang aming reyna!” at biglang sumugod si Iko ngunit naunahan ito ni Sharukh. Nagpakawala ito ng isang maliit na bolang apoy at tumama sa dibdib ni Iko. humagis itong palayo. Bigla niyang hinarap si Biel ngunit wala na ito sa kanyang harapan. Nilibot niya ng tingin ang paligid ngunit wala siyang nakita. Bigla’y papalapit ang lawin sa kanyang ulunan. Naramdaman niya iyon at itinaas ang kamay at nagpakawala ng bolang apoy. Gumuhit iyon sa hangin. Naiwasan ni Biel. Lumipad ang lawin paikot sa lalaki habang patuloy ang paglabas ng apoy sa kamay ni Sharukh at hinahabol ang lawin. Ang bawat tamaan ng apoy ay nagliliyab. Punung-puno na ng usok ang paligid at tinatangay iyon paitaas ng hangin. Si Iko ay nakahiga pa rin sa di kalayuan. Sunog ang dibdib at naghihina. Alam ito ni Biel ngunit hindi ito makababa upang tulungan ang kaibigan.

Biglang bumulusok paibaba ang lawin sa direksyon ni Sharukh. Itinutok naman nito ang kamay sa lawin at nagpakawala ng isang mahabang linya ng apoy. Iniwasan iyon ng lawin habang patuloy ang pagbulusok nito sa lalaki hanggang sa makalapit ito. ilang dipa na lamang ang layo nito sa lalaki ngunit bigla nitong iginalaw ang kamay patungo sa direksyon ng lawin. Nakaiwas man si Biel ay ramdam nito ang init sa kanyang dibdib at nawalan ng kontrol ang paglipad. Bumagsak ito malapit sa kinaroroonan ni Iko. Muli itong nag-anyong tao.

“Ano, Iyan lang ba ang kayang ibigay sa inyo ng inyong reyna?” may pagmamalaki sa tinig na iyon ni Sharukh. Dahan-dahang lumapit si Biel kay Iko at hinila ang dahon nito sa leeg. Inihagis niya iyon sa kaibigan.

“Hindi para sa akin ‘to Biel.” Ani Iko.

“Kailangan mo yan! Wag kang mag-alala. Babalik tayo kay Raima upang humingi muli.” Sagot ni Biel.

“Babalik kayo sa palasyo?” tanong ni Sharukh. “Hahaha! Iyon ay kung makababalik pa kayo” kinuha ni Iko ang dahon isinubo iyon at nginuya. Sa isang sandali lamang ay nanumbalik ang lakas nito. tumayo ito sa tabi ni Biel.
“Ang lakas naman ng loob mong magsalita ng ganyan” nakangiti nitong sabi kay Sharukh. “Dahan-dahan ka, baka hindi kami ang uuwing talunan.”

“Pinatatawa mo ba ako?” bigla’y itinutok ang kamay nito sa dalawa at mabilis na nagpakawala ng linya ng apoy. Bigla namang nagpalit ng anyo ang dalawa. Lumipad sa magkaibang direksyon ang lawin at ang paniki. Ang lawin ay sa gawing kanan bago tuluyang lumipad paitaas. Ang paniki naman sa gawing kaliwa ay lumipad paikot kay Sharukh. Nalito ito kung sino sa dalawa ang uunahin. Nang makitang masyadong mataas ang lipad ni Biel ay ang paniki ang hinarap. Walang humpay na paghabol nito ng bolang apoy habang lumilipad paikot sa kanya. Habang matamang pinanonood ito ng lawin mula sa itaas. Nag-iisip kung paano gagawa ng hakbang at paglusob.

Ang paniki ay umiiwas sa bawat bola ng apoy na pinpakawalan ni Sharukh. Isang may kalakihang bola ang ibinigay ng lalaki at muntik nang mahagip ang pakpak ni Iko. tumigil ito sa ere at nagpakawala ng nakabibinging sigaw. Nagulat si Biel doon. Biglang humaba ang kuko ng paniki. Lumabas ang nakatatakot at nanggagalit na ngipin. Bigla’y lumipad iyon paikot kay Sharukh ng ubod ng bilis! Halos hindi na makita ni Biel ang paniki. Maging ang kalaban ay nabigla.

PSK!

Nagulat na lamang ang kalaban ng biglang may kung anong matalas na bagay ang gumuhit sa kanyang tagiliran. Nawasak ang kanyang damit at gumuhit sa balat ang sugat. Tumilamsik ang dugo mula doon. Bigla’y isa na namang paglusob. Ang talim ay muling gumuhit sa kanyang likod. Muling napunit ang kanyang damit at nagkaroon ng sugat sa kanyang likuran. Nilibot ni Sharukh ang paligid ngunit hindi nya makita ang paniki. Natigilan siya. Nakikiramdam. Ilang saglit pa’y narinig niya ang pagaspas at palapit iyon sa kanyang likuran. Bigla siyang nagpalabas ng apoy. Pumalibot iyon sa kanya. Mula sa lupa, pataas. Bumangga ang paniki sa apoy at mabilis na lumipad palayo ng walang kontrol. Sobrang init niyon at namilipit siya sa sakit. Bumagsak ito sa lupa sa di kalayuan. Nilapitan iyon ni Biel. Kapwa sila nag-anyong tao. nakahiga si Iko sa lupa habang nakaupo si Biel sa kanyang harapan. Nawala na ang apoy na nakapalibot kay Sharukh at naghihina ito dahil sa sugat sa kanyang tagiliran at likod.
Tumayo si Biel at humarap kay Sharukh. Seryoso ang mukha nito. “Tapusin na natin ‘to!”

“S-Sinusunod ko lang ang utos ng aming reyna.” Naghihinang sagot ng kalaban.

“Binibigyan kita ng isa pang pagkakataon upang sumuko.”

“Ikaw ang tagapagbantay. D-dapat alam mo kung sino ang dapat mong bantayan. At ikaw, tagamasid,” ibinaling nito ang paningin sa nakahigang si Iko.

“Hindi mo ba naitatanong sa iyong sarili kung bakit sa dami ng mas malakas na kalalakihan sa Jumeda ay sa iyo ipinagkatiwala ni Freya ang kapangyarihang iyan?” napaisip si Iko. Minsan na itong sumagi sa isip niya ngunit hindi nya alam ang kasagutan.

“D-dahil ako’y isang tapat na tagapaglingkod” sagot ni Iko.
“Mali!” sigaw ni Sharukh. “Dahil ang iyong ama ay umanib kay Ameesha! Gagamitin ka ni Freya upang kalabanin ang sarili mong ama! Sino nga naman ang ama na papatay sa anak? Wala! Kaya sigurado ang pagkatalo ni Ameesha!”

“Kasinungalingan!”

“Bakit hindi mo pa tanggapin sa sarili mo? Gumising ka!” mataas ang tinig ni Sharukh. “At ikaw tagalupa, alam mo na ba ang dahilan ng pagkakapunta mo sa Jumeda? Ilang tao ang nasa mundo mo? Bakit ikaw?” tumigil pansamantala.

“Ikaw na bata, mahina at walang karanasan sa pakikipaglaban.” Natigilan si Biel.

“May alam ka tungkol sa akin?” tanong nito habang lumalakad papalapit kay Sharukh ngunit hindi umimik ang lalaki.

Sa di kalayuan at may isang fulva. Dahan-dahan itong lumalapit sa direksyon ni Biel. Nanlilisik ang mga mata nito. Ilang saglit pa, ang mabagal na lakad ay naging isang mabilis na takbo at nang malapit na’y tumalon ito patungo sa likuran ni Biel. Nakaumang ang matatalas na kuko. Walang kamalay malay ang binata.







CHAPTER 20

“Biel, sa likod moooo!!” sigaw ni Iko. Nais niyang bumangon upang tulungan ang kaibigan ngunit hindi kaya ng kanyang katawan. Huli na upang makailag pa si Biel. Ang mga kuko ng fulva ay malapit nang sumayad sa kanyang balat.
Bigla’y tumilapon at gumulong sa lupa si Biel. Ngunit hindi dahil sa fulva. Itnulak ito ni Sharukh at ang mga kuko ng halimaw ay bumaon sa dibdib ng lalaki. Lubhang ikinagulat iyon ni Biel at ni Iko. Mabilis na nagbagong anyo si Biel at naging isang leon. Sinunggaban nito ang fulva at kapwa sila gumulong sa lupa. Sa isang iglap ay naging dambuhalang sawa ito at nilingkis ang halimaw hanggang magkadurog-durog ang buto nito. Pinilit bumangon ni Iko at lumapit sa nag-aagaw buhay na si Sharukh. Maya-maya lang ay papalapit na rin si Biel sa dalawa.

“Sino ka bang talaga? Bakit mo ginawa iyon?” tanong ni Iko. ngumiti lang ang lalaki.

“A-ang utos ni reyna Ameesha, h-himukin ko kayong sumapi sa amin ng maayos.” Hirap man sa paghinga ay nagsalita pa rin ito. “A-at ang bilin niya, ay wag ko kayong papatayin o hahayaang masaktan.” Dugtong pa nito.

“Pero bakit pinalusob ni Ameesha ang fulva? Ang sarili nyang alagad?” tanong ni Biel. Nanlaki ang mga mata ni Sharukh.

“Fulva? Alagad ni Ameesha?” bakas sa mukha ang pagtataka. “Walang fulva sa kaharian ni Ameesha!” nagulat sina Biel at Iko. nagkatinginan sila at tila napakaraming tanong ang biglang pumasok sa kanilang isipan.

“P-patawarin nyo ako kung nasaktan ko kayo. N-nadala lang ako ng kasabikang gamitin ang aking kapangyarihan.”

“Ano ba talaga ang nangyayari dito sa Jumeda?” tanong ni Biel.

“A-ang bukal ng kasagutan…naroon ang sagot sa iyong mga katanungan.” At bigla itong nag-anyong usok at lumipad palayo.

“Sandaliii!!!” habol ni Biel. Ngunit patuloy lang itong lumayo. Naiwang tulala ang dalawa. Napaupo sa lupa si Iko at malayo ang tingin. Si Biel nama’y tila naparalisa at hindi nakakilos.
Katahimikan.

“Bukal ng kasagutan….” Ani Biel. “May alam ka ba tungkol dito?” tanong nito kay Iko na nakaupo pa rin sa lupa at nakatitig sa lupa ngunit wala naman ang isip doon.

“Minsan ko na itong narinig.” Anito habang nakatitig pa rin sa lupa. “Ang pagkakaalam ko’y matatagpuan ito sa ilalim ng dagat.”
“Bukal sa ilalim ng dagat?” tila gulat ang tinig ni Biel at tumango lang si Iko bilang pag-ayon.
“Ayon sa alamat, isa itong bukal na nakakaalam sa lahat ng nangyayari sa Jumeda. Ngunit isang taga-Jumeda pa lamang ang nakakarating dito.”

“Wala ibang nagtangkang magpunta?”

“Dahil mapanganib. At napakalalim nito para sa ordinaryong taga-Jumeda.”

“Kung gayon, sino naman yung nakarating doon?”

“Ang dating tagapagbantay.”

“Tagapagbantay?”

“Oo. Si Karana.”

“Karana? Babae?” tumango si Iko bilang pagsang-ayon.

“Nararamdaman niyang nagtataksil ang kanyang asawa sa kanya ngunit nais niyang makasiguro at malaman kung sino ang babaeng iyon.”

“At nagtagumpay sya?”

“Oo. Ngunit naging masama ang kinalabasan niyon.”

“Masama?”

“Pinatay niya ang kanyang asawa at ang kanyang kapatid dahil iyon daw ang mga taksil. Ngunit wala naman nakitang katunayan ang mga tagapayo ng reyna noon kaya’t maging siya ay ipinapatay ng reyna.”

“Hindi pinaniwalaan ng reyna ang bukal?”

“Kahit anong sabihin ng bukal, kailangan pa rin ng katibayan bago gumawa ng hakbang. At ayon sa batas ng Jumeda, hindi mo maaring ilagay ang batas sa iyong mga kamay.”

Katahimikan.

“Pupunta ako sa bukal.” Si Biel.

“Mapanganib Biel. Isang halimaw dagat ang bantay doon at hindi pumapayag na
magtanong sa bukal. Kailangan muna itong kalabanin hanggang sumuko ito.”

“Pero kailangan Iko. Maraming tanong ang bumabagabag sa aking isipan.”

“Biel, ayon sa nakatatanda, tatlong tanong lamang ang sinasagot ng bukal.”

“Tatlong tanong? Bakit?”

“Hindi ko rin alam. Pero sigurado daw iyon at totoo ang mga kasagutan.”
“Kailangan ko pa ring marating ang bukal ng kasagutan.”

“Pero hindi natin alam kung saan iyon. Saka paano ang iyong inay?” natigilan si Biel sa tanong na iyon ni Iko. ‘Oo nga pala’ isip niya. Malalim ang inisip nito.

“Kailangan nating bumalik kay Raima at humingi ng varka. Kailangang ibalik ko ang lakas ng aking ina.” bigla’y nag-anyong lawin ito at lumipad pabalik. Sumunod naman ang paniking si Iko.

CHAPTER 21

Ilang sandali pa’y halos patakbong dumating ang doktor kasama ang dalawang nurse ng ospital. Tiningnan nag tila maliit na telebisyon (EEG). Tuwid ang linyang tumatakbo roon. Hudyat ng kamatayan ng pasyente. Hindi nawalan ng pag-asa ang doktor. Sa tulong ng nurse ay hinabol nito ang buhay ng pasyente. Diniinan ang dibdib binomba ngunit wala pa ring nangyari. Inabot niya ang isang kagamitan at tila ginamitan ng kuryente si Aling Divina. Walang humpay ang pag-iyak ni Buboy. Maging si Elaine at Alvin ay umiiyak na rin.

Ilang sandali pa’y hinawakan ng doktor ang pulso ng pasyente. Umiling-iling ito at humarap kina Elaine.

“Kayo ba ang kamag-anak ng pasyente?” tanong nito

“O-opo. Kami po” sagot ni Elaine. “Pamangkin nya po ako.”

“Kailangan kong makausap ang kanyang asawa.”

“Kami lang po ang natitirang kamag-anak niya”

“Well, sige.” Saglit na natigilan ang doktor. “I’m sorry. Ginawa na namin lahat ng aming makakaya ngunit……Hindi na nakayanan ng katawan ng pasyente. Patay na po siya.” Lalong lumakas ang iyak ni Buboy. Nilapitan ito ni Elaine at niyakap.

“Hindi pa patay ang inay ko!!!” sigaw nito at tumakbo palapit sa nakahigang ina at yumakap.

“Ipaayos ko na ang mga papeles niya.” Anang doktor at umalis na ito.
Tulala si Elaine. Hindi makapaniwala.

“Paano na ito? huli na si Biel” anang dalaga.

“Anong susunod na gagawin kay Aling Divina?” tanong ni Alvin.

“Dadalhin na sya sa morge at….”

“Hindi pwede!!! Kabilin-bilinan ni Biel, wag daw ipagagalaw ang kanyang ina anuman ang mangyari dito!”

“Pero wala na tayong magagawa! Tanggapin na lang natin.”

“Hindi pa patay ang inay!!!” ani Buboy. Mas malakas ang iyak nito ngayon.

“Bubuhayin sya ni Kuya di ba? Kuya Binong, mabubuhay pa sya di ba?” tumango lamang si Alvin at niyakap si Buboy.

“Anong gagawin natin Binong?” malayo ang tingin ng binata.

“Hindi natin ipagagalaw si Aling Divina.”

“Nasaan na kaya si Biel? Magtagumpay sana sya!”

“Sana nga Elaine…sana!”



MABILIS na binabaybay nina Biel ang daan pabalik ng Jumeda. Napakaraming tanong ang naglalaro sa kanyang isipan. Ngunit hanggang tatlo lamang ang maari niyang itanong sa bukal. Hindi niya malaman ang uunahin. Taga-Jumeda ba ang kanyang magulang? Bakit siya ang napiling tagapagbantay? Sino si Freya? Si Ameesha? Anong kaguluhan ang nangyayari sa Jumeda? Sino ang dapat niyang panigan? Ano ang maaari niyang gawin upang malutas ang problema sa Jumeda? May paraan ba upang magkasundo ang magkapatid? Sino ang nagsasabi ng totoo? Saan galing ang fulva? At marami pang ibang tanong.
Ilang sandali pa’y kaharap nilang muli ang reyna. Si Iko na ang nagkwento ng lahat ng pangyayari sa gubat. Ang pag-atake ni Sharukh. Ngunit inilihim nila ang mga rebelasyong sinabi nito. hindi nila nais namagduda ang reyna sa katapatan nila. Muling binigyan ng varka si Biel at ilang saglit pa’y naglalayag silang muli sa himpapawid pabalik sa mundo ng mga tao.

Mas mabilis ang kanilang paglipad ngayon. Iba ang nararamdaman ni Biel. Nasa panganib ang kanyang ina.

NAKAUPO SA LABAS ng ospital sina Elaine. Alas syete na ng gabi. Umiiyak pa rin si Buboy ngunit patuloy na umaasang maibabalik ng kanyang kapatid ang buhay ng ina. nakayakap ito kay Elaine na umiiyak rin. Si Alvin nama’y nakaharap sa kanila at nangingilid ang luha.

“Huwag kayong mag-alala. Darating na si Biel.” Si Alvin.

“Kung darating sya, dapat kanina pa.” ani Buboy.

“Buboy, hindi ganun kadali ang pinuntahan ng kuya mo.” Ani Elaine. “Hintay-hintayin lang natin sya, darating din yun!”

“Paano kung hindi sya dumating? Wala na akong inay, wala pa akong kapatid?”
“Hindi mangyayari yun Buboy,” si Alvin, “Marunong tumupad ng pangako ang kuya mo. Alm mo naman iyon di ba?”

“Pero paano nga kung wala na rin si Kuya? Hindi ko man lang nasabing pinatatawad ko na sya.”

“Buboy, nandito pa naman kami eh” ani Elaine at lalong hinigpitan ang yakap kay Buboy.

“Kahit na ano ang mangyari Buboy, hinding hindi ka namin iiwan ni Ate Elaine mo” ani Alvin.

“Hindi na nga siguro dadating si Kuya.”

“Bakit mo naman nasabi yan?” tinig mula sa likuran nila. Kilala ni Buboy ang boses na iyon. Halos sabay-sabay silang lumingon sa kinaroroonan ng tinig na iyon. At mula sa dilim ay lumabas si Biel.

“Kuya!!!!” tumakbong papalapit si Buboy at nang makalapit ay yumakap ito.

“Biel!” halos sabay sina Elaine at Alvin. Papalapit sa kanila si Biel.

“Wala na ang inay Kuya. Patay na sya” Malungkot na tinig ni Buboy.

“Nagkakamali ka Buboy. Natutulog lang ang inay.”

“Talaga po?”

“Oo. At gigisingin ko sya sa pamamagitan nito.” ipinakita ang dahon na nakasabit sa kanyang leeg. “Nasaan na sya?” nakatingin ito kay Alvin.

“Nandun sa loob. Dinala na yata sa morge.” Sagot nito.

“Tara puntahan natin habang hindi pa huli ang lahat!” akmang aalis na sila “Oo nga pala. May kasama ako…..si Iko.” at mula sa dilim ay lumabas ang isang tao na may di pangkaraniwang kasuotan. Lumapit ito sa kanila at iniabot ang kamay.

“Iko, sina…”

“Kilala ko na silang lahat Biel.” Nakangiti ito.

Mabilis nilang tinungo ang kinaroroonan ni Aling Divina. Maliit lang ang ospital kaya’t madali nilang natunton iyon. Dagling nakipag-usap si Biel sa namamahala doon at punayagan naman silang tingnan ang bangkay ng kanyang ina. Mula sa isang tila pugon, inilabas si Aling Divina. Tiningnan ni Biel ng makahulugang tingin si Alvin at nakuha naman ito ng binata. Tinanong-tanong niya ang namamahala sa morge at naglalakad-lakad sila papalabas habang nag-uusap. Kunawa’y gustong tingnan ni Alvin ang mga mahahalagang dokumento tungkol kay Aling Divina. Ito ang plano nila kanina habang naglalakad patungo sa morge. Hindi kasi dapat masaksihan ng namamahala ang pagkabuhay muli ni Aling Divina.

Nang nakasigurong wala na ang bantay ay kinuha ni Biel ang dahon at piniga iyon sa tapat ng bibig ng kanyang ina. ibinuka iyon ni Biel ng isang kamay. Dumaloy ang katas ng dahon sa loob ng bibig ni Aling Divina at binitiwan ni Biel na wala nang lumabas na katas. Ilang saglit pa ang kanilang hinintay. Maya-maya lang ay gumalaw ang kamay nito at unti-unting iminulat ang mga mata. Halos napapikit pa ito at nasilaw sa liwanag.

“Anong nangyari?” tanong ni Aling Divina.

“Inay!!!” halos mapatalon sa tuwa si Buboy. Yumakap ito sa ina kasabay ni Biel. Pati si Elaine at nakiyakap na rin.

“S-sino kayo? Nasaan ako?” tanong ni Aling Divina. “S-sino ako?” dugtong pa nito. nagulat ang lahat. Takang nagtinginan ang mga ito.

“Ako to ‘nay! Si Buboy!”

“Buboy?” nagtataka ang mukha nito.

“Anong nangyari sa inay?” tanong ni Biel kay Iko.

“M-marahil ay kulang ang isang dahon para sa kanya.” Paliwanag nito.

“Pero bakit? Isa lang naman ang kailangan hindi ba?”

“Wala syang dugong taga-Jumeda. Purong tao sya kaya’t hindi sapat ang isang dahon lang. kailangan pa ng isa upang ibalik ang kanyang alaala.”

“Ibig sabihin…..”

“Oo Biel. May dugo kang taga-Jumeda!”

“Anong gagawin natin ngayon Biel?” tanong ni Elaine.

“Kailangan kong bumalik sa Jumeda. Kailangan ko pa ng isang dahon.”

“Dapat ay sa lalong madaling panahon. Nalalapit na ang paglusob kay Ameesha. Hindi ka na mahaharap pa ng reyna.”

“Alam ba nilang ganoon ang epekto nito sa ordinaryong tao?”

“Oo Biel, alam nila.”

“Pero bakit…..” natigilan siya. Nagtama ang paningin ni Iko at Biel. Waring nagtugma ang iniisip.

“Sinadya iyon ni Freya upang siguradong babalik pa ako sa Jumeda!”
“Kailangang maiuwi natin ang inay. Itatakas natin sya.” Tumango ang lahat bilang pag-sang-ayon.

Naunang lumabas si Iko. dahan-dahang sumilip kung may dadaan na ibang tao. nang masigurong wala na’y sumenyas ito kina Biel. Mabilis nilang inalalayan ang ina palabas. Nakabalot ito ng kumot at hanggang ngayo’y nagtataka pa rin dahilan sa pagkawala ng kanyang alaala. Tuloy-tuloy sila sa marahang paglalakad ng biglang nakarinig sila ng paparating na yabag mula sa di kalayuan. Dali-dali silang naghanap ng matataguan. Tatlong pinto ang kanilang nadaan. Nagbakasakali si Biel na isa sa mga iyon ay bukas. Nagmamadali niyang tinakbo at isa-isang pinihit iyon. Nasa pangalawang pinto pa lamang siya ay bumukas na iyon. Mabilis na sumunod sa kanya ang mga kasama at pumasok sila roon. Maya-maya lang ay narinig nilang dumaan sa kanilang harapan ang mga yabag na iyon. Pigil ang kanilang hininga. Walang gumagawa ng anumang ingay. Nang makalayo na ito ay muli silang nakiramdam. Saglit na tumahimik ngunit hindi pa rin sila kumikibo. Ilang saglit pa’y bumalik ang mga yabag na iyon ngunit mas mabilis ito ngayon. Marahil ito yung nagbabantay sa morge at natuklasang wala na ang bangkay doon. Nang mawala ang tunog ay mabilis silang lumabas sa maliit na kwartong iyon. Alam nilang ilang sandali pa’y darating ang mga gwardya. Mabilis ang kanilang paglakad hanggang marating nila ang isang kanto. May daanan sa kaliwa at sa kanan. Kapag dumiretso sila’y sa main door ang bagsak nila. Naroon ang mga nurse at ang mga gwardiya. Sa bandang kanan ay nakita nila ang isang pintong salamin. Tanaw ang labas at may nakasulat na “emergency exit” sa itaas. Patakbo nilang tinungo iyon. Nang marating nila’y mabilis na itinulak ni Biel ang pinto ngunit nakakandado iyon. Inuga-uga ni Biel iyon ngunit hindi ito mabukasan. Sa di kalayua’y dinig nila na may paparating. Hindi lang isang tao iyon dahil maraming yabag iyon. Tila nagmamadali. Dinig rin nila ang tila pasigaw na boses ng ilan doon. Papalapit sa kinatatayuan nila. Muling itinulak ni Biel ang pinto ngunit hindi nya magawang buksan iyon. Wala nang ibang daan kundi doon lang at sa harapan kung saan naroon ang mga nurse at iba pang gwardya. Lumalakas ang tunog na iyon hudyat na papalapit na ang mga ito sa kanila. Hindi malaman nila Biel ang gagawin.

“Ayun!” sigaw ng isang lalaki nang makita sila. Tatlong gwardiya ang papalapit sa kanula. Tila napako sila sa kinatatayuan. Patakbong lumalapit ang mga ito.
Biglang umusok ang paligid. Natigilan ang mga gwardiya. Makapal na usok ngunit walang anumang amoy iyon. Kumapal ng kumapal ang usok hanggang sa hindi na makita ang daanan.

“Tumakbo na kayo! Bilis!” tinig mula sa usok na iyon. Bagamat hindi makita ang daan ay nagmamadaling umalis sila Biel.

“Huwag nyong alisin ang kamay nyo sa dingding.” Ani Biel. Nagpatuloy sila sa paglakad. Ang usok ay patuloy ng lumaki at nasakop ang buong ospital.

Ilang saglit pa’y nakalabas na silang lahat. Biglang naglaho ang usok sa loob. Sinalubong sila ni Alvin sa labas. Ito ang usapan nila kanina. Patuloy silang tumakbo palayo. Hanggang sa tila napagod si Aling Divina. Tumigil ito at habol ang hininga. Mula sa itaas ay lumabas ang isang babae. Si Mallika.
“Biel, isakay mo na sila pauwi. kailangan ka na sa Jumeda.” Anito kay Biel. At sa isang kumpas ng kamay ay lumabas ang tila isang karitela. Tumango lang si Biel at nag-anyong kabayo. Labis na ikinagulat iyon ni Buboy.

“Kuya? P-paanong…”

“Mamaya ko na ipaliliwanag Buboy.” Sagot ni Alvin habang inaalalayan sina Aling Divina at Elaine. Isinunod na niya si Buboy at siya ang nahuling sumakay. Nang makasigurong maayos na ay mabilis na tumakbo ang kabayo. Si Iko ay kasunod nito sa anyong paniki. Ganun din si Mallika na nakalutang sa hangin.

“Kuya Binong, anong nangyayari?”





CHAPTER 22

“Mag-iingat ka Biel! Hihintayin kita.” Ani Elaine. Doon sila sa lola ni Elaine sa may kakahuyan pansamantalang nagtuloy. Tiyak na hahanapin sila ng mga pulis bukas doon sa bahay nila Biel. Bilang pag-iingat, kailangan nilang itago si Aling Divina. Malugod naman silang tinanggap ng taumbahay doon. Hindi na maaaring magtagal pa sina Iko kaya’t kailangan na nilang umalis sa lalong madaling panahon. Nagpaalam siya sa lahat at ang huli ay kay Elaine. Naroon sila sa labas ng bahay. Si Mallika ay nauna nang umalis pagkarating pa lamang nila sa bahay. Si Iko ay nauna na ring lumipad at hahabol na lang si Biel sa kanya. Tutal naman ay mabilis itong lumipad. Binigyan na rin niya ng oras sina Biel at Elaine.

“Huwag kang mag-alala, babalik agad ako.” Malungkot na tinig ni Biel at hinawakan sa ang balikat ng dalaga. nagtama ang kanilang paningin.

“Biel….” Natigilan si Elaine, waring nag-iisip ng tamang salitang bibitiwan. “Mahal kita!” nag-aalangan ma’y nasabi rin ng dalaga ang nasa loob nito. ngumiti ang mga mata ni Biel.

“Mahal din kita Elaine.” Sagot naman ng binata.

“Nakakatawa naman ‘to”

“Bakit naman?”

“Ako pa ang unang nagsabi sa iyo.”

“Naunahan mo lang ako. Sasabihin ko na sana yun.”

“Nakakahiya naman” tila namula ang mukha ng dalaga.

“Ano naman ang nakakahiya dun? Kahanga-hanga nga dahil matapang ka.”

“Pero-”

“Ssshhh…” pigil ni Biel sa dalaga at itinapat ang hintuturo nito sa bandang labi ng dalaga. “Wag ka ang magsalita” at unti-unting inilapit ni Biel ang mukha nito sa dalaga. pumikit si Elaine. Hinihintay ang kung ano man ang binabalak ng binata. Ilang saglit pa’y naramdaman niya ang labi ni Biel na dumampi sa kanyang labi. Tila may kuryenteng bumalot sa buo niyang katawan at halos di makapaniwala. Saglit na idinilat ang isang mata upang matiyak na hindi siya nananaginip. Totoo nga. Nakita niyang nakapikit si Biel habang magkalapat ang kanilang mga labi. Muli siyang pumikit at dinama ang kalambutan ng labi ng kanyang minamahal. Dinama ang tamis ng unang halik. Parang nais niyang itigil ang pagtakbo ng oras. Maya-maya lang ay inilayo na ni Biel ang labi nito sa dalaga at naiwan itong nakapikit pa rin at unti-unti rin itong nagmulat ng mata.
“Ikaw na muna ang bahala sa kanila.” Ani Biel at sinagot naman ng pagtango ni Elaine. Yumakap ang lalaki at ginantihan din ito ni Elaine ng mahigpit na pagyakap. Saglit lamang iyon at lumakad na paatras si Biel. Nag-anyong lawin ito at lumipad pataas. Ngunit hindi pa nakakalayo ay bumalik ito sa kinatatayuan ng dalaga. bago tuluyang lumapag ay nag-anyong tao ulit ito.

“Bakit?” nagtatakang tanong ni Elaine ngunit hindi sumagot si Biel bagkus ay muli nitong hinalikan ang dalaga. sa pagkakataong ito’y mapusok iyon. Gumagalaw na ang mga labi nito. gumanti naman si Elaine. May katagalan iyon. Nang maghiwalay ang mga labi nila ay napangiti si Elaine.

“Mahal kita Elaine”

“Mahal din kita Biel. Huwag kang masyadong magtagal.”

Muling nag-anyong lawin at lumipad palayo at naiwang nakangiti ang dalaga. tila hindi pa rin into makapaniwala ngunit parang lumulutang pa rin sa alapaap ang pakiramdam nito.

MAYA-MAYA LANG ay kasunod na ni Iko si Biel. Mabilis nilang binabaybay ang daan patungo sa Jumeda. ‘ito na ang huling pagpunta ko sa lugar na ito’. nasa isip ni Biel. Kapag natuklasan na niya ang tunay niyang pagkatao ay babalik na siya sa kanyang lugar. Ang mundo ng mga tao. kailangan din niyang makakuha ng isa pang varka para sa ikagagaling ng kanyang kinikilalang ina. patuloy ang kanilang paglipad hanggang sa marating nila ang Jumeda. Katatapos lamang ng paghawi kaya’t may kadiliman ang paligid. Hindi na nila kailangan pang dumaan sa gubat upang magtago sa mga bantay ni Ameesha. Mataas ang kanilang paglipad. Ito ang unang pagkakataong masilayan ni Biel ang kagandahan ng kagubatan. Tila ito paraisong natatabunan ng luntiang mga dahon. At ang iba’t ibang kulay ng mga bulaklak ay nagpatingkad sa kagandahan nito. tila kumikinang sa bawat halik ng liwanag.

SAKLOLO!

Mataas man ang paglipad ay narinig ni Biel ang tinig na iyon. Nagmumula sa kagubatan. Kakaiba ang kanyang naramdaman. May papalapit ng panganib. Binilisan niya ang paglipad at umuna kay Iko. nang matiyak na nasa kanya ang atensyon ng kaibigan ay biglang bumulusok pababa ang lawin. Nagtataka man ang paniki ay sumunod rin ito. hindi kasi niya narinig ang tinig mula sa kagubatan. Tuluy-tuloy ang pagbaba ni Biel na labis na ipinagtaka ni Iko. Ngunit ng malapit na sila sa lupa ay nakita niya ang isang babae. Bakas na bakas sa mukha ang matinding takot. Kaharap ang isang fulva na nanlilisik ang mga mata. Muli itong sumigaw at humingi ng tulong. Ngunit sa pagsigaw na iyon ay biglang tumalon ang fulva at sinugod ang babae. Nakaumang ang matalim na kuko nito. napaupo ang babae. Wala na itong magagawa pa.

Habang nasa ere ang fulva ay biglang sumalpok sa katawan nito ang lawin dahilan upang bumagsak ito at gumulong palayo. Ang paniki nama’y lumapag sa tabi ng babae at nagpalit ng anyo. Muling tumayo ang fulva. Ang lawin ay nagbagong anyo. Naging dambuhalang leon. Humarap ito sa fulva at naghanda sa paglusob. Hinintay nitong lumapit ang halimaw ngunit hindi ito umaalis sa kinatatayuan kaya’t ang leon na na mismo ang unang sumugod. Tumakbo ito papalapit sa fulva at tumalon. Sinalubong naman ito ng halimaw. Nagtagpo sa ere ang dalawa. Ngunit sa isang iglap ay naging dambuhalang ahas ang leon at lumingkis sa fulva. Bumagsak sila sa lupa nang hindi pa rin tinatantanan ng leon ang halimaw hanggang sa mawalan ito ng buhay. Nang matiyak ang tagumpay ay muling nagpalit ng anyo at bumalik sa pagiging si Biel. Lumapit ito sa kinaroroonan nila Iko at ng babae.

“Ligtas ka na.” ani Biel nang makalapit sa babae. Katabi nito si Iko na ngayon ay nakangiti.

“S-salamat. Biel.”

“Kilala mo sya?” tanong ni Iko. at tumango naman ang babae.

“Kalat na sa buong Jumeda ang pagdating ng bagong tagapagbantay. At lubos naming ikinatutuwa iyon.” Paliwanag pa nito.

“Sino ka? At ano ang ginagawa mo dito? Hindi mo ba alam na lubhang mapanganib ang lugar na ito?” tanong ni Biel.

“Ako si Krizes. Taga-hilagang Jumeda.”

“Hilagang Jumeda?” tanong ni Biel.

“Oo. At nais ko ng pumunta sa kaharian ni Ameesha.”

“Bakit naman?” tanong ni Iko. Tumayo ang dalaga at lumakad ng bahagya.

“Marami ako ng gustong linawin kay Ameesha.”

“Tulad ng ano?” si Biel.

“Saka bakit kay Ameesha? At hindi kay Freya?” tanong ni Iko. Tumigil panandali ang babae.
“Maging ako man ay nahihiwagaan.” Ani Krizes ngunit hindi ito tumutingin sa kanila. “Nilusob ng mga fulva ang aming lugar ilang araw na ang nakalilipas. Nasa kabilang bayan ako kaya’t hindi ko nalaman ang mga pangyayari. Wasak na wasak ang lahat ng mga ari-arian. Marami ang namatay. Iilan lamang ang nakaligtas at sila ang nagsabing ilan sa mga kalalakihan na lumaban sa mga fulva ay umanib kay Ameesha sa di malamang dahilan. At kasama doon ang aking asawa. Napakarami ring napatay na fulva kaya’t hindi ko alam kung paano nangyari yon.”

“At naparito ka para puntahan ang asawa mo?” si Iko.

“Oo at upang makiusap na tigilan na ang paglusob sa iba’t ibang bahagi ng Jumeda!”

“Hindi mo ba alam kung gaano kapanganib ang lugar na ito?” tanong ni Biel.

“Hindi. Ang alam ko lamang ay sa loob ng kaharian ni Ameesha nagkalat ang mga fulva. Hindi ko inakalang maging salabas ng kanyang bakuran ay maraming ganito.”

“Pwes nagkakamali ka.” Si Biel.

“Nais ko lang malaman kung bakit nahimok ni Ameesha na sumama ang aking asawa sa kanyang mga alagad. Sabi ng nakasaksi ay hindi naman ito pinilit at kusang loob lang itong sumama. Tulala pa ang iba kaya’t wala pang makuhang impormasyon sa kanila.” Tumingin ito sa dalawa. “Kilala ko ang asawa ko Biel, may prinsipyo siya. Hindi sya basta-basta umaanib kung kanino ng walang dahilan. Maging sa alagad ni Freya. Ayaw nya ng gulo!” nagkatinginan sina Iko at Biel. Biglang naging malungkot ang mukha ng babae. “Tulungan mo sana ako Biel. Gusto ko nang mamuhay ng payapa. Gusto kong malaman ang lahat. Kung kaya ko lang pumunta sa bukal..” natigilan ang babae.

“Bukal ng kasagutan? Alam mo yun?” tanong ni Biel. At tumango ang babae.

“Maaari” mong ituro sa akin ang kinalalagyan niyon?” muling tumango ang babae.

“Ngunit sa isang kundisyon” anito. “Ang isa sa tatlong katanungan ay sa akin manggagaling.

“A-ano?” ani Iko.

“Ituturo ko ang bukal, ngunit isang tanong ang kailangan kong sagutin nito.” Muling nagkatinginan sina Iko at Biel.

“Sige, payag ako. Pero nakatitiyak ka ba sa kinaroroonan ng bukal?” si Biel.

“Hindi mo ba alam?”

“Na ano?”
“Ang dating tagapagbantay na si Karana ay taga-hilagang Jumeda! ..sya ang aming ninuno. Ang aming bayani.” Tila nagulat ang dalawa. Maging si Iko ay hindi alam ang tungkol doon. “At alam naming lahat ang kwento sa likod ng bukal.”

“Kung gayon, kailangan ko na itong mapuntahan sa lalong madaling panahon!”

“Sabihin mo na kung saan”

“Kung ipapangako mong ibigay ang unang katanungan sa akin”

“Pangako yan!”

“Sumunod kayo sa akin”

Halos patakbo itong umalis at sumunod naman ang dalawa dito.




Chapter 23

Handa na ang buong kaharian ni Freya para sa gagawing malaking paglusob kay Ameesha. Binuksan na ang napakalaking pinto ng kaharian na nagsilbi ring tulay papunta sa kabilang pampang. Ang kaharian kasi ay napapaligiran ng malalim na bangin kaya’t kapag nakasara ang pinto, hindi ito mararating ng ordinaryong taga-Jumeda. Ginawa rin ito upang hindi madaling lusubin ang kanilang kaharian.

“Handa na ang mga kawal, mahal na reyna!” ani Majud. Ang pinuno nito. nakaluhod ang isang tuhod nito at nakatungo ang ulo sa harapan ng reyna.

“Sige, ilang sandali na lang ay sisimulan na natin ang paglusob.” Sagot ni Freya at tumayo ang lalaki sa kanyang harapan at pumunta sa unahan ng mga kawal.

“Hindi kaya masyado tayong nagpapadalos-dalos Freya?” tinig ni Apo Shankar. Ang makapangyarihang tagapayo ni Freya. Ito ang pinagkakatiwalaan ng
kanyang amang hari nung nabubuhay pa ito.

“Nais ko nang magkaroon ng kapayapaan sa Jumeda. Maraming bayan na ang nasira nababalot sa takot dahil sa kagagawan ng aking kapatid.” Sagot ng Reyna.

“Ngunit, hindi ka ba natatakot na baka mapatay mo ang iyong kapatid? O ikaw ang mapatay niya?”

“Hindi maari iyon Apo Shankar. Nararamdaman kong hindi rin kayang gawin sa akin iyon ni Ameesha. Kahit papaano’y isang dugo lamang ang dumadaloy sa aming mga ugat.”
“Ngunit hindi naiiwasan sa isang digmaan ang pag-agos ng dugo. Dapat ay maging handa ka sa mga mangyayari.” Tila natulala si Freya sa sinabign iyon ng tagapayo. Tama siya. Ang gagawing paglusob ay isang madugong labanan. Marami ang masasawi. “Bakit kailangan pang dumanak ang dugo para magkaroon ng kapayapaan?” dugtong pa ng matanda.

Napatingin si Freya sa pulutong ng mga kawal ngunit tila hindi niya nakikita ang mga iyon. Malalim ang kanyang iniisip. Tila nais niyang itigil ang gagawing kahibangan ngunit huli na ang lahat. Ang desisyon ng reyna ay hindi nararapat na baliin upang maging patuloy na tapat ang mga naniniwala sa kanya.

“Ngunit sa isang banda…” muli’y sabi ni Apo Shankar. “…mas lalong tumaas ang paggalang ng iyong mga nasasakupan sa iyo lalo’t ang kapakanan ng buong Jumeda ang nakasalalay.”

“Hindi pa ba tayo aalis?” biglang sumulpot si Mallika sa harapan ng dalawa.

“Nasaan na ang tagapagbantay?” tanong ni Freya.

“Kaya naman nating talunin si Ameesha kahit wala si Biel. Bakit kailangan pa natin sya?”

“Hindi tayo nakasisiguro sa lakas ni Ameesha at ang pangunahin niyang kapangyarihan. Baka nakakalimutan mong nasa kanya ang lakas ng kalikasan. Ang apoy, hangin at tubig!”

“Pero nasa iyo ang apat na lakas ng Jumeda. Mawala man ang isa ay malakas pa rin.”

“Pinangungunahan mo ba ang reyna, Mallika?” biglang singit ni Apo Shankar.

“Nagbibigay lamang ako ng aking opinyon. At ang pagkakaalam ko, walang masama doon.”

“Tama na yan! Maghihintay tayo ng tatlong paghawi. Pagsapit ng ikatlong paghawi, lulusob tayo kahit wala pa ang tagapagbantay at ang tagamasid!”

“Mabuti kung ganon.” Nakangiting tugon ni Mallika at muli’y naglaho ito sa harapan. Kumaway naman ang reyna kay Majud at sinenyasan itong lumapit sa kanya. Halos patakbo naman itong tumalilis.

“Matapos ang ikatlong paghawi ay paunahin mo na ang iyong mga alagad. Lulusob tayo kahit wala ang tagapagbantay!”

“Masusunod po kamahalan” muling yumuko si Majud at pagkuwa’y muling nagbalik sa kanyang pwesto.

“Sa tingin mo Apo Shankar, maaari ko pa kayang bawiin ang aking pinag-uutos na salakayin ang kampo ng aking kapatid?”
“Freya, sa tingin ko’y hindi magiging maganda ang desisyon mong iyan. Ang dapat na namumuno sa Jumeda ay may isang salita at isang paniniwala. Hindi na maaaring bawiin ito kundi nararapat lang na panindigan.”

“Ngunit sasabihin kong, namulat ang aking isip at ayaw ko na ng karahasan!”

“Minsan, kailangan din ng karahasan upang makamit ang katarungan at kapayapaan. Hindi lahat ay nakukuha sa mabuting usapan.”

“Naiisip ko lang kasi ang kahihinatnan ng gulong ito. karamihan sa ating mga kawal ay may kanya-kanya nang pamilya. Paano ang mga anak nila kung masasawi sila sa labanang ito?”

“Freya, bago pa sila sumapi sa samahan ng mga kawal, alam na nila ang maaaring mangyari sa kanila. At nakahanda sila para doon.” Hindi tumingin ang reyna.”Tatagan mo ang iyong loob. Ipakita mo ang pagiging reyna mo sa buong Jumeda.”

MATAGAL na naghintay ang lahat ng mga kawal sa ikatlong paghawi. Ngayo’y nabubuhay ang kanilang pananabik na makipaglaban. Ilang sandali na lamang ay matatapos na ang kaidiliman at muling sisilay ang paghawi. Lumigid ang kanilang paningin. Umaasang makikita ang tagapagbantay sa himpapawid o kahit saang sulok ng kaharian. Maya-maya lang ay unti-unti nang sumisilay ang liwanag. Parating na ang ikatlong paghawi. Oras na ng pagsalakay.

“MAGHANDA ANG LAHAT NG MGA KAWAL!!!” sigaw ni Majud at halos iisang taong gumalaw ang mga kawal. Luminya ito ayon sa kani-kanilang grupo. Mahigit dalawang libo ang susugod kay Ameesha.

“Mahal na Reyna, hinihintay na lang po ang inyong kautusan!” yumuko ito sa harap ni Freya. Tumingin sa paligid ang reyna.

“Kung gayon, simulan na ang paglusob!” anito.

Sabay sabay na nagsigawan ang mga kawal habang dahan-dahang lumakad papalabas ng kaharian. Tila sabik na sabik sa pakikipaglaban. Bitbit ang kani-kaniyang espada at ang ilan naman ay sibat. Lahat ay may kalasag at pang-proteksyon sa ulo. Nauna ang isang pulutong at sinundan iyon ng iba pa. nasa bandang gitna ang reyna, nakasakay sa isang tila karitela na nakalutang sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Apo Shankar. Naroon rin ang iba pang pwersa ng Jumeda. Sina Raima at Mallika na tila umaasa pa rin sa pagdating ng tagapagbantay at ng tagamasid.

Sa bandang likuran ay ang mga kawal na may dalang tambol at pinupukpok ito ayon kasabay ng paghakbang ng mga paa ng lahat. Kasunod noon ay ang mga kawal ng may hila-hilang malalaking kagamitan. Tila mga kanyon ngunit kakaiba ang itsura noon. Kumikinang ang dalawang gulong sa magkabilang gilid niyon. Maliit ang katawan niyon mula sa puno at lumaki sa kabilang dulo. Isang mahabang pila na tila isang prusisyon ang susugod kay Ameesha. Sa bandang gilid ng pila ay naroon ang mga Vulpes. Mga hayop na ktulad ng fulva ngunit puti ang balahibo niyon. Tila mga sundalong nakaayon din ang linya habang naglalakad.

Ang dating tahimik ng gubat ay napuno ng ingay ng mga kawal. Bagamat may kalayuan ay dito dumaan ang kampo ni Freya upang makaiwas sa biglang pag-atake ng kalaban. Sa bandang silangan kasi ang pinakamalapit na daan ngunit maraming bantay ang naroroon. Nasasakupan iyon ni Ameesha. Masisira ang kanilang planong hanggat maaari ay huwag gumamit ng dahas. Iniisip pa rin ni Freya ang kapakanan ng kanyang nasasakupan ganon din ang kapakanan ng kanyang kapatid. Ilang sandali na lamang ay inaasahan na nila ang paglitaw ng mga fulva. Iyon kasi ang nagbabantay sa lugar na iyon, ayon sa pagkakaalam ng reyna.


MULA SA KAHARIAN NI AMEEHSA ay natanaw ng isang tagamasid ang pulutong ng kawal ni Freya. Dali-dali siyang tumakbo papunta sa kinaroroonan ni Ameesha.

“Mahal na Reyna! Mahal na Reyna!!” patakbong lumalapit ang tagamasid. Nabigla si Ameesha. Naputol ang pag-uusap nila ng isa sa kanyang mga alagad. Magkakaharap sila ni Sharukh, na may kapangyarihan ng apoy, si Roshnan, na may kapangyarihan ng hangin, at si Lareena, na may kapangyarihan ng tubig. Ang tatlong malalakas na pwersa ni Ameesha.

“Paparating na ang aking kapatid?” alam na ni Ameesha ang sasabihing iyon ng tagamasid. Tumango iyon sa reyna bilang pag-sang ayon. “Kung gayon, ihanda ang mga kawal! Ihanda ang lahat ng mga panlaban!” utos nito. at dagling nagsunuran ang mga nasa harapan niya.

“Lalabanan mo ba talaga ang iyong kapatid Ameesha?” tanong ni Roshnan. tila walang narinig ang reyna. Humakbang ito paharap at tumango.

“At nakahanda kang harapin ang kamatayan mo o ang kamatayan nya?” si Lareena.

“Kung ito ang guhit ng aming tadhana, wala na akong magagawa. Masakit man sa akin ay kailangang tanggapin.”

“Pero Ameesha, paano na ang ipinaglalaban natin?” si Sharukh.

“Ipagpatawad nyo… wala akong ibang pagpipilian kundi ang lumaban!”

“Mahal na Reyna! Papalapit na po sila! Hindi sapat ang panahon upang makapaghanda!” anang isang kawal na patakbong lumapit kay Ameesha.

“Anong klaseng mga kawal meron ako? Dapat ay handa kayo sa lahat ng oras!” matigas na tinig ni Ameesha. Bumaling ang tingin nito kay Lareena.

“Lareena, gamitin mo ang iyuong kapangyarihan upang matagalan ang paglusob nila.” Tumango ang dalaga.
“Sasama ako!” si Sharukh.

“Ako rin!” Si Roshnan.

“Hindi maari. Kailangang ilaan ang inyong kapangyariahn sa oras na mapasok nila ng ating kampo.”

“Pero kung magsasama sama kaming tatlo ay kaya naming tapusin ang mga kalaban.” Ani Roshnan at sumang-ayon ang dalawa pa.

“Huwag kang pakasisiguro! May bukod sa tagapagbantay ni Freya ay mayroon pa syang tatlong alagad. Ang halaman at ang imahinasyon. Lubhang malalakas ang mga ito.” natigilan ang tatlo sa sinabing iyon ni Ameesha. Kailan ma’y hindi nila nakitaan ng takot at pag-atras sa laban ng kanilang pinuno. Ngayon lang.

“Kung gayo’y aalis na ako. Gagawin ko ang lahat ng aking makakaya!” sukat noo’y biglang naglaho sa harapan ang dalaga at naiwang nag-iisip sina Sharukh ay Roshnan.

“Maghanda na rin kayong dalawa sa pagdepensa sa ating kampo!” kapwa sila nagulat sa matigas na tinig na iyon ni Ameesha.




Chapter 24

Nakatayo silang tatlo sa tapat ng isang malawak na karagatan. Tahimik ang pag-alon nito at halos hindi gumagalaw. Napakalinaw ng kulay luntiang tubig niyon.

“Bago ko tuluyan ipaaalam sa iyo ang kinaroroonan ng bukal ng kasagutan, nais kong marinig muli ang pag-sang-ayon mo tungkol sa isang tanong mula sa akin, Biel” muling sabi ni Krizes. Ilang ulit na niya itong binabanggit sa binata kanina habang naglalakbay sila papunta sa karagatan.

“Pangako yan Krizes!” ani Biel. Tumingin sa karagatan ang dalaga at tila may hinahanap. Nasa gitna ng dagat ang kanyang paningin.

“Mula dito ay bagtasin mo ng patuwid ang laot. Sa ginta niyan ay may makikita ka ng tila kumikinang na liwanag mula sa ilalim ng tubig.” At itinuro ng isang kamay ang gitna ng tubig. “Sundin mo ang liwanag na iyon dahil iyon ang makapagtuturo ng tamang daan patungo sa bukal.” Tumango-tango si Biel habang nakikinig. Sandaling tumigil at tumingin kay Iko.

“Biel, kailangan mong mag-ingat. May naghihintay na panganib bago mo marating ang bukal. Ang halimaw ng dagat. Ang bantay ng bukal.” Dagdag ni Krizes

“Mag-ingat ka Biel, sana ay magtagumpay ka. Sana’y matuklasan mo ang mga katanungang bumabagabag sa loob mo.” Si Iko.
“Sana nga Iko, sana.” Ani Biel. “Nais kong malaman ang kaguluhang bumabalot sa Jumeda at ang tungkol sa aking katauhan.” Dagdag pa ni Biel at tumingin kay Krizes. “Binibini, ano ang nais mong itanong sa bukal?” tumingin ang babae at nag-isip. Saglit na tumigil.

“Katulad ni Karana, nararamdaman ko ring mayroong ibang kinahuhumalingan ang aking asawa. At nais ko ng malaman kung sino iyon.”

“Pero alam mo kung ano ang kinahinatnan niyon.” Ani Iko.

“Hindi ko gagawin ang ginawa niya. Ibibigay ko ang aking asawa ng kusang loob.” Unti-unting pumatak ang luha ni Krizes.

“Krizes, bilang pagtanaw ng utang na loob, tutuparin ko ang aking pangako.”

“Salamat.”

“Mauna ka na kay Freya” ani Biel kay Iko.

“Hindi maaari. Hihintayin ko ang iyong pagbabalik. Hindi nila dapat malaman ang lahat.”

“Ako rin ay maghihintay dito.” Ani Krizes. “Alam kong magtatagumpay ka Biel.”

“Kung iyan ang inyong kagustuhan, sige, aalis na ako.”
Bigla itong nag anyong lawin at lumipad patungo sa gitna ng karagatan. Kapwa pinapanood nila Iko at Krizes ang paglayo nito sa kanila. Nakita rin nilang muling nagbago ang anyo nito at naging isang dambuhalang pating ng marating ang pusod ng dagat bago tuluyang sumagi ang katawan nito sa tubig.

PAPALAPIT NA ANG GRUPO ni Freya sa kampo ni Ameesha. Tulad ng kaharian ni Freya, ang kampo ni Ameesha ay nakatayo sa gitna ng malalim na bangin. Ngunit ang bangin na iyon ay may tubig di tulad ng kay Freya na wala. Lalong nabuhay ang kasabikan ng mga kawal habang lumalakad papalapit. Lalong lumakas ang kanilang pagsigaw. Lalong umingay ang buong paligid. Nang biglang lumitaw sa kanilang harapan si Lareena. Nakalutang ito sa hangin. Nasa likuran nito ang kaharian. Nakangiti sa lahat at tila kampante lamang at walang takot na nababasa sa kanyan mukha. Natigilan ang lahat.

“Hinahamon nyo ba ang pwersa ni Ameehsa?” aniya. Lumakas ang sigaw ng mga kawal.

“Tapusin syaaaa!!” sigaw ni Majud. At biglang nagliparan ang mga sibat patungo kay Lareena. Ngunit bago pa tuluyang makalapit iyon ay itinaas ng dalaga ng mga kamay at ang tubig sa kanyang likuran ay tumaas at humampas sa mga nagliliparang sibat. Gimbal ang mga kawal.

“Iyan ba ang lakas na inaasahan ninyong tatapos sa akin?” muling ngumiti ang dalaga. “Palusubin ang mga Vulpes!” muling sigaw ni Majud. Sa isang hudyat ni Majud ay biglang naglundagan papalapit kay Lareena ang mga dambuhalang Vulpes.

Tila hayok na hayok na lumusob ang mga Vulpes kay Lareena. Napakarami niyon at sunod-sunod na sumunggab sa dalaga. ngunit bawat paglusob ay naiiwasan niya. Malaking bagay din ang paglutang niya sa hangin. Hanggang sa tumaas pa ang kanyang paglipad at hindi na maabot ng mga Vulpes.
“Hahaha! Mga walang silbi! Hindi nyo ba alam na kaya ko kayong tapusin lahat?” muli nitong itinaas ang kamay at mula sa kung saan ay nagliparana ng matutulis na tubig na pinatigas ng kapangyarihan ni Lareena.

Psk! Psk! Psk!

Bawat paglapag niyon ay gumigilit sa leeg ng mga Vulpes. Isa-isang nangisay ang mga iyon. Hindi pa nasiyahan ang dalaga at humulma ng dalawang tila espadang tubig sa kanyang kamay. Bumaba ang mabilis nitong paglipad at sumugod sa mga vulpes. Nagtatalsikan ang mga dugo ng mga vulpes na kanyang nadadaanan. Ang iba’y bigla na lamang nahahati sa dalawa ang katawan. Iba’t ibang direksyon ang kanyang paglipad at sa bawat sugod niya’y isa o dalawang vulpes ang namamatay. Gimbal na pinanonood iyon ng mga kawal. Itinaas ni Majud ang kanyang kamay hudyat ng panibagong paglusob. Pagbaba nito’y biglang nagliparan ang mga sibat patungo kay Lareena. Nagulat ang dalaga. Hindi niya inaasahan ang paglusob na iyon. Papalapit na ang mga sibat sa kanyang katawan.

Sa isang iglap ay umikot ng mabilis si Lareena. Kasabay ng pag-ikot ng katawan niya ang malaking ipo-ipong tubig. Tinangay ang mga sibat ng tubig na iyon. Nasa ginta nito si Lareena na ngayo’y nakalutang sa hangin. Tumigil na siya sa pag-ikot ngunit patuloy pa rin ang ipo-ipong tubig. At sa isang kumpas ng kamay ay biglang bumuhos na tila napakalaking alon ang tubig na iyon. Natangay ang mga kawal.

Sa di kalayuan ay matamang pinagmamasdan nina Freya at ang lakas ng Jumeda ang pangyayari. Pinag-aaralan nila ang pagkilos ni Lareena. Kanina pa nais sumugod ni Mallika ngunit pinigilan ito ni Apo Shankar. Kailangan daw nilang makita ang tunay na lakas at matunton ang kahinaan ni Lareena.

“Mauubos ang ating mga kawal! Hayaan nyo na akong harapin sya!” ani Mallika kay Freya. Saglit na nag-isip ang reyna at tumingin kay Apo Shankar.

“Ibalato nyo na sya sa akin!!” matigas na tinig ni Raima. Halos sabay-sabay na napatingin ang lahat.









CHAPTER 25

Patuloy ang paghagupit ng tila bagyong kapangyarihan ni Lareena. Wala ni isa sa mga kawal ang makalapit sa kanya. Napakalakas ng pagbugso ng pinaghalong hangin at tubig. Lahat ay nabuwal sa tindi ng kapangyarihang iyon.

Nang makitang nahihirapan na ang mga kawal ay ibinaba nito ang kamay at sa isang iglap ay tumigil ang pagbugso ng kapangyarihan. Nakangiti ito at tila nasisiyahan sa nakikita. Ang paghihirap ng kawal ni Freya. Kakaibang kasiyahan ang kanyang nadama ng ipamalas niya ang kanyang lakas. Lalo pang nakadagdag ang dahan-dahang pagtayo ng mga kawal mula sa pagkakabuwal. Tila nasalanta ng bagyo. ‘Ngunit kulang pa ito’. sa isip niya. Muli niyang itinaas ang mga kamay. At maya-maya lamang ay lumutang sa hangin ang mga butil ng tubig. Unti unting humugis iyon na tila isang patalim at sa isang iglap ay naging matigas na parang bakal iyon. Daan daang patalim. Nakalutang ito sa bandang likuran ni Lareena. Nakahandang lumusob sa anumang oras na naisin niya. Tila mga patalim na nakalutang sa hangin. Takot ang mga kawal sa nakita. Uulan ng matatalim na tubig. Tiyak na hindi sila makaka-iwas sa paglusob na iyon. Matamang pinagmasdan ni Lareena ang mga kaaway sa kanyang harapan. Waring nasisiyahan siya na makita ang takot sa mukha ng mga kawal. Maya-maya pa’y muli niyang itinaas ang mga kamay. Hudyat ito upang pakawalan ang patalim na tubig. Binalot ng takot ang mga kawal. Wala silang maisip na gawin ngunit handa sila sa anumang mangyayari. Dahan dahang gumalaw ang mga patalim na tubig. Tumutok iyon sa mga kaaway. Biglang ikinumpas ni Lareena ang mga kamay at sa isang iglap ay lumusob ang mga patalim. Mabilis iyon. Walang nagawa ang mga kawal kundi yumuko.

TSUG! TSUG! TSUG!

Ilang ulit na narinig iyon. Sunud-sunod.

Katahimikan.

Natapos ang paglusob ng mga patalim na tubig. Unti-unting bumangon ang mga kawal. Lahat ay nagtataka. Wala ni isa man lang sa kanila ang nasugatan. Tumingin sila sa paligid. Tila nadagdagan ang kadiliman. Nagulat sila sa matataas na punongkahoy na nakaharang sa kanilang harapan. Maging si Lareena ay nagulat sa nakita.

“Ako ang harapin mo!” tinig ni Raima.. Nakalutang ito sa hangin sakay ng kanyang mahiwagang dahon. Unti-unting lumubog sa lupa ang mga puno sa harapan ng mga kawal. Natuwa ang mga ito.

“Raima. Ang tagapangalaga. May hawak ng kapangyarihan ng mga puno at halaman” ani Lareena. “Magaling! Mabuti naman at gaganahan akong makipaglaban. Ang mga kawal ninyo ay mga walang silbi.” Dugtong pa nito.

“Ibigay mo ang lahat ng kaya mo!”
Itinutok ni Lareena ang kanyang mga kamay kay Raima. “kung ganon, simulan naaaa!!!!” sigaw nito at nagpakawala ng matutulis na tubig. Papunta sa kaaway. Sunud-sunod iyon. Mabilis namang iniiwasan ni Raima ang mga iyon. Sakay ng kanyang dahon, lumipad itong pataas habang umiiwas. Sinundan naman ito ni Lareena. Nang maiwasan ang lahat ng patalim na tubig ay humarap si Raima kay Lareena ngunit nabigla siya. Halos isang dipa na lamang ang lapit nito sa kanya. Napansin niya ang espadang tubig sa kamay nito. Nakatutok sa kanya. Akmang isasaksak ito ni Lareena kay Raima ngunit naiwasan ito ng dalaga. at sa isang iglap ay nabuo ang isang latigong tinik sa kanyang kamay. Mabilis niyang inihampas iyon kay Lareena. Nagulat naman iyon ngunit nakaiwas sa paglusob ni Raima. Kapwa sila dumistansya sa isa’t isa. Sabay na nakikiramdam ng susunod na paglusob. Biglang lumitaw sa isa pang kamay ni Lareena ang isa pang espadang tubig. Ngayo’y dalawang kamay na nito ang may matalim na panlaban. Si Raima naman ay nagpalabas ng panangga sa kabilang kamay. Yari ito sa kahoy at mga dahon. Sa kabilang kamay nito ang latigong tinik. Nakatingin sila sa isa’t isa. Mata sa mata.

Mabilis na sumugod si Lareena. Nakaumang ang dalawang espada kay Raima. Sinalubong naman ito ng dalaga at humanda sa depensa. Inundayan ng saksak ni Lareena si Raima ngunit nasalag nito ang kanyang sandata. Palitan sila ng paglusob at pag-iwas habang nakalutang sa hangin. Manghang pinanonood iyon ng mga kawal.

“Mga kawal!!! Sugoooood!!” sigaw ni Majud at nagsigawan ang mga kawal. Lumakad ito patungo sa kampo ni Ameesha.

Narinig iyon ni Lareena. ‘hindi pa sila maaaring sumugod, kailangang mapigilan ko sila’ sa isip niya. Ngunit mabilis ang bawat pag-unday ng espada ni Raima. Hindi siya maaaring kumurap man lamang. Patuloy ang kanilang sagupaan ng biglang lumipad ng mataas si Lareena. Umiwas siya kay Raima at pagkuwa’y mabilis na bumulusok paibaba papunta sa mga kawal. At nang malapit na ito’y muling itinaas ang kamay at lumabas ang napakaraming matutulis na tubig. Nakatutok iyon sa mga kawal. Napakabilis ng pangyayari at tila hindi namalayan iyon ni Raima. Sumunod siya kay Lareena. Bumulusok din ito pababa sakay ng kanyang mahiwagang dahon. Nakataas ang kamay ni Lareena. Sumigaw si Majud at inutusan ang mga kawal na gamitin ang mga kalasag. Mabilis namang sumunod ang mga ito at nagtipon-tipon at nagtago sa kanya-kanyang kalasag.
Nakahanda na si Lareena upang pakawalan ang mga punyal na tubig. Ibinigay na nito ang hudyat at biglang gumalaw ang mga ito. tila iisa lamang ang ikinikilos. Lahat ay nakatutok sa mga kawal. Nang bigla’y naroon si Raima sa kanyang likuran. Inundayan siya ng latigong tinik sa likuran. Bumaon ang talim ng tinik sa kanyang likod. Ramdam niya iyon at nawaln ng kontrol ang kanyang paglipad ngunit mabilis niyang binago ang direksyon ng mga punyal na tubig habang bumabagsak paibaba sa lupa. Napunta ito kay Raima. Agad namang sinalag niyon ng dalaga ngunit hindi lahat ay naiwasan niya.

PSK! PSK! PSK!

Tatlong punyal ang humagip sa kanyang mga braso. Nawalan ng kontrol ang kanyang paglipad. Halos sabay silang bumagsak sa lupa. Kapwa sila bumangon at muling lumipad sa himpapawid. Minadali ni Lareena ang paglusob gamit ang kanyang espada at muli silang naglaban.

Sinamantala ng mga kawal ni Freya ang pagkakataon at patuloy silang lumusob hanggang marating nila ang pinto ng kaharian ni Ameesha. Bahagya nang nakapaghanda ang mga kawal doon at nakahanda na rin sa pakikipaglaban. Labis na nag-alala si Lareena dahil hindi niya napigilan ang paglusob ni Freya. Hindi kasi naging madali sa kanyang pigilan si Raima sa bawat atake nito. napasok na nila Freya ang kampo ni Ameesha. Lumabas na rin sina Roshnan at Sharukh. Ang apoy at ang hangin. Maging si Ameesha aylumabas upang makipaglaban. Naging magulo na ang labas ng kaharian. Lumaban na ang mga kawal ni Ameesha sa mga kawal ni Freya. Bawat isa ay naghahanap ng makakalaban. Nagliliparan ang mga sibat at kanya kanyang unday ng espada. Nakalutang sa hangin sina Ameesha at ang dalawang pwersa nito. matamang pinanonood ang kaguluhan. Tila nangingilid ang luha ni Ameesha. Hindi niya ito nais ngunit kailangan niyang lumaban para sa kanyang paniniwala. Tumingin siya kay Sharukh at sumenyas. Tumango ang binata at bumaba ng bahagya. Itinaas ang mga kamay at biglang nagpalabas ng pwersa. Isang malaking bolang apoy! Wala ni isa man ang nakapansin doon dahil abala sa pakikipaglaban. Biglang ihinagis iyon ni Sharukh pababa sa mga naglalaban. Napakalaking bolang apoy niyon at tiyak na walang makakaligtas sa pwersang iyon. Mabilis na bumaba ang apoy patungo sa mga kawal na walang kamalay-malay sa mangyayari. Nang biglang napatingala ang isa sa mga kawal.

“ILAAGGG!!!” sigaw nito. at tila nakuha ang atensyon ng karamihan at sabay-sabay na napatingala. Nakita nila ang papalapit na higanteng bolang apoy, ngunit huli na upang makaiwas pa. papalapit na ito sa kanila. Ito na marahil ang kanilang katapusan. Halos lahat ay napayuko. Natigil ang labanan. Ngunit biglang nabago ang direkyon ng apoy. Lumihis ito at dumaan lamang sa lahat. Sa may gawing silangan ito bumagsak at nagkaroon ng isang malakas na pagsabog. Nagtaka si Sharukh, at hindi niya malaman kung sino ang may kagagawan niyon.

“Isa kang hangal Sharukh!” tinig ni Ameesha habang papalapit sa binata. “Hindi mo naisip na pati ang ating mga kawal ay masasawi sa gagawin mo?”

“Pero nakahanda naman sila sa mangyayari. Hindi na dapat pagtagalin pa !”

”Isa kang hangal!” at isang malakas na sampal ang dumapo sa pisngi ng binata.

“Tauhan pa rin natin sila!”

“Para kay Reyna Ameeshaaaa!!!!” sigaw ng isang alagad at sinundan iyon ng malakas pang sigawan at muling natuloy ang labanan ng mga kawal. Si Sharukh ay natahimik at humingi ng tawad kay Ameesha. Ngunit agad naman itong napatawad ng reyna.

Muling nagsimula ang kaguluhan. Nagpalabas si Sharukh ng maliliit na bolang apoy at tumingin sa ibaba. Sinipat ang mga kawal ni Freya at tinantya ang paglusob na gagawin. Tiniyak niyang ang mga kaaway lamang ang tatamaan. Iniangat niya ang kanyang kamay at akmang titirahin ang mga kawal ng biglang may kung anong pwersa ang tumama sa kanyang dibdib. Matigas na bagay iyon. Namilipit siya sa sakit. Biglang naglaho ang apoy na kanyang nilikha. Nakita niyang bumagsak ang isang piraso ng bato mula sa kanyang dibdib. Halos kasinlaki ito ng kanyang ulo. Nagulat siya at hinanap ang pinagmumulan ng batong iyon. Sa di kalayuan ay nakangiti sa kanya si Mallika. Nakalutang din ito sa hangin at kumindat pa ito ng magtama ang kanilang paningin. Labis na ikinagalit iyon ni Sharukh. Bahagya siyang lumapit sa kinaroroonan ni Mallika at gumawa ng apoy sa kanyang mga kamay. Itinaas nya iyon sa kanyang harapan at sumambulat ang napakalakas na apoy patungo sa direksyon ni Mallika. Hindi ikinagulat ni Mallika ang ginawa ni Sharukh. Bagkus ay gumawa siya ng isang makapal na usok ngunit nahagip iyon ng apoy ni Sharukh. Tumagos ang apoy hanggang sa likod. Lihim na ngiti si ang binata. At unti-unting napapawi ang usok. Ngunit ikinagulat iyon ni Sharukh. Wala si Mallika. Naglaho itong parang bula. At bigla, sa kanyang likuran, isang bato ang tumama sa kanya. Humagis siya at bumangga sa isang puno at tuluyan nang nawalan ng kontrol sa paglipad at bumagsak sa lupa. Nakangiti si Mallika habang papalapit sa kanya.

“Yun na ba ang kapangyarihan mo?” anito.

“Isa kang traydor!” mataas ang boses ng binata habang tumatayo.

“Traydor? Dahil hindi tumama ang apoy mo sa akin? Hahaha!” may pang-aasar na sabi nito.

“Kayang-kaya kitang tapusin!” ani Sharukh.

“At ikaw? Hindi ko kayang tapusin? Pasalamat ka dahil pangatlong buhay mo na yan! Dalawang beses nang tumama ang mga bato sa katawan mo. Paano kung espada ang inihagis ko sa iyo?” ani Mallika at natahimik ang binata. “Bibigyan pa kita ng isa pang pagkakataon… Sugod na!”

Muling lumutang sa hangin si Sharukh. Magkatapat na sila ngayon. Mata sa mata. Muling nag-apoy ang mga kamay ni Sharukh.
“Simulan mo na!” nakangiting sabi ni Mallika.




CHAPTER 26


Tahimik na binabaybay ni Biel ang kalaliman ng dagat. Namamangha siya dahil ngayon lamang siya nakasisid ng ganoong katagal sa ilalim ng dagat. Napakaluwag ng kanyang paghinga. Nadadaanan niya ang iba’t ibang uri ng isda. Mas lalo niyang binilisan ang paglangoy. Naisip niya ang sinabi ni Krizes. ‘mag ingat sa halimaw.’ Ngunit hanggang ngayon ay wala pa siyang nakakasalubong na ganito. Marahil ay pinatay na ni Karana nung magpunta siya doon. Ngayon ay natatanaw na niya ang dulo ng liwanag. Tila may isang bagay na kimikinang doon. Iyon na marahil ang bukal. Lalo pa niyang binilisan ang paglangoy. Sabik siyang malaman ang dahilan ng kanyang pagpunta sa Jumeda at kung sino ang kanyang ina. iyon ang dalawang tanong na ibibigay niya. Malapit na siya sa kumikinang na liwanag ng biglang may kung anong pumulupot sa kanyang buntot. Hindi siya makalangoy. Nagpupumiglas siya ngunit hindi iyon maalis. Pahigpit ng pahigpit. At ilang sandali pa ay lumabo ang tubig. Naging kulay pula ang kanyang paligid. Nagkalat ang kanyang dugo. May kung anong nakabaon sa kanyang buntot. Maya-maya lang ay naramdaman niyang humagis siya at bumangga sa napakalaking bato. Nawala ang nakapulupot sa kanyang buntot. Namilipit sa sakit ang dambuhalang pating. Nakikiramdam. madilim ang paligid. Tanging ang kumikinang na liwanag sa di kalayuan ang nagsisilbing liwanag. Pilit niyang inaaninag kung ano ang nasa harapan niya. Ilang saglit pa’y lumitaw ang isang aura ng dambuhalang halimaw. Tila isang pugita. May mga tinik ang mga galamay nito. muling lumusob ang isa sa mga galamay nito papalapit kay Biel ngunit mabilis niyang nailagan. Binilisan niya ang paglangoy at umikot sa may bandang likuran ng halimaw. Ngunit sumalubong sa kanya ang isa sa mga galamay ng halimaw. Mabilis na pumulupot iyon sa kanyang katawan. Muling bumaon ang mga tinik niyon. Habang nagpupumiglas ay lalong lumalalim ang pagkabaon. Pinilit niyang lumangoy at lumayo hanggang sa mabanat ang galamay na iyon. Biglang lumusob ang pating papalapit sa halimaw dahilan upang lumuwag ang pagkakapulupot ng galamay nito. mabilis na umikot ang pating at nahagip ng bibig nito ang galamay. Kinagat niya iyon at namilipit sa sakit ang halimaw. Lalo pang bumaon ang kanyang mga pangil sa galamay na iyon hanggang sa tuluyan na siyang mabitiwan.

Sinamantala niya ang pagkakataon at muli siyang lumusob. Nilapitan ang isa pang galamay niyon at muling kinagat. Nararamdaman niyang humahampas sa kanyang likuran ang iba pang galamay na puro tinik ngunit hindi niya ito pinansin. Lalo niyang diniinan ang pagkagat hanggang sa naramdaman niyang naputol iyon. Lalong umigting ang galit ng halimaw. Sunod sunod na paglusob ng galamay nito ngunit naiiwasan naman iyon ng pating hanggang sa makalapit ito sa kanyang likuran. Kinagat niya ang bandang likod nito at hindi na binitiwan. Nagpaikot-ikot ang halimaw kasabay ang pating na hindi pa rin bumibitiw sa pagkakakagat. Lambot na humandusay ang halimaw ngunit buhay na buhay pa rin ito at alam iyon ni Biel. Sa isang iglap ang nagbago ang anyo ng pating. Naging isang cobra. Mabilis itong tumuklaw sa katawan ng halimaw. Paulit-ulit. Hinayaan niyang kumalat ng mabuti ang kamandag sa katawan nito. ilang sandali pa’y habol ang hininga ng cobra kaya’t bumalik ito sa pagiging pating na ngayo’y duguan pa rin. Mabilis itong lumayo sa halimaw na ngayo’y unti-unti nang nawawalan ng buhay. At nagulat si Biel nang biglang nagliwanag ang halimaw. Nakasisilaw iyon. At nang mapawi ang liwanag ay wala na ang halimaw. Muling bumalik ang kadiliman. At kataka-takang pati ang kanyang mga sugat ay naglaho. Muli niyang tiningnan ang liwanag sa di kalayuan at tiyak niyang iyon ang bukal kaya’t mabilis niyang tinungo ang kinaroroonan niyon.

Ilang sandali pa’y pumasok siya sa isang yungib. Kataka-takang lumabas siya sa isang lugar na puro bato ang nakapaligid. Nag-anyong tao siya at umahon sa tubig. Nilibot ng paningin ang paligid habang dahan-dahang naglalakad. Sa bandang kanan niya ay natanaw niya ang isang bukal kaya’t madali niyang pinuntahan iyon.
“Nais kong magtanong sa iyo, bukal ng kasagutan” aniya at hinintay niya ang sagot nito ngunit bigo siya.

“Inuulit ko, sagutin mo ang susunod kong mga tanong!” muli siyang naghintay ngunit wala pa rin itong sagot. Nagtaka siya at muling nilibot ng paningin ang paligid. Sa di kalayuan ay may isa pang bukal ang kanyang nakita. Nilapitan niya iyon.

“Ikaw ba ang bukal ng kasagutan?” tanong niya. Muli siyang naghintay ng sagot
ngunit bigo pa rin siya. Nalungkot siya. Marahil ay wala na ang bukal. Naupo siya sa may malaking bato at nag-isip. Malungkot ang kanyang mukha. ‘nasaan ang bukal ng kasagutan?’




CHAPTER 27

Biglang napunta ang kanyang paningin sa kakaibang bukal sa si kalayuan. Tila nagliliwanag ang tubig niyon. Lihim na natuwa ang binata. Dali-dali nyang tinungo ang bukal na iyon.

“Ikaw ba ang bukal ng kasagutan?” tanong niya ng marating niya ang bukal. Saglit na katahimikan.

“Oo Biel, ako nga. Binabati kita at narating mo ang lugar na ito. Dahil dyan, isang pagbabago ang mangyayari sa iyong kapangyarihan! Ang katanungan mo ay aking natugon.” malaki at tila umaalingawngaw na tinig ng buka, Tuwang tuwa si Biel. Hindi na ito nagtaka kung bakit kilala siya ng bukal sapagkat alam niyang lahat ng nangyayari sa Jumeda ay alam ng bukal. Hindi na siya nag-aksaya pa ng panahon.

“Nais malaman ni Krizes, na taga-hilagang Jumeda kung mayroon bang kinahuhumalingang iba ang kanyang asawa.” Tanong nito sa bukal.

“Hmm… isang napakababaw na katanungan, ngunit dahil tungkulin kong sagutin ang iyong katanungan ay pagbibigyan kita.” Anang bukal.

“Si Landro, isang matipuno at malakas na mandirigma ng hilagang Jumeda ay tapat sa kanyang asawa. Maraming kababaihan ang nahuhumaling sa kanya ngunit dahil sa katapatan niya sa kanyang asawa ay hindi niya ito pinapansin.” Patuloy ng bukal. “Ang katanungang mayroon bang kinahuhumalingang ibang babae ang asawa ni Krizes ay aking natugon. ano pa ang susunod mong katanungan?”

“Nais ko pong malaman kung ano ang kaguluhang bumabalot sa Jumeda na naging dahilan ng pagparito ko gayong isa akong tagalupa” ani Biel. Saglit na natahimik ang bukal.

“Isang mahabang kwento.” Sagot nito. “Noong panahon ng pamumuno ng namayapang si Haring Nhator, ama nina Freya at Ameesha, napakatahimik ng Jumeda. Minana niya ang pagiging hari nang kapwa mamayapa ang kanyang ama at ina dahilan sa isang malubhang sakit. Kaya’t sa murang edad ay natuto siyang pangalagaan ang buong kaharian. Iginagalang siya ng bawat nilalang dito. ” Panimula ng bukal. Umupo si Biel sa malaking bato habang nakikinig. “Walang digmaang nagaganap noon, dahilan sa pantay-pantay na pagtingin ng hari sa lahat. Napakabuti nito dahilan upang maging maganda ang takbo ng buhay sa Jumeda. Lahat ay nasa ilalim ng kanyang kapangyarihan. Lahat ay buong pusong naglilingkod sa hari.”

“Sa malayong lugar ng Jumeda ang naninirahan ang isang makapangyarihang salamangkero. Ang kanyang kapangyarihan ay nagmula pa sa kanyang mga ninuno. Lahat ng ilusyon ay kaya niyang gawing tunay. Napakalakas ng kanyang kapangyarihan. Ngunit ang kanyang puso ay sinakop ng inggit at nais niyang igalang siya ng mga taga-jumeda katulad ng paggalang nila kay Haring Nhator. Dahil dito, gumawa siya ng paraan upang mapalapit siya sa Hari. Sampung malalaking halimaw ang pinakawalan niya sa kaharian. Tinawag itong fulva. Umatake ito sa mga inosenteng tao at marami ang nasaktan at nasawi. Halos lahat ng mga kawal ay sumubok na tapusin ang mga ito ngunit walang nagtagumpay. Sa bandang huli ay ang hari na mismo ang lumaban gamit ang kapangyarihang ipinamana rin sa kanya ng mga ninuno. Ngunit habang napapatay ng hari ang mga fulva ay lalo itong dumadami. Naging malaking dagok iyon sa kaharian kaya’t iniutos ng hari na kung sino ang makakapuksa sa mga halimaw na iyon ay bibigyan niya ng magandang posisyon sa kaharian. At doon nagpakita ang matandang salamangkero. Gamit ang kanyang kapangyarihan, napuksa niya ang lahat ng mga halimaw. Lubos na ikinatuwa iyon ng buong kaharian at naging mataas ang tingin ng mga tao sa salamangkero. At bilang gantimpala, ibinigay ng hari ang isa sa pinaka mataas na posisyon sa kaharian. Siya ang ginawang tagapayo ng hari.”

“Naging matagumpay ang plano ng salamangkero ngunit hindi pa doon natapos ang lahat. Makaraan ang ilang pang panahon, nagkaroon ng asawa ang hari. Isang makapangyarihan ding reyna. Napakaganda nito at napakalakas ng kapangyarihan. Mula ito sa kanlurang Jumeda. Naging masaya ang buong kaharian at biniyayaan sila ng dalawang naggagandahan dalaga. Iyon ay sina Freya at Ameesha. Mahal na mahal ni Haring Nhator ang kanyang asawa at naging dahilan iyon ng inggit ng tagapayo. Halos lahat kasi ng desisyon ay sa asawa na nito itinatanong at pangalawang opinyon na lamang ang sa tagapayo. Ngunit sa bandang huli ay ang payo pa rin ng asawa ang nasusunod. Labis kasi ang katalinuhan nito.”

“Muling nagplano ang tagapayo. Kailangang mapasa-kanya ang kaharian. Una niyang papatayin ang mga anak ng hari. Isang araw, sa paglilibot-libot ng magkapatid sa hardin ng kaharian, isang halimaw ang umatake sa mga ito. takot na takot ang magkapatid. Nakita naman iyon ng mga kawal na bantay at nilabanan iyon ngunit hindi sila nagtagumpay. Natalo ang mga kawal. Muling bumaling ang halimaw sa dalawa at sinunggaban ang mga ito. mabuti na lamang at dumating ang reyna at ginamit ang kapangyarihan upang proteksyonan ang mga anak. Napatay niya ang halimaw ngunit hindi niya napansin na meron pang isang halimaw sa kanyang likuran at umatake ito sa kanya. Iyon ang ikinamatay ng reyna. Sa puntong iyon, dumating ang tagapayo at pinatay ang halimaw at siya ang lumabas na bayani. Ang tagapagtanggol ng dalawang prinsesa. Labis na ikinalungkot ng hari ang pagkamatay ng kanyang asawa at hindi nagtagal ay dinapuan siya ng malubhang sakit at tuluyan nang namatay. Ngunit bago pumanaw, inihabilin niya sa tagapayo ang kanyang mga anak at ipinamana sa mga prinsesa ang kapangyarihan ng hari at reyna. Pinaghati niya ito sa dalawa. Ang kapangyarihan ng kalikasan, ilusyon, at mga hayop ay ibinigay niya kay Freya at ang kapangyarihan ng hangin, apoy at tubig ay sa nakababatang anak na si Ameesha. Lihim na ikinatuwa ng salamangkero ang pangyayari dahil madali na para sa kanya ang tapusin ang mga prinsesa. Maghihintay lamang siya ng tamang pagkakataon. Dumaan pa ang mga panahon at naging dalaga na ang mga prinsesa. Labis na ikinagulat ng tagapayo ang biglang paglakas ng mga kapangyarihan nito. lingid pala sa kanyang kaalaman ay lihim na nagsasanay ang magkapatid at patuloy na pinalalakas ang kapangyarihan upang maging handa sa muling pagsalakay ng mga halimaw. Hinati-hati nila ang lakas at ipinaubaya sa iba’t ibang mapagkakatiwalaang kawal.”

“Isang araw, sa pagsasanay ni Ameesha, nakakita siya ng isang sanggol na fulva. Naawa ito sa kalagayan niyon at iniuwi niya sa kaharian. Kahit na tutol ang kapatid na si Freya ay patuloy niya itong pinalaki at nang maglaon ay dinala ng halimaw si Ameesha sa lugar ng mga fulva. Nagsimula ang paniniwala ni Freya na naging sakop na ni Ameesha ang mga fulva na lihim na rin niyang ikinatuwa para sa kapatid.”

“Ikaw naman Biel, ay naparito dahil ikaw ay may dugong Jumeda. Hindi inaasahan ng tagapayo na makakarating ang isang tagalupa dito sa Jumeda. Matagal kasi itong namalagi sa lugar ng kanyang pinanggalingan upang mas lalo pang palakasin ang kapangyarihan. Hindi niya nagustuhan ang biglang paglakas ng kapangyarihan ng magkapatid. Dinala ni Ameesha sa jumeda ang tagalupa nang minsang dumalaw ito sa inyong mundo. Nabuo kasi ang pagmamahal sa puso nila. Labis na ikinagalit iyon ni Freya. Ngunit napatawad agad niya ang kapatid dahil sa lubos na pagmamahal nito sa kanya. Inilihim nila sa lahat ang pangyayari. Lihim nilang inililibot ang tagalupa sa kaharian at di nagtagal, kapwa nahulog ang loob ng magkapatid sa tagalupa. Kahit kapwa nila alam na si Ameesha ang tunay na minamahal ng tagalupa, umasa pa rin si Freya na mapasa-kanya ito. at sa di inaasahang pangyayari, isang kataksilan ang nangyari. Naakit ang tagalupa sa kagandahan ni Freya at lihim nilang inilabas ang init na kanilang nadarama.”

“Nang malaman ni Ameesha ang pangyayaring iyon ay nagalit ito sa kapatid. Nagsimula ang alitan nila sa isa’t isa at kahit anong paghingi ng tawad ni Freya ay hindi ito napatawad ni Ameesha. Ibinalik niya ang tagalupa sa kanilang mundo at tuluyan nang ibinaon sa limot. Matagal na hindi nagpakita si Ameesha sa kaharian. Ngunit ng kinalaunan ay muli itong bumalik at humingi ng tawad kay Freya at naging maayos muli ang magkapatid. Nang magbalik ang tagapayo sa kaharian, nabalitaan nitong isang sanggol ang isinilang. Ang bunga ng tagalupa at ng taga-jumeda. At ikaw yun Biel. Iniutos agad ng tagapayo na ipapatay ang sanggol dahil hindi maaaring maghalo ang dugo ng tagalupa at taga-jumeda. Nagtulong ang magkapatid upang itakas ang sanggol. Si Mallika ang naging daan upang maibalik ang sanggol sa tunay nitong ama sa lupa at mula noon ay hindi na ito nasundan pa ng kahit sinong taga-jumeda.”

“Naging magulo ang buong Jumeda mula ng mag-aklas si Ameesha. Ilang taga-Jumeda kasi ang nakakitang nagpupunta pa ito sa mundo ng mga tao na mahigpit nang ipinagbabawal nung mga panahong iyon. Ipinagtanggol ni Freya ang kapatid ngunit sa bandang huli ay pumayag na rin itong ipakulong ang kapatid upang hindi mawala ang paggalang ng mga tao sa kaharian. Habang nasa kulungan ay lalong pinalakas ni Ameesha ang kanyang kapangyarihan. At makalipas ng ilang pang panahon, nag-aklas ito kasama ang iba pang mga nakakulong at walang sinuman ang nakatalo sa kanila. Nagtayo siya ng sariling kampo na malapit sa lagusan papunta sa mundo ng mga tao.”

“At ikaw ay narito dahil sa plano ng tagapayo. Si Apo Shankar! Katulad ni Binong at ni Raima, ang kanilang mga ama ay nasa kamay ni Ameesha at sila ang gagamitin ni Apo Shankar upang kalabanin si Ameesha. Sinong ama ba ang makakayanang patayin ang sariling anak?”

“Ang kinikilala mong ina ay inatake ng fulva na pinaniniwalaang kagagawan ni Ameesha. Ngunit hindi ito totoo. Ang lahat ng iyon ay plano ni Apo Shankar upang makasiguro siyang babalik ka dito sa Jumeda dahil nararamdaman niyang ayaw mo nang balikan ang tunay mong lahi. Sa kasalukuyan ay naglalaban na ang kampo ni Ameesha at ni Freya. Kung magtatagal ka pa rito ay maaaring hindi mo na maaabutang buhay ang iyong ina. Ang katanungan mo ay akin nang nasagot.”

Natigilan si Biel sa sinabing iyon ng bukal.

“Sino po ang aking tunay na ina?” tanong nito.

Katahimikan.

“Inuulit ko.. sino ang aking tunay na ina?”

Katahimikan.

“Bukal na kasagutan! Sumagot ka!” pasigaw na tinig ni Biel.

“Ikinalulungkot ko Biel, tatlong katanungan lamang ang maaari kong sagutin.” Sagot ng bukal.

“Pero dalawang tanong pa lamang ang naibigay ko!” anang binata. Saglit na nag-isip at ibinalik ang sarili sa pangyayari kanina. ‘tatlong tanong?’ sa isip niya. Unang tanong, ‘Nais malaman ni Krizes, na taga-hilagang Jumeda kung mayroon bang kinahuhumalingang iba ang kanyang asawa’…..at ang ikalawa….’ Nais ko pong malaman kung ano ang kaguluhang bumabalot sa Jumeda na naging dahilan ng pagparito ko gayong isa akong tagalupa’ at ano naman ang ikatlo? Biglang tila ay may bumulong sa kanya… ‘Ikaw ba ang bukal ng kasagutan?’
Tama! Ito nga ang unang tanong na kanyang naibigay! Tatlong tanong na ang kanyang naibigay.





CHAPTER 28

Muling lumutang sa hangin si Sharukh. Magkatapat na sila ni Mallika ngayon. Mata sa mata. Muling nag-apoy ang mga kamay ni Sharukh.
“Simulan mo na!” nakangiting sabi ni Mallika.
Biglang nag-apoy ang mga kamay ni Sharukh. At mula sa nagliliyab na kamay ay nakahulma ng espadang apoy. Samantala, si Mallika naman ay gumawa ng espadang bakal sa mga kamay nito. Mabilis ng sumugod si Sharukh inundayan ng paulit-ulit si Mallika ngunit nasasalag ito ng dalaga. patuloy ang paglalaban nila sa ere. Nang biglang kapwa sila napalibutan ng usok. Nawala sa paningin ni Sharukh ang dalaga dahil doon. Tila nabahala ang binata kayat nagpalabas siya ng ipo-ipong apoy. Nasa gitna siya niyon. Lumalakas ang apoy habang tumatagal. Mula sa itaas ay bumulusok paibaba si Mallika. Pasugod iyon sa binata. Naramdaman iyon ni Sharukh kayat bigla siyang nagpalabas ng malakas na apoy sa kanyang kamay na nakatutok sa dalaga. napakalakas niyon. Sa isang iglap ay nakabuo ng pananggalang si Mallika at nasalag ang apoy na iyon, ngunit ang pwersa ay hindi niya nakayanan kaya’t tumilapon siya papalayo. Mabilis itong sinundan ni Sharukh habang walang kontrol na lumalayo ang dalaga. nang maabutan niya ito ay inundayan ng sunod sunod na suntok. Hindi na naiwasan iyon ni Mallika. Sinalo niya ang bawat suntok na iyon ng binata. Maya-maya pa ay naglabas ng apoy sa kamay si Sharukh at inunday sa dalaga. nang biglang may kung anong bagay ang tumama sa likuran ng binata. Ang bakal na pananggalang ni Mallika. Biglang tumilapon ang binata samantalang si Mallika naman ay nakabawi at nakontrol ang paglipad. Itinaas nito ang kamay at dalawang bakal na bilog ang lumabas. Sa pagkumpas ng kayang kamay ay humagis ang mga bakal na iyon patungo sa direksyon ni Sharukh. Tumama ang unang bakal sa binata dahilan ng pagbagsak nito sa lupa. Nagkaroon pa ng mababaw na hukay iyon dahil sa lakas ng kanyang pagbagsak. Ilang saglit pa’y paparating na ang ikalawang bakal at hindi na naiwasan ni Sharukh. Hindi pa man nakakabangon ay biglang dumagan iyon sa kanya.

SAMANTALA, isang hagupit ng latigong tinik ang tumama sa likuran ni Lareena. Hindi niya napansin iyon matapos niyang undayan ng espadang tubig si Raima na naiwasan naman nito. bumaon ang mga tinik sa kanyang likod at bumagsak siya sa lupa. Dahan dahang bumangon si Lareena at nagpakawala ng matutulis na tubig patungo sa direksyon ni Raima. Hinahampas niya ng latigo ang bawat paglusob na iyon. Minsa’y sinasalag niya iyon ng kanyang pananggang kahoy. Patuloy ang pag-ulan ng mga talim patungo kay Raima ngunit naiiwasan at nasasalag naman iyon ng dalaga.
Biglang lumakas ang hangin. Kasabay niyon ang ipo-ipong tubig. Papalapit iyon kay Raima. Unti unti. Hanggang sa tuluyan siyang lamunin niyon. Nahiwalay ang dalaga sa mahiwagang dahon na kanyang sinasakyan at paikot ikot siya sa ipo-ipong tubig. Nakangiti si Lareena at nasisiyahan sa nakikita sa kabila ng pagdurugo ng kanyang likuran. Patuloy ang walang kontrol na pag-ikot ni Raima. Nag-iisip siya ng gagawin kung paano makakaalis sa tubig na iyon. Ipinikit niya ng kanyang mga mata. Nang biglang tumubo mula sa ilalim ng lupa ang isang malaking puno. at pagkuwa’y biglang humaba ang latigong tinik ni Raima. Humaba iyon at pumulupot sa puno. sa isang hatak lamang ni Raima ay naialis niya ang katawan sa ipo-ipo. Nakita iyon ni Lareena.
“yan lang ba ang kaya mo?” tanong ni Raima. Hindi makaimik si Lareena. Waring nag-iisip. Nawala na ang ipo-ipo. Muli namang lumubog sa lupa ang puno ni Raima. Biglang napangiti si Lareena. Nahiwagaan si Raima sa inasal na iyon ng dalaga. magkaharap sila ngunit may kalayuan sa isa’t isa. Hindi na sila lumutang pa sa hangin. Kapwa sila nakatapak sa lupa.
“Gusto mo palang tapusin na ang labang ito? kung ganon, pagbibigyan kita!” biglang humangin sa paligid. At naglutangan ang mga matatalim na tubig. Mas malalaki iyon. Humanda si Raima sa paglusob na iyon. Ngunit nagtaka siya nang biglang tumigil iyon sa kanyang harapan. Saka na lamang niya napansin na napapaligiran siya ng matatalim na tubig na iyon. Sa harap, sa likod at sa bandang ulunan niya. Lahat ay nakatutok sa kanya. Ngumiti si Lareena.
“Ha ha ha. Isang kilos mo lamang ay babaon ang mga iyan sa iyong katawan, Raima. Ha ha ha” ani Lareena. “O paano, edi tapos na ang laban?” dugtong pa nito. Hindi gumagalaw si Raima. Malalim ang iniisip. Nakatingin sa nasisiyahang si Lareena. Patuloy lamang ang pagtawa nito.
Biglang may kung ano ang lumabas mula sa lupa sa kinatatayuan ni Lareena. Nagulat ito at akmang lilipad pataas ngunit mabilis na pumulupot sa magkabila niyang kamay ang halaman na mula sa ilalim ng lupa. Hinatak siya nito paibaba. Biglang tumubo mula sa kanyang likuran ang isa na namang mahabang halaman. Mabilis iyong pumulupot sa kanyang leeg. Hindi niya maikilos ang mga kamay dahil nakapulupot pa rin doon ang ilan pang halaman. Napangiti si Raima.
“Sila naman ang mga alaga ko.” anito. “Sa oras na gumalaw ka, lalong hihigpit ang pagkakasakal nila sa iyo.!”

SA KAMPO NI AMEESHA ay naglalaban pa rin ang mga kawal. Nakalutang sa hangin sina Ameesha at Roshnan at matamang pinanonood ang kaguluhan. Biglang lumitaw si Freya sa kanilang harapan. Malungkot ang mukha nito at nakatingin sa kapatid. Tila nangungusap ang mata nito. Hindi malaman ni Ameesha ang pakiramdam niya. Tila naaawa siya sa kapatid. Tila nais niyang yakapin ito. matagal na rin nang huli silang mag-usap. Ngayon lamang niya naramadaman ang kasabikang makitang muli ang kapatid. Papalapit si Freya kay Ameesha ng biglang tumilapon ito papalayo. Ang kapangyarihang hangin ni Roshnan ang nagtulak dito. Malakas ang paglusob na iyon at humampas ang katawan ni Freya sa pader ng kaharian bago tuluyang bumagsak sa lupa. Agad na nakita ito ng alagad ni Ameesha at hinagisan ng sibat. Papalapit na ito kay Freya ngunit nakita agad ito ng reyna at sa isang kumpas ng kamay ay huminto ito sa hangin at bumagsak sa lupa. Dahan dahang siyang bumangon. Ilang saglit pa’y nasa harapan na kaagad niya si Roshnan, nakatutok ang mga kamay nito sa kanya na kanya naman ikinabigla. Isang kumpas lang ng binata ay sunud-sunod na matatalim na hangin ang pinakawalan nito. biglang naglabas ng tila kuryenteng pananggalang si Freya at lahat ng pwersa ni Roshnan ay nasalag niya. Dahan-dahan niyang sinalag ang matatalim na hangin at bigla niyang itinulak ang kuryenteng pananggalang at lumipad iyon patungo sa binata. Hindi na nito naiwasan ang paglusob ni Freya at tumilapon siyang papalayo. Muling umangat sa hangin si Freya ngunit hindi pa siya gaanong nakakataas ay biglang may tumamang kuryente sa kanyang katawan. Muli siyang bumagsak sa lupa. Tiningnan niya ang pinagmumulang ng kuryenteng iyon at nakita niya si Ameesha.


CHAPTER 29

Tatlong tanong na ang kanyang naibigay! Hindi pa rin makapaniwala si Biel sa pagkakamaling kanyang nagawa. Hindi niya napahalagahan ang bawat salitang kanyang binitiwan. Nanghihinayang siya sa isang tanong na hindi nasagot ng bukal.
“Kailangan mong humayo upang madatnan mo pang buhay ang iyong ina.” tinig mula sa kung saan. Tila nataranta si Biel sa narinig. ‘Kailangan ko nang bumalik’. Dali dali siyang tumayo at tumalon sa tubig. Pinilit niyang mag-anyong pating ngunit hindi niya magawa. Kinabahan siya.
“ISURUS!!!!” sigaw niya. Ngunit hindi pa rin nabago ang kanyang anyo. Muli syang umahon sa tubig at lumapit sa balon.
“Anong ginawa mo sa akin? Bakit nawala ang kapangyarihan ko?” tanong niya ngunit tahimik lamang ang balon. ‘Kailangan kong bumalik sa ibabaw’ sa isip niya. ‘ngunit paano?’
“FALCON!”
“MAXIMUS!”
“CABALLUS!”
“MURINUS!”
Sunod-sunod niyang tinawag ang pangalan ng makapangyarihang hayop sa kanyang katawan ngunit walang nangyayari. Lumapit siya sa tabi ng tubig at tiningnan ang repleksyon niya doon. Walang pagbabago sa kanyang itsura.
Biglang sumulpot mula sa tubig ang isang galamay ng halimaw at pumulupot sa kanyang leeg at hinila siya pailalim sa tubig. Nagpumiglas siya ngunit hindi siya makawala. Palalim ng palalim ang halimaw kasunod si Biel. Iminulat niya ang kanyang mata at nakita niya ang halimaw. Iba ang anyo nito. tila umiilaw sa kadiliman ng karagatan. Nawala na ang mga tinik sa galamay nito. Naging madulas at malinis ang anyo. Natigilan sa pagpupumiglas si Biel. Unti-unti namang lumuwag ang pagkakasakal ng halimaw hanggang sa tuluyan na itong bumitiw at pagkuwa’y biglang naglaho sa kanyang paningin. Nakita niya ang mahabang liwanag mula sa ilalim patungo sa ibabaw ng karagatan. Dali-dali siyang lumangoy patungo roon. Narating na niya ang liwanag saka lamang niya napansin ang mabilis niyang paglangoy. Hindi tulad ng isang ordinaryong tao. at ang higit niyang ipinagtaka ay ang paghinga niya sa ilalim ng tubig. Tama! Nakakahinga siya sa ilalim ng tubig! Bigla niyang naalala ang unang sagot ng bukal sa kanya.
“Binabati kita at narating mo ang lugar na ito. Dahil dyan, isang pagbabago ang mangyayari sa iyong kapangyarihan!”
Ito marahil ang pagbabago sa kanyang kapangyarihan. Habang binabaybay niya ang daan patungo sa ibabaw ng karagatan ay may tinig siyang narinig.
“Dahil narating mo ang bukal ng kasagutan, at nalagpasan mo ang pagsubok nito, malaking pagbabago ang mangyayari sa iyong kapangyarihan. Taglay mo pa rin ang lakas nina Maximus at Murinus. Ang bilis ni Caballus, ang tapang ni Leo, ang paglipad at talas ng pakiramdama ni Falcon, at ang kakayahang maglakbay sa ilalim ng tubig na kapangyarihan ni Isurus. Maging ang kamandag ni Naja at Arachnid ay nasa iyong mga kamay. Ilabas mo ang iyong kamao at isipin mo si Naja.” Sinunod ni Biel ang sinabi ng tinig. Tiningnan niya ng kanyang kamao at inisip ang cobra. Bigla’y may lumabas na tig-dalawang tila pangil na bakal sa kanyang kamao. Tumagos iyon sa kanyang balat ngunit hindi siya nakaramdam ng sakit. Kinontrol niya sa kanyang isip at naglabas masok iyon sa kanyang kamao. Napangiti si Biel.
“Humayo ka at maging tulay sa katahimikan ng Jumeda.”
Mabilis niyang nilangoy patungo sa ibabaw ng karagatan. At nang makita niya ang katapusan niyon, patuloy parin siya sa pagsulong hanggang sa lagpasan niya ang tubig. Nakataas ang kanyang kamay at tuloy-tuloy siya. Hanggang sa matagpuan ang sariling nakalutang sa hangin. Umikot-ikot pa siya sa hangin bago tuluyang magtungo sa kinaroroonan nina Iko at Krizes.

NAGTATAKANG nakatingin ang dalawa kay Biel habang papalapit ang binata sa kanila. Nakalutang kasi ito sa hangin kahit hindi sa kaanyuan ng isang lawin. Nakangiti naman ito sa kanila. Dahan dahan siyang bumaba sa harapan nila. Nakatulala pa rin si Iko at di makapaniwala sa nakikita niya.
“Anong problema Iko?” ani Biel paglapag ng mga paa sa lupa. Nasa gitna siya nina Iko at Krizes.
“Anong nangyari sa ilalim ng dagat?” taka pa ring tanong nito.
“Mahabang kwento.” Sagot ng binata. “Ngunit kailangan na nating magmadali bago mahuli ang lahat!”
“Mahuli? Ang alin?” tanong ni Krizes.
“Ipaliliwanag ko na lang habang patungo tayo sa kampo no Ameesha. Tara na!” at muling lumutang sa hangin si Biel.
“Teka Biel, paano naman ‘to?” tanong ni Iko sabay turo ng nguso kay Krizes. Saglit na nag-isip si Biel. Muling bumaba at tumakbo na lamang sila. Iniisip ni Biel na buhatin na lamang ang babae ngunit hindi niya alam ang kaugalian sa Jumeda. Baka ikagalit niya ito o ng asawa nito sakaling makita sila nito. Habang mabilis na naglalakad ang tatlo ay ikinuwento ni Biel ang lahat lahat sa kanila.


CHAPTER 30


Nagtama ang paningin ng magkapatid. Pawang seryoso ang mga mukha nito. Unti-unting bumangon si Freya.
“Sukatan ba ng lakas ang iyong kailangan? Pagbibigyan kita mahal kong kapatid.” Aniya at muling lumutang sa hangin. Papalapit sa kanila si Roshnan ngunit muling binigyan ng malakas na pwersa iyon ni Freya. Muling sumalpok ang tila bolang kuryente sa dibdib ng binata at muli itong tumilapon.
“Magaling Freya! Ngunit tingnan ko lang kung hanggang saan makararating ang galing na iyan!” ani Ameesha at biglang naglabas ng mga bolang kuryente patungo sa kapatid. Mabilis naman itong iniwasan ni Freya at gumanti siya ng isa ring pwersa. Isang bolang kuryente mula sa kanyang kamay. Nailagan din iyon ni Ameesha at tumuloy iyon sa mga naglalabang kawal at sumabog ng malakas. Nabigla ang mga iyon at saglit na natigilan dahil sa lakas ng pagsabog. Halos saby-sabay silang tumingala at pinanood ang magkapatid na naglalaban.
Gamit ang dalawang kamay, gumawa ng mas malaking pwersa si Ameesha. Mas malaking bolang kuryente. Gayun din ang ginawa ni Freya. Isang malaking pwersa rin ang kanyang ginawa at halos sabay nilang pinakawalan iyon at nagbanggaan sa hangin.

SAMANTALA, dahan-dahan bumangon si Sharukh mula sa ilalim ng bolang bakal na pinakawalan ni Mallika. Nakangiting pinanonood ito ng dalaga.
“Ano, kaya mo pa?” aniya.
Matalim na tumingin si Sharukh sa kanya na ngayo’y nakatayo na. Biglang nag-apoy ang buong katawan nito. lumakas ng lumakas hanggang sa hindi na makayanan ni Mallika ang init kahit may kalayuan siya kay Sharukh. Lumutang siya sa hangin at tuluyang lumayo paitaas ngunit sumunod sa kanya ang binata. Naglabas ng maraming maliliit na bolang apoy at sunud-sunod na pinakawalan iyon patungo sa direksyon ni Mallika.
Naramdaman agad iyon ng dalaga kaya’t humarap siya sa binata at iniwasan ang mga bolang apoy na iyon. Ngunit paglampas sa kanya ay muling bumalik iyon at patungo sa direksyon niya.
“Hahaha!! Hindi ka titigilan ng mga alaga ko hanggat hindi ka tinatamaan!” ani Sharukh.
Biglang nagpakawala ng maliliit na bolang bakal si Mallika patungo sa binata ngunit bago pa ito sumayad sa katawan niya ay nalusaw iyon sa sobrang init.
“Yan lang ba ang kaya mo? Hahaha!” tanong ng binata.
Muling lumipad palayo si Mallika upang iwasan ang patuloy ng paglusob ng mga bolang apoy. Sa di kalayuan ay natanaw niya sina Raima at Lareena. Bagamat hindi nya lubos na nalilinawan ang pangyayari ay tila nararamdaman niyang nasa panganib si Raima, ganun din si Lareena. Bahagyang napangiti si Mallika nang may kung anong pumasok sa kanyang isipan. Mabilis siyang lumipad patungo sa direksyon ni Lareena na ngayon ay nasasakal ng mga halaman ni Raima. Napansin agad siya nito ngunit wala itong magawa. Hindi siya makaalis sa pagkakasakal ng mga halamang iyon. Papalapit na si Mallika kay Lareena kasunod ang mga bolang apoy ni Sharukh. At nang halos dumikit na si Mallika ay mabilis din siyang lumipad paitaas. Tumuloy ang mga bolang apoy at sumabog sa kinatatayuan ni Lareena. Humagis siya dahil sa lakas ng pagsabog niyon. Nasunog pati ang mga halaman ni Raima. Samantala, ang mga matatalim na tubig na nakatutok kay Raima ay biglang bumagsak sa lupa na tila patak ng ulan. Naging malaya ang dalaga dahil sa ginawang iyon ni Mallika. Tinawag ni Raima ang mahiwagang dahon niya at sumakay siya pagdating niyon. Umangat siya sa lupa at tumabi kay Mallika na nakalutang rin sa hangin. Nagulat ng bahagya si Sharukh at nilapitan si Lareena na ngayon ay dahan-dahang bumabangon at namimilipit sa sakit dulot ng mga bolang apoy na sumabog sa kanya. Inalalayan pa niya ito ng bahagya. Saglit na natigilan ang dalawa at nag-usap sa kanilang mga mata habang pinanonood nila Mallika at Raima mula sa itaas.
Mabilis na nagbalik ang lakas ni Lareena at muli itong lumutang sa hangin kasabay ni Sharukh. Ngayo’y magkakatapat na silang apat. Sa bandang kanan sina Mallika at Raima samantalang sa kaliwa naman sina Sharukh at Lareena.
Biglang nag-apoy ang buong katawan ni Sharukh at lumakas ang kanyang pagliyab.
Isang ipo-ipong tubig naman ang biglang sumulpot sa likuran ni Lareena.
Mula naman sa ilalim ng lupa ay lumabas ang mga dambuhalang halamang ugat sa bandang paanan ni Raima.
Mula naman kung saan ay naglabasan ang ilang matatalim na espada mula sa likuran ni Mallika.
Kapwa sila nakahanda sa paglusob.

“MAGSITIGIL KAYOOOO!!!” tinig mula sa ibaba. Ikinagulat iyon ng apat. Nagtataka sila kung kaninong tinig iyon. Sa di kalayuan ay nakita nilang humahangos ang tatlong nilalang. Sina Biel, Alvin at Krizes.
“B-biel?” ani Mallika. “Bakit ngayon ka lang? kailangang kailangan ka namin.”
“Itigil nyo na ang kaguluhang ito! isang malaking pagkakamali ang dahilan nito” ani Biel. Habang lumulutang paitaas sa gitna ng apat na mandirigma.
“Anong ibig mong sabihin?” takang tanong ni Raima.
“Saka ko na lamang ipaliliwanag. Kailangang makausap ko si Freya!” sagot ng binata. “Kayong dalawa…” tumingin siya kina Sharukh at Lareena. “Alam kong sinusunod nyo lamang ang utos ng inyong pinuno, kaya’t nakikiusap ako, hayaan nyo munang ipaliwanag ko sa lahat ang isang malaking kamalian!”
Tila napako sa kinalalagyan ang apat. Lahat ay naguguluhan sa biglang pangyayari. Bagamat hindi sila dapat magtiwala ay nasa itsura ni Biel ang sinseridad at nararamdaman nilang totoo ang nasa puso nito.
“Kailangan ko silang makausap bago mahuli ang lahat! Raima, Mallika, tulungan nyo ako!” hindi pa man sumasang-ayon ang dalawa ay mabilis nang tumalilis si Biel. Walang nagawa ang dalawang mandirigma kundi ang sumunod kay Biel. Naiwang nagtataka pa rin sina Sharukh at Lareena. Biglang tumigil si Biel. Tila may naalala. Mabilis siyang bumalik at humarap sa dalawang naiwang mandirigma.
“Sina Iko at Krizes na ang magpapaliwanag sa inyo.” Anito at tumingin sa kinaroroonan nina Iko. muling lumipad papalayo si Biel. Ngayon ay sabay-sabay nang lumilipad sina Biel, Raima at Mallika.


CHAPTER 31

Patuloy ang pagsasalpukan ng pwersa nina Ameesha at Freya. Halos kapwa nila iubos ang kanilang lakas. Ang nagsasalpukang tila kuryenteng pwersa ay palaki ng palaki sa bandang gitna ng dalawa. Kapwa nila itinutulak sa direksyon ng bawat isa, samantalang tila natulala ang mga alagad. Maya-maya pa’y nagtatalsikan mula sa pwersang iyon ang tila maliliit ng kuryente at tumatama kung saan saan. Isang pagtalsik ay tumama sa kinaroroonan ng ilang mga kawal at sa isang iglap ay nasunog ang mga iyon at naging abo. Gimbal ang lahat at nagtakbuhan upang magtago.
Hindi naramdaman ni Freya ang isang aura na papalapit sa kanyang likuran. Nakaumang ang pwersa niyon sa kanya. Si Roshnan. tatlong matatalas na hangin ang nakatutok ngayon sa reyna. Parang isang magnanakaw na dahan dahang lumalapit habang nakalutang sa ere. Tinatantya ang bawat galaw. Naghihintay ng tamang pagkakataon upang matiyak ang gagawing paglusob.

“ITIGIL NYO NA YAN!!!” tinig mula sa di kalayuan.
PSK! PSK! PSK!
Tatlong sunod na ugong ang kasabay ng tinig na iyon. Ikinagulat iyon ng lahat. Ang tinig ay nagmumula kay Biel, ngunit kasabay niyon ay ang matatalim na hingin na tumusok sa likuran ni Freya dahilan upang maitigil nito ang kanyang pwersa at tumama ang pwersa ni Ameesha sa kanya. Tumilapon siyang papalayo at bumangga sa pader ng kaharian ni Ameesha at tila walang malay na bumagsak sa lupa.
“Mahal na Reyna!” halos sabay na tinig nina Mallika at Raima at mabilis nilang tinungo ang kinaroroonan ni Freya. Nahuli ng bahagya si Biel. Gulat na gulat sa pangyayari. Nakita siya ni Roshnan at pinaulanan ng matatalim na hangin.
Dahil sa talas na pakiramdam dulot ng kapangyarihan ng lawin, naiwasan iyon ni Biel.
“Sandali lang! Isang malaking pagkakamali ang lahat!” sigaw ni Biel matapos iwasan ang matatalim na hangin.
Muling naglabas ng pwersa si Roshnan at muling pinaulanan niyon si Biel. Paulit-ulit naman itong iniiwasan ng binata. Pinanonood iyon ni Ameesha at tila natulala. Mangha siya sa bawat galaw ni Biel. Maliksi. Hindi nasiyahan si Roshnan sa nangyari kaya’t gumawa siya ng espadang hangin at mabilis na nilapitan si Biel at biglang inundayan ito.
“Sandali lang!” ani Biel habang iniiwasan ang paglusob na iyon.
“Ano, natatakot ka?” ani Roshnan.
“Ayokong saktan ka! Isang pagkakamali lang ang lahat!”
“Bakit? Naduduwag ka ba ha?”
“Tama na sabi!!!” halos galit na tinig ni Biel at inundayan ng isang malakas na suntok sa mukha si Roshnan. Tumilapon iyon paibaba at bumangga sa mga puno. ilang mga puno ang naputol sa lakas ng pagtilapon na iyon ni Roshnan.
“Ameesha, at lahat kayong naririto” malakas na tinig ni Biel patukoy sa kaharap na si Ameesha at ang mga kawal na nasa ibaba. “Tayong lahat ay mga biktima lamang ng isang kasakiman sa kapangyarihan!” patuloy niya. Tila natahimik ang lahat.
“Anong ibig mong ipahiwatig?” tanong ni Ameesha. At napatingin ito sa walang malay na kapatid na nakahiga sa lupa at inaalalayan nina Raima at Mallika.
“Kagagaling ko lang sa bukal ng kasagutan” nagulat ang lahat.
“At ano naman ang pagkakamaling iyong natuklasan?” muling tanong ni Ameesha. At isa-isang nagdadatingan ang kanyang mag alagad. Sina Sharukh, Lareena, at ang nanlalambot pang si Roshnan.
“Ang lahat ay kagagawan ni Apo Shankar! Nilinlang niya tayong lahat!” Gulantang si Ameesha at ang mga alagad nito. ang mga kawal sa ibaba ay nagbulungan. “Siya ang-”
SHUG!
Natigil ang pagsasalita ni Biel dahil sa tila kuryenteng tumama sa kanyang dibdib. Tumilapon siya ng bahagya. Napatingin ang lahat sa pinagmumulan ng kuryenteng iyon. Sa bandang likuran nila Ameesha, nakalutang sa hangin si Apo Shankar!!!
“Hindi na nya kailangan ipagpatuloy pa. ako na ang magpapaliwanag” aniya at nagbigay ng nakaiinsultong ngiti. “Oo. Ako nga. Ang may kagagawan ng lahat…….Noon pa ma’y nais kong maging akin ang buong Jumeda. Ngunit dahil sa iyong ama, hindi natupad ang aking ninanais.” Dahan-dahan itong lumapit sa kanila. “At dahil doon, pinatay ko sya. Hahaha!” nagulat ang lahat at namuo ang galit sa kanilang dibdib. Bakas iyon sa kanilang mga mukha.
“At hindi lang iyon…. Pati na rin ang inyong ina!” muling ngumiti si Apo Shankar.
“Isa kang taksil! Pagbabayaran mo ang ginawa mo!” ani Ameesha.
“At ano ang gagawin mo? Papatayin mo ako? Hahaha! Ngayon pang ako na ang pinakamakapangyarihan sa buong Jumeda?” muling ngumiti si Apo Shankar. Biglang nagliwanag ang buong katawan nito.
“Magbabayad kaaaa!!!!” sigaw ni Ameesha sabay nagpakawala ng malakas na pwersa patungo kay Apo Shankar. Napakalakas niyon at siguradong malulusaw ang buong katawan ng matanda. Ngunit hinarang lamang iyon ng kanyang palad at tila walang nararamdaman. Bahagyang itinulak ni Apo Shankar ang kanyang kamay at bumalik ang pwersa kay Ameesha. Tumilapon itong palayo.
Isa-isang naglutangan sa hangin ang mga kawal nina Ameesha at Freya. Pinalibutan nila ang matanda. Isa-isa silang naglabas ng kapangyarihan. Espadang apoy kay Sharukh, espadang tubig kay Lareena, matalim na hangin naman ang kay Roshnan. sila ang nasa bandang harapan. Sa may likuran naman ay naroon sina Raima at ang kanyang latigong tinik at si Mallika at ang kanyang espadang metal.
Ngumiti si Apo Shankar.Itinaas niya ang kanyang kamay. Biglang nagliwanang ang kanyang katawan. Isang kidlat ang tumama sa kanyang katawan. Nakasisilaw iyon. Unti-unting nagbago ang kanyang anyo. Humaba ang mga balahibo ng kanyang katawan. Humaba ng bahagya ang kanyang mukha at lumabas ang mga pangil sa bibig. lumaki ang kanyang katawan na naging dahilan ng pagkapunit ng kanyang kasuotan. Ang buong katawan ay nabalutan ng balahibo na tulad ng sa aso. Isang dambuhanlang taong lobo. Umalingawngaw ang malakas na ungol niyon.
“Wala nang makapipigil pa sa akin!” isang malaking tinig mula sa dambuhala. “Kung hindi mapapasa akin ang Jumeda, mas mabuti pang wasakin ko na lang ang lugar na ito at lipulin ang tagarito.” Dugtong pa nito.
“Pipigilan ka namin!” ani Sharukh sabay lapit sa halimaw at inundayan ng sunod sunod ng kanyang espada. Ngunit hindi man lamang iyon tumatama sa kahit saang parte ng katawan nito. maliksing iniilagan ito. tumulong na rin si Roshnan at Lareena. Tatlo na silang kinakalaban ng halimaw ngunit mahusay pa rin ang pag-ilag nito at maibilis naiiwasan ang bawat pag-unday ng kanilang mga espada. Ilang saglit lang ay humagis papalayo si Sharukh. Isang malakas na suntok sa dibdib ang tumama rito mula sa halimaw. Bumangga ito sa pader ng kaharian at nawasak iyon. Halos kasunod noon ay humagis din sina Lareena at Roshnan.
Ang latigong tinik ni Raima ay biglang pumulupot sa leeg na halimaw. Hinila niya ng buong lakas ngunit hindi man laman ito natinag. Bigla’y hinawakan ng halimaw ang latigo at nag-apoy iyon hanggang sa dulo at napaso ang kamay ni Raima dahilan ng pagkabitiw nito.
Ngayo’y si Mallika naman ang lumusob sa halimaw. Inundayan niya ito ng espada at tulad din sa sinapit ng mga alagad, tumilapon din siyang papalayo.
Lubhang malakas ang halimaw para sa mga alagad. Muli itong nagpakawala ng malakas ng alulong at tumingin iyon sa ibaba. Nakita niya ang mga kawal. Itinaas nito ang kamay at sa isang iglap ay nagdatingan ang daan-daang mga fulva. Papalapit ito sa mga kawal. Gimbal ang lahat.
“Humanda kayong lahat lalaban tayo!” sigaw ni Majud mga alagad sabay hugot ng espada sa bewang. Nagsigawan naman ang mga nasasakupan niya. Napatingin siya sa pinuno ng kawal ni Ameesha at tumango ito sa kanya. Hinugot rin niya ang espada.
“Mga kawal! Humanda sa pagsalakay!” anito kasunod niyon ang sigawan ng mga kawal. Nagkaisa ang mga kawal na lalaban sa mga paparating na fulva.
Muling itinaas ng taong lobo ang kamay at sa isang iglap ay nadoble ang dami ng mga fulva. Nagulat ang mga kawal. Halos apat na beses ang dami nito sa kanila. Nagtinginan ang lahat.
“Lalaban tayo hanggang kamatayan!” muling sigaw ni Majud ngunit tila mahina ang sigaw ng mga kawal. Tila natatakot ang mga iyon.


CHAPTER 32

Bigla’y lumutang sa hangin si Mallika. Ipinikit ang mga mata at itinaas ang mga kamay. Mula sa kanyang kapangyarihan ay nagsulputan ang mga vulpes. Daan daan iyon. Unti-unting nanghihina ang katawan ni Mallika dahilan sa lakas ng kapangyarihang inilabas niya. Bagamat hindi kasing dami ng Fulva ni Apo Shankar ay malaking tulong na rin iyon sa mga kawal. Muli silang nabuhayan ng loob sa pangyayari. Si Mallika naman ay bumagsak sa lupa at mabilis na nilapitan nila Iko at Krizes upang tulungan. Binuhat nila ito at itinabi sa nanghihina pa ring si Freya.
“Hanggang kamatayan!!!!” muling sigaw ni Majud at kasunod niyon ay ang malakas na pagsigawan ng mga kawal. Ngayo’y iisa na lamang ang kanilang ipaglalaban. Ang kalayaan ng Jumeda. Papalapit na ang mga fulva at unang sumugod ang mga vulpes. Pangil sa pangil ang labanan. Kasunod niyon ang mga kawal. Kanya kanyang pagsugod at isa isang humarap sa mga halimaw.
Samantala, muli na namang sumugod si Sharukh. Ngayo’y wala na itong espada. Nagliliyab ang kanyang kamao at iniuunday niya ito sa halimaw. Mabilis naman niya itong iniilagan. Isang mabilis na pagsuntok ang pinakawalan ni Sharukh at sa kauna-unahang pagkakataon ay tumama iyon sa dibdib ng halimaw. Nasaktan iyon. Gumanti agad ng isang kuryente at iniumang iyon kay Sharukh at muli siyang tumilapon papalayo ngunit sa pagkakataong ito’y may sumalo sa kanyang likuran. Si Biel.
Mabilis na lumipad si Biel patungo sa halimaw at walang sabi-sabing sinuntok iyon. Nakailag naman iyon at gumanti ng suntok at nasalag naman ni Biel. Nagpalitan sila ng malalakas na suntok. Pabilis ng pabilis. Hanggang sa magpakawala ng isang kuryente ang halimaw mula sa kanyang kamao. Bagamat nailagan ni Biel ang suntok na iyon ay ramdam niya ang init nng kamao sa kanyang pisngi. Nakakuha ng pagkakataon si Biel sa pagsuntok na iyon. Gamit ang kanyang bilis, yumuko siya at inundayan ng isang malakas na suntok sa tiyan ang halimaw. Tinamaan iyon at bahagyang tumilapon. Mabilis na sinundan ni Biel at inundayan ng isa pang suntok sa dibdib. Nasaktan ng maigi ang halimaw. Isang suntok pa ang pakakawalan ni Biel ng biglang tumama ang isang kuryente sa kanyang dibdib mula sa halimaw at bahagya siyang napaurong sa sakit. Muling nakabawi ang halimaw. Isa na namang suntok ang pinakawalan nito at tumama sa bandang tyan ni Biel. Muli na namang susuntok ito ngunit nahawakan ni Biel ang braso nito at sinuntok ng binata sa bandang tiyan ang halimaw. Hindi niya binitiwan ang braso at sunod sunod na suntok sa tyan ng halimaw ang kanyang pinakawalan gamit ang lakas ni Maximus. Saglit niyang inipon ang lakas at isang ubod ng lakas na suntok ang pinakawalan niya sa mukha ng halimaw at humagis itong paibaba sa lupa. Bahagya pang nahukay ang lupa sa lakas ng pagbagsak ng halimaw. Mabilis itong sinugod ni Biel at sinamantala ang pagkakataon habang nakahiga pa ito. sunod sunod na suntok sa mukha nito ang kanyang pinakawalan. Ang mga mandirigma ay nanonood lamang sa kanya at namamangha sa angking lakas nito. habang sinusuntok ni Biel ang halimaw ay bumabaon ito sa lupa hanggang sa lumalim ang hukay niyon. Nang makitang halos wala nang malay ang halimaw ay muling lumipad paitaas si Biel habang nakatingin pa rin sa halimaw. Ngayo’y nakangiti na ang mga alagad at nakatingin sa binata.
Samantala, ang mga kawal ay patuloy pa ring nakikipaglaban sa mga fulva. Bagamat marami na ang sugatan ay patuloy pa rin ito sa paglaban. Daan daang fulva na ang nakahandusay sa lupa. Ilang mga vulpes na rin ang namatay ngunit karamihan ay buong tapang pa ring nakikipaglaban.
Papalayo na si Biel sa nakahandusay na halimaw nang bigla siyang nakaramdam ng kakaiba. Tila isang panganib. Muli niyang nilingon ang halimaw at nakita niyang umiilaw iyon. Isang nakasisilaw na liwanag. Lahat ay nagulat sa pangyayaring iyon.
Maya maya lamang ay lumutang sa hangin ang halimaw. Mula sa kinaroronan nito, muling nagbago ang kanyang anyo. Lumaki ito nang mas higit pa. tatlong beses sa laki nito kanina. Nagpakawala iyon ng malakas ng alulong. Nakabibingi!
Sunud-sunod na bolang apoy ang pinakawalan ni Sharukh at sumabog sa katawan ng dambuhalang halimaw. Napuno ng usok ang buong kaanyuan niyon. Pansamantalang tumigil iyon sa pag-alulong. Maya-maya pa’y unti-unting napapawi ang usok. Ngunit tila walang nangyari sa halimaw. Nakatayo pa rin iyon ng matikas.
Kasunod niyon ay ang libu-libong matatalas na hangin naman ang pinakawalan ni Roshnan. sunud-sunod iyon. Tinulungan din siya ni Lareena na nagpakawala naman ng napakaraming matatalas na tubig. Ngunit walang nangyayari sa ginawa nilang paglusob. Mabilis na sinasalag ng halimaw ang mga iyon gamit ang kamay. Hanggang sa manghina ang mga kawal sa lakas ng kapangyarihang pinakawalan.
Nilapitan ni Raima sina Freya at Mallika at binigyan ng varka. Ang mahiwagang dahon. Unti-unting nanumbalik ang lakas ng dalawa at nagpasalamat kay Raima. Matapos iyon ay sabay sabay silang lumutang sa hangin at hinarap ang halimaw.
Saglit na natigilan ang halimaw. Ngayo’y kaharap niya ang lahat na pinakamalalakas na mandirigma ng Jumeda. Bahagya itong napangiti. Ang kumpyansa sa sariling matatalo ang mga ito ay tumataas. Natutuwa siya dahil alam niyang hindi siya kayang talunin ng mga ito dahil sa taglay niyang lakas. Naroon sina Freya at ang mga alagad na sila Raima, Mallika at Biel. Sina Ameesha naman ay nasa bandang kanan kasama sina Sharukh, Roshnan at Lareena. Halos sabay sabay na naghanda sa paglusob ang mga ito. umikot ang ipo ipong apoy sa katawan ni Sharukh. Gayun din sina Lareena at Roshnan na taglay ang hangin at tubig. Maging si Ameesha ay nag-ipon ng malakas na tila kuryente sa kanyang katawan tulad ng ginagawa ni Freya.
Biglang nagliparan ang mga mandirigma sa iba’t ibang direksyon at unang sumugod si Roshnan at ang kanyang ipo ipong hangin ay pumalibot sa halimaw. Sinundan iyion ni Lareena at ang kanyang ipo ipong tubig. Pilit na kumakawala ang halimaw sa loob ng ipo ipong iyon ngunit lalong lumalakas iyon. Mula sa itaas ng ipo ipo ay pumasok si Sharukh at nagpakawala ng malakas na apoy patungo sa halimaw. Nakulong ito sa pinaghalong tubig at hangin na ipo ipo at ngayo’y punong puno ng apoy. Isang malakas na alulong ang pinakawalan nito. itinakip ang mga braso sa kanyang mukha at biglang dumipa. Isang malakas na pagsabog ang naganap. At ng mapawi iyon, nawala na ang ipo ipo at ang apoy. Tila walang nangyari sa halimaw.
Biglang tumama sa dibdib ng halimaw ang isang bola ng kuryente. Bahagya itong napaurong. Malakas iyon. Kasunod noon ay isa na namang bolang kuryente at muling tumama sa kanyang dibdib. Ramdam niya iyon at hinanap ang pinamumulan niyon. Nakita niya si Ameehsa. Mula sa kamay ng halimaw ay bumuo ito ng bolang kuryente na tulad ng kay Ameesha. Ganun din sa kabilang kamay nito at bigla itong kumilos at lumipad ng mas mataas. Sinundan iyon ng tingin ng mga mandirigma. Biglang pinakawalan ng halimaw ang bolang kuryente. Sa isang iglap ay dumami iyon. Daan daan. Hinabol ang lahat ng mga mandirigma. Kanya kanyang direkyon ang mga iyon ngunit kahit saan sila magtungo ay nakasunod ang mga bolang iyon. Muling napangiti ang halimaw. Tuwang-tuwa siya habang pinanonood ang mga mandirigmang umiiwas sa kanyang obra maestra.
Nagulat ang halimaw sa isang suntok sa kanyang pisngi. Napakalakas niyon at bahagya siyang humagis. Kasunod noon ay tumama sa kaniya ang bolang kuryente na pinakawalan niya. Sumabog ito sa kanyang katawan. Ang suntok iyon ay nagmula kay Biel. Pinasunod niya ang bolang kuryente at nagpunta siya sa direksyon ng halimaw. At nang makakuha ng tyempo ay inundayan niya ito ng suntok.
Samantala, habang iniiwasan ang mga kuryente ay nagtama ang mga mata nina Freya at Ameesha. Tila iisa ang kanilang iniisip. Bigla’y kapwa sila humarap sa isa’t isa at lumipad ng magkasalubong. At nang halos magdikit ang kanilang katawan ay biglang nagbago ang kanilang direksyon. Lumipad sila paitaas at ang mga bolang sumusunod sa kanila ay nagbanggaan at tuluyan nang sumabog. Ganoon din ang ginawa ng iba pang mga alagad. Maliban kay Lareena na walang makasama. Nag-ipon siya ng bolang tubig at inunday niya iyon sa mga bolang humahabol sa kaniya dahilan ng pagkalusaw niyon.
Hawak ng halimaw ang kanyang pisngi. Dama niya ang sakit dulot ng kamao ni Biel. Biglang sumulpot muli sa kanyang harapan ang binata at muli siyang inundayan ng suntok. Ngunit naging mailap ang halimaw. Mabilis niyang naiwasan ang pagsugod na iyon at gumanti ng isa ring suntok na naiwasan din ni Biel. Mabilis silang naglaban. Kamao sa kamao. Halos hindi makita ang mga kamay nila sa bilis ng pagsusuntukan. Biglang nagliyab ang kamao ng halimaw at ang bawat suntok niya ay nagdudulot ng apoy. Mas mabilis iyon at nahihirapan si Biel sa pagsugod na iyon.
Lumapit si Sharukh at tumulong kay Biel. Gayun din sina Roshnan at Lareena. Bitbit ang kani-kaniyang espada at iniuunday sa halimaw. Ngunit sadyang mabilis ang halimaw. Naiiwasan niya lahat ng mga pagsugod na iyon hanggang sa isa-isa silang nagliliparan palayo. At tanging si Biel lamang ang natitira. Patuloy pa rin ito sa pagsuntok sa halimaw.





CHAPTER 33

Sabay na lumapit sina Ameesha at Freya at tumulong sa binata. Kapwa nagliliyab ang mga kamao at mas mabilis ito sa halimaw. Ngayon ay tinatamaan ang halimaw sa iba’t ibang bahagi ng katawan ngunit nakukuha pa nitong gumanti. Patuloy ang pagpapalitan nila ng suntok at mayamaya lamang ay sabay sabay tumama ang kamao nina Freya, Ameesha at Biel sa dibdib ng halimaw at humagis itong papalayo. Sinundan agad iyon ng tig-isang bola ng kuryente mula kina Freya at Ameesha. Isang malaking pagsabog mula sa kinaroroonan ng halimaw. Tila isang malakas na lindol ang dumaan sa lakas ng pagsabog na iyon.
Natigilan ang lahat. Pinakikiramdaman ang susunod na ikikilos ng halimaw kung sakali mang nabubuhay pa ito. mahabang katahimikan ang kasunod. Tanging ang labanan ng mga kawal at fulva ang nagmimistulang musika sa Jumeda. Marahang lumapit sa kinaroroonan ng halimaw si Ameesha upang siguruhing tapos na ang labanan. Nang malapit na ito ay biglang may humablot sa kanyang leeg. Hindi niya ito napaghandaan dahil sa bilis ng pangyayari. Akmang lulusob ang mga mandirigma ngunit hinigpitan ng halimaw ang pagkakasakal kay Ameesha.
“Subukan nyong lumapit kundi’y katapusan na ni Ameesha!” anang malaking tinig ng halimaw. Tila natulala ang lahat. Hindi malaman ang gagawin. Muling napangiti ang halimaw. ‘Kaydaling linlangin ng mga mandirigmang ito’ sa isip niya. Unti-unting lumulutang sa hangin ang halimaw bitbit si Ameesha. Walang magawa ang lahat. Isang bolang kuryente ang pinakawalan ng halimaw at patungo ito kay Sharukh. Mabilis itong iniwasan ng binata.
“Sa susunod na iwasan ninyo ang aking kapangyarihan, tatapusin ko ang babaeng ito!” muling tinig ng halimaw.
“Huwag kayong magpadala! Huwag nyo akong intindihin!” sigaw ni Ameesha.
Muling nagpakawala ng bolang kuryente ang halimaw at si Roshnan ang tatamaan niyon. Mabilis na iniwasan ng binata ang bolang iyon. Nagalit ang halimaw at diniinan nito ang pagkakasakal ng isang kamay kay Ameesha na ngayo’y hirap sa paghinga.
“Tama na!” sigaw ni Freya.
Muling niluwagan ng halimaw ang pagkakasakal. Iniumang nito ang isang kamay kay Freya at nagpakawala ng isang bolang kuryente. Papalapit na iyon sa reyna ngunit hindi ito umaalis sa pwesto.
Biglang sumabog ito sa kanyang harapan. Nagulat si Freya. Hindi siya ang tinamaan niyon. Humarang si Sharukh sa kanyang harapan at ang binata ang sumalo sa bolang iyon. Nagliyab ang katawan niyon at bumagsak sa lupa.
“Ha ha ha! Magaling! Ganyan nga!” tuwang tuwa ang halimaw.
“Huwag nyo akong intindihin! Parang awa nyo na! para sa kapakanan ng Jumeda!” muling sigaw ni Ameesha. Muli na namang gumawa ng bolang kuryente ang halimaw. Naghanda ang mga mandirigma sa susunod na paglusob na iyon. Isa isang tiningnan ng halimaw ang mga kalaban na tila namimili kung sinong isusunod.
Bigla’y tatlong malalalim na sugat ang gumuhit sa braso ng halimaw na nakasakal kay Ameesha. Hindi niya inaasahan iyon at nabitiwan niya si Ameesha. Mabilis naman itong lumipad papalayo. Nilibot ng tingin ng halimaw ang paligid ngunit hindi niya malaman kung saan nanggagaling ang gumawa ng sugat sa kanyang braso. At muli’y tatlong malalim na sugat ang gumuhit sa kanyang likod. Namilipit siya sa sakit. Hinanap niya ang dahilan ng sugat na iyon ngunit wala talaga siyang nakita. Nagpakawala siya ng maraming bolang kuryente at kung saan saan iyon humagis ngunit wala saiyang tinamaan.
Samantala, mula sa itaas ng puno sa di kalayuan ay dumapo ang isang malaking paniki. Unti-unting nagbago ang anyo niyon. Si Iko. nakangiting pinagmamasdan ang halimaw. Nakita ito ng mga mandirigma at kapwa sila natuwa sa ginawa nito.
Muling naglabas ng kuryente ang halimaw. Nakita ito ni Iko at muling bumalik sa pagiging paniki. Lumipad ng mabilis at iniumang ang kuko sa mga hita ng halimaw.
PSK! PSK! PSK!
Tatlong sugat na naman ang iniwan nito. Namilipit sa sakit ang halimaw. Ngunit biglang nag-apoy ang katawan nito. Napakalakas ng pagliyab niyon.May katagalan. Galit na galit ito at unti-unting naghilom ang sugat. Nang mawala ang apoy ay muling hinarap ang mga mandirigma. Nagkatinginan ang mga ito. Tila walang nangyari sa halimaw.
Mabilis na lumusob ang paniki at tulad ng dati’y hindi makita ito sa sobrang bilis. Ngayo’y ang mga mata ng halimaw ang kanyang sasalakayin. Isang iglap lamang ay tinamaan niya ang isa nito. Nagwala ng husto ang halimaw at isa pang paglusob ay isang mata naman ang binulag ng paniki. Muling nag-apoy ang halimaw. Hawak ang dalawang mata ay patuloy ang pagliliyab nito.
“Lareena! Ikaw na!” sigaw ni Ameesha sa alagad at tumango ito at itinaas ang kamay at mabilis na nagpalabas ng ipo ipong tubig. Nawala ang pagaapoy nito at tinangay ng tubig. Paikot ikot ito sa ere.
“Biel!” sigaw ni Freya at nakuha nito ang ibig sabihin ng reyna. Mabilis niyang tinungo ang kinaroroonan ng halimaw at ubod lakas niyang sinuntok iyon dahilan ng pagbulusok nitong pababa. Halos bumaon ito sa lupa sa lakas ng suntok. Sinundan agad iyon ng matatalas na hangin mula kay Roshnan at ngayo’y sumusugat na iyon sa kanyang katawan. Nanghihina man ay pinilit na tumayo ang halimaw at unti unting umangat sa ere.
Mula sa ilalim ng lupa ay lumabas ang mga halamang ugat at pumulupot iyon sa bulag na halimaw dahilan upang hindi matuloy ang paglutang nito. pinipilit pa rin nitong tumaas ng biglang pumulupot sa paa niya ang kadenang bakal. Ang kabilang dulo niyon ay isang malaking bolang bakal. Mula iyon sa kapangyarihan ni Mallika. Hindi na nagawang umangat pa ng halimaw.
Nagtama ang paningin ng magkapatid na Freya at Ameesha at bigla’y sabay silang nagpakawala ng malakas na pwersa. Tumama ang napalakas na kuryente sa halimaw tuloy tuloy na ang panghihina nito at unti unting nagbabago ang kanyang anyo. Muling bumalik ang pagiging si Apo Shankar.
Halos maubusan ng lakas ang magkapatid kayat itiningil na nila ang paglabas ng kuryente. Ngunit buhay pa rin ang matanda. Bagamat hindi na ito makakita ay may lakas pa rin iyon.
“Kung sakali mang mapatay nyo ako ngayon… ang aking sumpa ang dudurog sa inyong puso!.” sigaw nito.
Sukat noo’y biglang inilabas ni Biel ang mga pangil mula sa kanyang kamao at mabilis niyang tinungo ang matanda. Mabilis niyang iniunday ang kamao at bumaon iyon sa dibdib ng matanda. Hindi inaasahan iyon ni Apo Shankar. Nalimutan niyang si Biel ang may pinakamalakas na kamandag sa buong Jumeda. Taglay ng binata ang kapangyarihan ng lahat ng mababangis na hayop. Ramdam niya ang sakit ng pagtuhog ng mga pangil sa kanyang puso. Mabilis itong dumaloy sa kanyang ugat at humalo sa dugo. Unti-unting tumitigil ang pagtibok ng kanyang puso. Sumisikip ang kanyang dibdib at hinahabol niya ang kanyang hininga. Hanggang sa tuluyan nang malagot ang kanyang hininga at bumagsak sa lupa. Ang katawan niya ay unti-unting naging abo at humalo sa lupa.
Tapos na ang laban. Tiningnan ni Biel ang paligid. Halos mauubos na rin ang mga fulva na kinakalaban ng mga kawal. Nakangiti na ang mga alagad. Pumunta sila sa kinaroroonan ng mga kawal upang tulungan ang mga ito sa pagpuksa sa mga fulva.
Gimbal ang lahat sa nakikita. Ang ibang mga fulva ay naglahong parang bula ngunit ang ilan sa mga iyon ay nagpapalit ng anyo. Mula sa pagiging halimaw nito ay nagiging anyong tao. nagtaka ang mga kawal. Maging ang mga alagad na papalapit sa mga kawal ay nagimbal. Lalo na nang makita ang itsura ng mga iyon. Ang mga fulva ay ang mga nawawalang kawal noon! Ang iba ay nakahandusay sa lupa. Ito marahil ang sumpa ni Apo Shankar.
Katahimikan.
Biglang umalingawngaw ang isang malakas na tinig.
“LANDROOOO!!!!” sigaw ni Krizes habang patakbong tinutungo ang nakahandusay na kawal. Kahit sa malayo ay kilala niya iyon. Ang kanyang asawa. Isa ito sa mga isinumpa ni Apo Shankar at naging fulva.
Nilibot ng tingin ni Ameesha ang mga nakahandusay na kawal. Sa sulok ng kanyang mata, nakita niya ang isang pamilyar na aura. Biglang bumilis ang tibok ng kanyang dibdib. Nakaramdam ng matinding kaba. Mabilis niyang tinungo ang kinaroroonan niyon. Nang malapit na siya’y tila malalagutan siya ng hininga. Hindi makapaniwala sa kanyang nakikita. Si Angelo. Ang kanyang minamahal. Ang ama ng kanyang anak na si Biel.
Tapos na ang digmaan. Nagkasundo na ang magkapatid na Freya at Ameesha, ngunit ang mga dugong dumanak sa Jumeda ay nakapanghihinayang. Ang mga palahaw ng mga naiwan ay kakila-kilabot.




CHAPTER 34

“Ilabas ang Varka!” utos ni Freya.
Ang mga yumao at sugatang kawal ay tinipon sa iisang lugar. Nakahiga iyon sa lupa kung saan naganap ang digmaan. Halos lahat ng taga-Jumeda ay naroon na rin. Ang mga naulila ng yumao, mga asawa at anak ng mga kawal.
Mabilis na sinunod iyon ni Raima. Itinaas niya ang kanyang mga kamay at mula sa ilalim ng lupa ay tumubo ang isang kakaibang halaman. Ang Varka. Nag-iisa lamang iyon sa Jumeda at tanging si Raima lamang ang may kakayahang palabasin iyon gamit ang kanyang kapangyarihan. Ngunit tulad ng ordinaryong puno, kailangan din itong alagaan at palaguin. Isang beses sa mahabang panahon ay sapat na upang mabuhay ito, ngunit ngayo’y tila nalalanta na ang mga dahon niyon at kailangan na muling diligan. Tanging ang tubig mula sa bukal ng buhay ang maaring idilig doon. At tulad ng bukal ng kasagutan, ito rin ay matatagpuan sa ilalim ng karagatan na tanging si Biel lamang ang maaaring makararating.
Ngayon ay nakatayo sa kanilang harapan ang halamang Varka. Ngunit nakalulungkot mang isipin, kailangan na nitong diligan. Iilan na lamang ang mga dahon niyon nanganganib ang lahat sa oras na maubos ang dahon niyon. Ipinaliwanag ni Raima sa lahat ang sitwasyon. Kulang ang mga dahon kung lahat ay bubuhayin. Kailangan muna itong diligin at palipasin ang tatlong paghawi bago tuluyang lumago ang mga dahon nito. Nalungkot ang mga kawal at ang mga naulila ng yumao.
“Biel, ikaw lamang ang tanging makapagpapabalik ng kanilang buhay.” Ani Freya “Tatanggapin mo ba ang aming hiling na kumuha ng tubig sa bukal ng buhay?” dugtong nito. Ang lahat ay nakatingin kay Biel.
“Hindi na po kailangang humiling mahal na reyna. Kusang loob ko itong gagawin alang-alang sa lahat ng taga-Jumeda”
Malakas na hiyawan ang kasunod sa sinabing iyon ng binata. At bitbit ang ibinigay ni Raima na mahiwagang supot, mabilis siyang lumipad at tinungo ang bukal.
Sa unang pagkakataon ay nakapag-usap ang magkapatid. Kaytagal ng panahong pinanabikan nila ang isa’t isa. Ang mga alagad ay magkakasundo na rin. Ngunit nais man nilang magsaya ay hindi pa iyon ang tamang panahon. Hihintayin nila ang pagdating ni Biel na sana’y magtagumpay sa kanyang gagawin.
Tahimik at nagpapahinga na ang lahat nang tumakip ang ulap sa kalangitan. Madilim na ng buong paligid. Tulog na ang lahat ng biglang nagulat ang mga ito sa isang sigaw.
“Si Biel!” anang isang kawal at lahat ay bumangon. Sabay sabay na naghiyawan at nagpalakpakan ang mga taga-Jumeda. Mula sa himpapawid ay nakangiting bumaba ang binata patungo sa kinaroroonan ng reyna bitbit ang mahiwagang supot. Muling inilabas ni Raima ang Varka at iniabot agad ni Biel ang supot. Marahang idinilig iyon ng dalaga sa halaman at isang iglap ay yumabong ang puno niyon. Lalong lumakas ang hiyawan sa paligid. Nagtaka naman ang mga alagad maging ang magkapatid dahil sa bilis ng pagyabong niyon. Dapat ay lilipas pa ang ilang paghawi bago ito yumabong.
“Regalo iyan ng bukal” ani Biel na nakingiti. Bilang pasasalamat daw niya sa pagbabalik ng kapayapaan sa Jumeda. Muli’y isang masigabong palakpakan. Kanya kanyang kuha ng dahon ang mga naulila at tila sabik na nilapitan ang mga yumaong mahal sa buhay. Nagkatinginan sina Freya, Ameesha at Biel at tila nagtatanong ang mga mata kung sino ang magpapatak ng varka kay Angelo.
Nakangiting lumapit si Ameesha sa Varka at pumitas ng dahon. Matapos ay iniabot niya iyon kay Biel.
“Ibinibigay ko sa iyo ang karangalan upang muling buhayin ang iyong ama….anak ko!” ani Ameesha at mabilis na kinuha iyon ni Biel sabay yakap sa ina. hindi napigilan ni Ameesha ang luhang dumaloy sa kanyang pisngi. Sa unang pagkakataon ay nayakap niya ang kanyang anak. Napakahabang panahon niyang piananabikan iyon. Maging si Biel ay tuluyan na ring napaluha. Nag maghiwalay ang kanilang katawan, dali daling pinuntahan niya ang kinaroroonan ng kanyang ama at sabik na ipinatak ang katas ng pinigang varka sa bibig nito. Sumunod sa kanya si Ameesha. Ngayo’y nasa likuran niya ito.
Unting-unting nagmulat ang mga mata ni Angelo at tila nagtataka ito nang makita ang nasa harapan niya. Mabilis siyang bumangon at niyakap si Biel.
“A-anak! Anak, narito ka!” mahigpit ang pagkakayakap nito ay Biel.
“Anong nangyari?” tanong ni Angelo.
“Mahabang kwento itay.”
Napatingin siya sa taong nasa likuran ni Biel, si Ameesha at tila nagulat ito. Bagamat lumuluha ay nakangiti itong nakatingin sa mag-ama.
“A-Ameesha?”
Lumapit ito sa kanila at yumakap na rin.
Napuno ng kasiyahan ang Jumeda habang unti unting sumisilip ang Jituvi. Humahalik ang liwanag nito sa paghawi ng ulap.
“Para sa lahat!” sigaw ni Freya. “Ipagdiriwang natin ang tagumpay at katahimikan ng Jumeda!!!!” dugtong pa niya at sabay sabay na naghiyawan ang lahat. Ang mga yumao ay muling nabuhay. Tumango si Freya kay Mallika at nakuha naman ng dalaga ang ibig sabihin ng reyna. Itinaas niya ang kanyang kamay at ipinikit ang mata. Mula sa kanyang kapangyarihan ay gumawa siya ng malaking hapag-kainan at pinuno niya ng pagkain iyon.
Isang malaking salu-salo ang naganap kasabay ng pagbibigay pugay sa mga kawal at mga alagad na nagbuwis ng buhay at nakipaglaban alang-alang sa Jumeda.

“Biel, maraming maraming salamat sa iyo. Napakalaki ng utang na loob ng Jumeda sa iyo.” Ani Freya kay Biel at niyakap niya ang binata.
“Walang pong anuman mahal na reyna.” Sagot ng binata.
“Hinihiling ko sana ang pananatili mo dito sa amin. Kailangan ka ng Jumeda.” Muling sabi ni Freya nang maglayo ang kanilang katawan. Saglit na natigilan si Biel.
“M-mahal na reyna….” Nag-aalangang sagot ng binata. “Patawad po….nais ko pong manatili dito pero… mas kailangan ako sa aming mundo. Ako lang ang inaasahan ng inay”
“Pero si Ameesha ang tunay mong ina! Ito ang mundo mo Biel.”
“P-Pero”
“Freya…” tinig mula sa likuran ng reyna. Si Ameesha. “Panahon na upang ibigay natin ang desisyon kay Biel. Masakit para sa akin ang malayo sa aking anak ngunit kung ito ang ikaliligaya niya ay maligaya na rin ako.”
Katahimikan.
“Patawarin nyo sana kami Ameesha” ani Angelo. “Pero ang mundong aming ginagalawan ang syang dapat naming paglingkuran. Salamat sa pag-ibig na inilaan mo sa akin. Ang damdamin ko’y katulad din ng sa iyo ngunit mas matimbang ang pagmamahal ko kay Divina.” Patuloy pa nito.
Sa kabila ng malungkot na mukha ay ngumiti si Ameesha.
“Naiintindihan ko Angelo. Humayo kayo at baunin ang pag-ibig ko sa inyong paglalakbay.”
“Salamat.”
Lumapit si Raima at ibinigay ang varka.
“Ikaw na ang bahala sa iyong inay na tagalupa. Sana’y pagkalooban kayo ng walang hanggang kasiyahan.”
“Salamat Raima”
“Biel,” tinig ni Mallika habang papalapit kay Biel. Hinipo ang ulo at ginusot gusot ang buhok. “Wag kang masyadong pilyo ha?”
Ngumiti naman ang binata. “Mabait po ako.”
Lumapit na rin si Iko sa kanila.
“Pano yan Biel, edi ito na yung huling pagkikita natin. Kahit maiksing panahon lang ang pinagsamahan natin ay…” saglit na natigilan. “ngayon lang kasi ako nagkaroon ng isang matalik na kaibigan” at yumakap ito sa binata.
“Ano ba kayo? Hindi ito ang huling pagkikita natin! Dadalawin ko kayo rito ng madalas! At sana, dalawin nyo rin ako sa aming mundo. Sana wala na ang batas na ipagbabawal ang pagpunta ninyo sa amin.”
“Talaga Biel?”
At tumango ang binata.

ILANG SAGLIT PA ay nasa himpapawid na ang mag-ama. Binabaybay nila ang daan pauwi. Muling humanga si Biel sa ganda ng tanawing kanyang nakikita. Nilanghap niya ang hangin ng kanilang mundo. Kaysarap damhin niyon. Kumakagat na ang dilim ng matanaw nila Biel ang kanilang nayon. Sabik na sabik itong mayakap ang ina, kapatid at higit sa lahat…si Elaine. Ang babaeng kanyang minamahal.


CHAPTER 35

Sa may kakahuyan inilapag ni Biel ang kanyang ama. Doon sila sa may kalayuan upang makaiwas sa mga taong naroon. Tumulong din ang kadiliman ng gabi upang itago sila. Mabuti na lamang at doon nila iniwan sa bahay ni Elaine ang kanyang ina at kapatid. Habang naglalakbay sila ay ikinuwento na ni Biel sa ama ang lahat ng pangyayari upang hindi na ito magtaka sa sitwasyon. Kapwa sila sabik na makita ang kanilang minamahal.

TOK! TOK! TOK!
Si Elaine ang nagbukas ng pinto at gulat na gulat siya sa kanyang nakita. Isang malaking sorpresa.
“Biel!” anang dalaga at mahigpit na niyakap ang binata. Gumanti naman iyon ng isa ring mahigpit na yakap.
“Kuya!” patakbong tinungo ni Buboy ang kapatid ng makita nito sa may pinto. Yumakap din ito sa kanila.
“Asan ang inay?” tanong ni Biel. Na puno ng kasiyahan.
Pumasok sila sa bahay at mabilis na tinungo ni Biel ang kanyang inay. Ipinainom agad nito ang katas ng varka at sa isang iglap lamang ay bumalik ang kanyang alaala.
“Biel, Buboy! Mga anak!” at mahigpit itong yumakap sa magkapatid.
“’Nay, Buboy, May sorpresa ako sa inyo” may kasabikang tinig ni Biel.
“Ano yun kuya?”
Niyaya niya ang mag-ina sa may sala at pinaupo roon. Pagkatapos ay saglit na lumabas ng bahay at isinara ang pinto. Ilang sadali lang ay dahan dahang bumubukas ang pinto at iniluwa noon si Biel habang papasok ito ng bahay.
“Inay, Buboy, Elaine, inihahandog ko sa inyo…” binuksan nitong tuluyan ang pinto at tumambad sa kanilang harapan si Mang Angelo. “ang aking itay!”
“A-Angelo?” tila hindi makapaniwala si Aling Divina sa kanyang nakikita. Patakbong lumapit si Mang Angelo sa nakatayo nang si Aling Divina at niyakap ang kabiyak.
“Divina, patawarin mo ako!” ngayo’y kapwa na tumutulo ang kanilang mga luha.
“K-Kuya, sya ba ang itay ko?” nag-aalangang tanong ni Buboy. Tumingin si Mang Angelo sa bata at niyakap ito.
“Anak ko, ang laki mo na! patawarin mo ako” patuloy ang paghagulgol ni Mang Angelo.
“I-itay?”
Maging si Elaine ay napaluha rin sa tagpong kanyang nakikita.

KINABUKASAN NA bumalik sa kanilang tahanan ang pamilya. Doon na sila nagpalipas ng gabi kila Elaine at halos buong magdamag na nagkwentuhan. Malaking pasasalamat ang kanilang binitiwan sa pamilya ni Elaine sa pagkupkop nito sa maikling panahon. Tinungo agad ni Biel si Alvin upang ibalita rito ang mga naganap. Naikwento rin ni Alvin na siya ang nakiusap sa ospital para huwag ituloy ang paghahanap kay Aling Divina. Agad nilang tinungo iyon at maging si Biel ay nakiusap na rin sa mismong may-ari ng ospital at nangakong pananagutan ang lahat ng kanyang pagkukulang at sinang-ayunan naman ito ng may –ari.

DAPIT HAPON, mula sa himpapawid ay bumaba si Biel sa tapat ng bahay nila Mang Arnulfo upang ibalita ang lahat at mangamusta na rin. Mula sa kalayuan ay natanaw agad siya ni Louisa. Patakbo siyang tinungo nito.
“Biel!” tuwang-tuwang yumakap ito sa binata.
“Kamusta ka na Louisa? Si Mang Arnulfo?” anang binata ng maglayo ang kanilang katawan.
“Nandun pa sa bukid. Kamusta ka na?” tugon ng dalaga.
“Eto, masayang masaya sa naging tagumpay ng aking lakad.”
“T-Talaga? Ang ibig mong sabihin…”
“Oo…nagawa ko… kaya nagpapasalamat ako sa inyong mag-ama sa tulong na ginawa ninyo.” Naglalakad sila papunta sa bahay ng datnan ni Mang Arnulfo.
“Aba Biel! Mabuti at napasyal kang muli” nakangiting bati ng matanda. At iniabot naman ni Biel ang kamay sa matanda.
“Narito po ako upang magpasalamat sa inyo.” Anang binata habang nagkakamayan sila.
“Kamusta ang paglalakbay mo?”
“Mahabang kwento po!”
“Tara sa loob at nang masimulan mo na.”
“Ipagluluto kita ng espesyal na pagkain” ani Louisa.

SINAMPALUKANG MANOK ang inihain ni Louisa at habang kumakain ay hindi pa rin matapos ang kanilang kwentuhan. Hanggang sa matapos na sila ay panay pa rin ang pagbibida ni Biel.
“Pano po, Mang Arnulfo, medyo may kalaliman na rin po ang gabi, mauna na po ako”
“Bakit naman hindi ka dito magpalipas ng gabi?”
“OO nga Biel, ang tagal mong nawala tapos aalis ka kaagad?” si Louisa.
“Hinihintay din ako nila inay at itay. Wag kang mag-alala, babalik naman ako eh”
“Kung ganon, sige, mag-ingat ka na lang iho, o pwede ko ring sabihing… sila ang mag-ingat sa iyo..hahaha”
“Sige po Mang Arnulfo, Salamat pong muli.”
“Ihahatid na kita sa labas.” Ani Louisa habang papalabas si Biel.
“O sige at ako’y maliligo na rin.” Ani Mang Arnulfo.

“Biel, miss na miss na kita.” Ani Louisa. Nasa labas na sila ng bahay.
“Ako rin naman Louisa, na-miss ko yang kakulitan mo” at ngumiti si Louisa sa sinabing iyon ni Biel.
Katahimikan.
“Biel,” si Louisa ang bumasag ng katahimikang iyon. “Mahal kita. Mahal na mahal kita.” Tila binuhusan ng malamig na tubig si Biel. Saglit siyang natigilan.
“Mahal din kita Louisa” biglang ngumiti ang dalaga. saglit na natigilan si Biel.
“Pero bilang kaibigan lang” dugtong ng binata.
Natigilan si Louisa, biglang nalungkot. Pilit pinipigilan ang luha ngunit tumuloy pa rin ito sa pagdaloy sa pisngi niya.
“Si Elaine ang mahal ko, buhat pa lamang nung mga bata pa kami. Sana ay maintindihan mo.” Malungkot na paliwanag ni Biel.
“N-naiintindihan ko Biel” patuloy pa rin ang pagdaloy ng luha.
“Salamat. Sana ay hindi magbago ang turing mo sa akin.”
“H-hindi Biel. Hindi.”
“Paalam Louisa. Babalik na lang ako sa susunod.”
At kasunod niyon ay lumutang sa hangin si Biel at tuluyan ng nilamon ng dilim ng kalangitan at naiwang umiiyak si Louisa.

NADATNAN ni Biel na nag-uusap sa labas sila Alvin at Elaine. Nababasa niya ang reaksyon ng dalaga. Galit iyon.
“O, eto na ang hinihintay mo.” Nakangiting sabi ni Alvin habang bumababa si Biel. Nakasimangot pa rin si Elaine.
“Naku, Biel, kanina ka pa hinihintay nito.” salubong ni Alvin. “O pano, Elaine, Biel, maiwan ko na kayo at alam kong mahabang usapan ‘to. hehehe” tila pang-aasar ni Alvin.
“Sige, salamat ha?” nakangiting sabi ni Biel habang lumalakad papalayo si Alvin at kumaway pa ito sa dalawa.
“Elaine…”
“San ka galing?” matigas na tinig ng dalaga.
“Ha? A.. e..”
“Saan?”
“Dun lang.. kila, Mang Arnulfo.”
Hindi maipinta ang mukha ni Elaine.
“Dun sa Louisang iyon? At anong ginawa mo? Nakipaglandian ka sa malanding babaeng iyon?”
“Elaine naman, hindi ganun.”
“Hmp! E ano? Si Mang Arnulfo ang nilandi mo? Ang tagal kong naghihintay dito tapos ikaw, nakikipagharutan ka lang pala sa babaeng iyon? Makalayas na nga” at mabilis na tumalikod ang dalaga at nagmamadaling lumakad papalayo.
“Sandali lang Elaine. Hayaan mo muna akong magpaliwanag.”
“At anong sasabihin mo? Wala kang ginagawang masama? Kilala ko na ang babaeng iyon at kung gaano ka nya landiin.”
Saglit na katahimikan.
“Oo inamin nyang mahal nya ako” ani Biel at tumigil sa paglakad ang dalaga ngunit nakatalikod pa rin ito. “Totoo yun.. at hinangaan ko sya dahil naging totoo sya sa akin.” Dugtong pa ni Biel. “Pero sinabi ko sa kanyang ikaw ang mahal ko. Ikaw lang Elaine… mahal na mahal kita.”
“Huwag mo nga akong bolahin” ani Ealine. Hindi pa rin ito humaharap sa binata. Ngunit may lihim na ngiti sa kanyang pisngi.
“Hindi bola yun Elaine.” Lumapit si Biel sa dalaga at hinawakan sa balikat nito sabay kinabig at ngayo’y magkaharap na ang dalawa.
“Mahal na mahal talaga kita. Mula pa nung mga bata pa tayo, ikaw lang ang minahal ko ng ganito sa buong buhay ko.”
“Bola” nakasimangot si Elaine ngunit bumibiils ang tibok ng kanyang puso at kinikilig iyon sa sinabi ng binata.
“Nasa itsura ko ba ang nambobola” at nagtama ang kanilang mga mata.
“Oo” ani Elaine at ngumiti ito kay Biel.
“Totoo ang sinasabi ko Elaine. Mahal na mahal na mahal kita.”
“Pangako?”
“Pangako.”
At hinapit ng binata ang bewang ng dalaga upang magdikit ang kanilang katawan. Malambing na tinitigan ng binata si Elaine at marahang inalalayan iyon at bahagyang binuhat. Tila nakuha naman ni Elaine ang nais ni Biel kaya’t iniapak niya ang kanyang paa sa ibabaw ng paa ni Biel. Mahigpit na niyakap ng binata sa bewang ang dalaga. kapwa nakangiti at malambing na nakatitig sa isa’t isa, dahan dahang naglapat ang kanilang mga labi. Ngayo’y kapwa na sila nakapikit. Kasunod noon ay unti-unti silang lumutang sa hangin. Patuloy ang pagdampi ng kanilang mga labi habang patuloy ang paglutang nila sa hangin…pataas ng pataas sa kadiliman ng gabi.

-wakas-










PAHABOL

Sa loob ng Farmers Field Bank, isang maliit na bangko sa bayan, tahimik na nagbibilang ng pera si Lanie. Ang seksing kahera doon para sa isang costumer na nagdedeposito. Walang anu-ano’y biglang pumasok ang apat na armadong lalaki at huli na nang makita niyang nakahandusay ang gwardiya sa labas.
“Walang kikilos! Taas ang mga kamay!” sigaw ng isa sa mga lalaki bitbit ang kanyang baril. Mabilis itong lumapit kay Lanie at iniabot ang isang itim na bag habang nakatutok ang baril nito sa dalaga. ang ibang kasama nito ay nakaharap sa iba pang mga tao doon at nakatutok ang mga baril.
“Ilagay mo lahat ng pera dyan kung ayaw mong sumabog ang ulo mo!” anito sa dalaga. nanginginig ang buong katawan ng dalagang sinunod ang utos niyon. Ang lahat ay binalot ng takot. Ito ang unang pagkakataong magkaroon ng holdapan sa lugar na iyon. Tanging ingay ng mga palahaw ang maririnig sa paligid. Bagama’t may bitbit ng baril ang mga lalaki, halata ang takot sa ikinikilos nito.
“Bilisan mo!” muling sabi nito sa dalaga at lalo naman itong nataranta at biglang binilisan ang paglalagay ng pera sa bag.
“Mas mabuti pang ibaba nyo na lang ang mga baril ninyo at sumuko na lang kayo kesa naman isa-isa kayong humandusay sa sahig.” Kalmadong tinig ng isang lalaki mula sa pintuan ng bangko. Takang nagtinginan ang lahat sa pinagmumulan ng malumanay ng tinig na iyon.
Isang lalaki ang naroon. Tila balat ng hayop ang suot niyon ngunit walang manggas. Sa bewang nito ay may latigo at naka-itim na pang-ibaba. Nakamaskara ito ngunit nakalantad ang bibig kaya’t hindi malaman ang tunay na itsura niyon.
“Inuulit ko, bitiwan nyo ang mga baril nyo kung ayaw ninyong masaktan.”
“Sino ka para utusan kami ng ganyan?” tanong ng isang lalaki sa bandang kanan.
“Baka gusto mong ikaw ang masaktan!” anang isa naman sa kaliwa sabay nagpaputok ng baril na nakaumang sa lalaki. Nagdapaan ang mga inosenteng tao sa loob.
BANG! BANG! BANG!
Ngunit sa isang iglap ay nawala itong parang bula. Nabigla ang mga armadong lalaki at nilibot ng paningin ang pailigid.
Mula sa kung saan, isang gagamba ang bumagsak sa harapan ng isang armadong lalaki. At sa isang iglap ay naging tao iyon. Hinwakan ang baril niya at binali iyon sa pamamagitan lamang ng isang kamay at itinapon papalayo. Isang suntok ang iniunday nito sa lalaki at dagling humandusay iyon sa sahig. Muling nawala ang mahiwagang lalaki.
Binalot ng takot ang tatlo pang kalalakihan. Ang dalawa ay magkatabi at ang isa naman at nasa harap ng kahera.
Muli, mula sa kung saan, isang ahas ang gumapang sa likuran ng dalawang lalaki. At bigla’y naging tao iyon. Hinawakan niya sa batok ang dalawang lalaki at malakas na pinag-untog iyon. Halos sabay na bumagsak ang dalawa.
BANG!
Isang putok ang pinakawalan ng natitirang armadong lalaki. Patungo iyon sa kinaroroonan ng mahiwagang lalaki. Ngunit huli na nang malaman niyang wala na ito sa pwesto. Mabilis niyang hinablot si Lanie at inipit sa may leeg.
“Kung sino ka man, wag kang magkakamaling kumilos ng masama at pasasabugin ko ang bungo nito.” aniya at itinutok sa ulo ng babae ang baril. Lilinga-linga ito at hinahanap kung saan naroon ang mahiwagang lalaki.
Mula sa kanyang tagiliran ay pumulupot ang latigo sa kanyang kamay at bigla’y humagis ang baril na kanyang hawak. Lumingon siya sa kinaroroonan ng latigong iyon at nakita niyang nakatayo ang mahiwagang lalaki. Ngumiti ito sa kanya.
“Tama na po! Susuko na po ako!” pagmamakaawa ng lalaki. Binitiwan si Lanie at itinaas ang mga kamay. Lumuhod pa ito at yumuko sa harap ng lalaki.
“Parating na ang mga pulis. Sila na ang bahala sa inyo.” Kalmadong sabi ng lalaki at tumalikod ito.
Biglang nakita ng armadong lalalaki ang baril sa sahig. Mabilis niya itong sinunggaban at itinutok sa mahiwagang lalaki.
Ngunit isang malaking lawin ang biglang lumipad sa kanyang harapan at kinalmot ang mga kamay nito. pagkuwa’y naging isang tao at inundayan ng suntok ang lalaki. Walang malay itong bumagsak sa sahig.
Sa di kalayua’y naririnig ang sirena ng sasakyan ng pulis. Papalapit na ito sa bangko.
Mabilis na lumapit si Lanie sa mahiwagang lalaki at hinawakan ang kamay nito.
“Salamat” maluha-luhang bulong nito.
“Ginagawa ko lang ang nararapat.”
“Maari ko bang malalaman kung sino ka?” tanong nito.
“Tawagin nyo na lamang akong…..”

“BANGIS!”

At mabilis itong lumabas sa pinto at pagkuwa’y lumipad paitaas.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento